Iniwan Niya ang Mahirap na Buhay sa Probinsya Upang Makipagsapalaran sa Siyudad; Makamit Niya Kaya ang Inaasam-asam na Buhay?
Napasimangot si Luis nang makita ang ilang piraso ng kamote na nakahanda sa mesa. Hindi niya tuloy maiwasan na magreklamo.
“Buong araw akong natusta sa init sa bukid, pag-uwi ko, ito ang kakainin ko?” inis na bulalas niya.
“Luis!” agad niyang narinig ang saway ng kakambal niya na si Leon.
Ang kaniyang lolo naman ay nanatiling nakatungo sa hapagkainan, tila hindi siya matingnan.
Maya-maya ay nagsalita ito.
“Pasensya ka na, apo. Ito lang ang nakayanan natin. Hayaan mo’t didiskarte ako, nang makakain naman tayo ng kanin,” anang matanda.
Dalawang taon na ang lumipas simula noong tuluyan silang maulila. Ang kanilang Lolo Pedring ang kumupkop sa kanila.
Napakabait ng kanilang lolo, ngunit napakahirap ng buhay nito. Halos isang kahig, isang tuka sila, makaahon lang.
Kaya naman isang araw ay nagising na lang si Luis na tuluyan nang nilamon ng ambisyon at ng kagustuhan na gumanda ang buhay.
“Luis, aalis ka at iiwan ang buhay rito? Paano kung mapahamak sa Maynila?” anang kaniyang kakambal nang sabihin niya rito ang kaniyang plano.
“Sigurado ako na mas maayos ang buhay doon…” aniya, halos sigurado.
“Hijo, hindi ba pwede na manatili ka na lang?” usisa naman ng kanilang lolo sa halos pabulong na boses. Bakas sa mukha nito ang lungkot at takot.
Lungkot dahil mawawalay ito sa apo, habang takot naman para sa pangamba na baka mapasama ang kaniyang apo sa siyudad.
Bumaling siya sa kaniyang lolo.
“Bakit ayaw niyo akong paalisin, ‘Lo? Kaya niyo po ba na bigyan kami ng magandang buhay?” tanong niya sa matanda.
Malungkot itong umiling bago sumagot.
“May kaunti akong ipon, apo. Para sana sa pag-aaral niyong magkakambal. May kolehiyo sa malapit, pwede kayo na mag-enroll doon,” pilit na pangungumbinsi ng kaniyang Lolo.
Ngunit buo na ang desisyon ni Luis.
“Ayaw ko po ng ganitong buhay. Hayaan niyo na lang po ako na makipagsapalaran sa Maynila, at ako na po ang bahala sa sarili ko,” aniya, bago walang lingon-likod na umalis.
Iyon na rin ang huling beses na nakita niya ang kaniyang lolo at sa kakambal na iniwan niya sa probinsya.
Hindi niya na rin ginustong bumalik at makibalita dahil nais niya na magsimula ng sariling buhay.
Akala niya ay sapat na ang sigasig, sipag, at pagsisikap.
Pinasok niya ang halos lahat ng klase ng trabaho—pagtitinda sa palengke, pagkakarpinteto, pagiging waiter, kargador, at kung ano-ano pa.
Subalit sa upa pa lang sa maliit niyang tirahan at araw-araw na gastos ay hirap talaga siyang magtabi ng pera.
Lalo na noong dumating sa buhay niya si Sarah, ang naging una niyang nobya.
Ninais niyang maibigay rito ang lahat.
Pansamantala niyang isinantabi ang plano na pag-aaral. Nagpasya sila ng nobya na magsama sa iisang bubong, at makalipas ang ilang buwan ay nabuntis niya ang nobya.
Bagaman isa iyong malaking pagpapala ay alam niya na hindi biro ang pagpapamilya, kaya naman triple ang naging pagsisikap niya upang mabigyan ng magandang buhay ang maliit nilang pamilya.
Ilang taon ang matulin na lumipas, ngunit hindi man lang nginitian ng kapalaran si Luis. Pitong taong gulang na ang anak niya, at halos gabi-gabi kung maiyak siya sa awa sa anak.
Ang buhay kasi na pinakaiiwasan niya—isang kahig, isang tuka—ang siyang nangyari sa kanila.
Iniwan na siya ng kaniyang asawa nang mapagtanto nito na isang simpleng buhay lang ang kaya niyang ibigay.
Kaya naman sa umaga ay walang humpay siyang nagtatrabaho habang sa gabi ay ginagampanan niya ang pagiging ama.
May mga pagkakataon na ninais niya nang umuwi sa probinsya upang makita man lang ang kaniyang mga kapamilya, ngunit sa tuwing naiisip niya na gastos lang iyon ay nagbabago ang isip niya.
Hanggang sa isang pagsubok ang dumating sa kanilang mag-ama.
Isang madaling araw ay nagising na lang siya na nanginginig ang kaniyang anak. Nang isugod niya ito sa ospital ay nalaman niya na may impeksyon sa dugo ang anak na nangangailangan ng mahaba-habang gamutan.
“M-magkano ho k-kaya ang aabutin ng pagpapagamot, Dok?” nanghihinang tanong niya.
“Hindi ko ho masabi sa ngayon, pero kakausapin po kayo ng espesyalista at siya na ho ang sasagot ng mga tanong niyo,” sagot ng bata-batang doktor.
Halos tatlumpung minuto siyang naghintay bago nakaharap ang naturang espesyalista. Ngunit nang masilayan niya ang mukha ng doktor ay halos matumba siya sa pagkagulat.
“Leon?” namimilog ang mata na bulalas niya. Mahabang panahon man ang lumipas ay hinding-hindi niya malilimot ang hitsura ng kapatid.
“Luis? Ikaw na ba ‘yan?”
Maging ito ay hindi makapaniwala sa paghaharap nila.
Sa kwento ng kakambal ay nalaman niyang kung paano iginapang ng lolo nila ang pag-aaral nito. Iyon ang dahilan kung bakit natupad nito ang pangarap na maging doktor.
“Ikaw, kumusta ka na? Ano nang balita sa’yo?” Ito naman ang nag-usisa.
Unti-unting tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Tila noon lang niya nailabas ang lahat ng kapaguran at paghihirap na ininda niya ng matagal na panahon.
Mas lalo siyang napaiyak nang yakapin siya ng kakambal.
“Naging masipag ka naman. Sadyang hindi lang naging mabait sa’yo ang pagkakataon. Pero ‘wag kang mag-alala, dahil narito kami ni Lolo para tulungan ka. Maayos na ang buhay namin. Matagal ka na naming hinahanap. Salamat at ibinalik ka Niya sa amin…” madamdaming pahayag nito.
Sa muli nilang pagkikita ng kaniyang lolo ay bumuhos ang luha at emosyon. Ni isang saglit pala ay hindi man siya nalimot ng kaniyang lolo.
“Salamat naman apo at nagbalik ka… Makakatulog na ako nang mahimbing…” anang matanda. Bakas sa mukha nito ang saya.
Tuwang-tuwa ito na makilala ang anak niya, na patuloy pa ring ginagamot sa tulong ng kapatid niya na isang magaling na doktor.
Sa wakas, tila dininig na ang panalangin niya na sana ay gumaan naman ang kaniyang mga dalahin. Bumalik sa buhay niya ang kaniyang pamilya.
Masayang-masaya si Luis. Tunay nga na pagkatapos ng unos ay sisikat ang araw, at magkakaroon ng maliwanag na bukas.