Ginamit ng Inang Ito ang Kaniyang Anak Upang Makahingi ng Donasyon sa Ibang Tao; Ito ang Aabutin Niya sa Kaniyang Ginagawa
“Nakahanda na ang camera, anak. Ayusin mo ang hitsura mo, ha? Gusto ko, ’yong mukhang kawawa ka talaga,” bilin ng kaniyang ina sa dalagitang si Crizel habang inaayos nito ang pagkakalagay ng camera sa tapat ng kaniyang higaan. Kahit napakainit ng panahon ay balot na balot ang hitsura niya, bilang bahagi ng ‘drama’ nilang mag-ina.
“Opo, mama,” wala sa loob na pagsang-ayon na lamang ni Crizel sa ina na agad namang napangiti sa naging sagot niya.
“Tama ’yan, anak. Ganiyan nga. Kailangan, gandahan mo ang acting mo para mas marami kang makumbinsi, nang sa ganoon ay maraming magbigay sa atin ngayon ng donasyon. Kailangan natin ng pera,” muli ay dagdag pa ng kaniyang ina na sa ikalawang pagkakataon ay tinanguan na lamang ni Crizel.
“Ito po ang anak kong si Crizel, mayroon po siyang sakit sa baga at kailangan po namin ng malaking halaga para sa kaniyang pagpapagamot. Kumakatok po kami sa inyong mabubuting mga puso na sana ay matulungan n’yo kami, kahit sa maliit lamang na halaga. Maraming salamat po!” makabagbag damdaming pagdadrama ng kaniyang ina sa harap ng camera, habang si Crizel naman ay umaktong hinang-hina habang nakahiga siya sa kaniyang kama. Gumamit pa siya ng kolorete sa mukha upang magmukhang makatotohanan ang pagkakaroon niya ng sakit kunwari, at dahil doon ay mabilis namang dinagsa ng mga nakikisimpatiyang komento ang kanilang live video.
Hindi rin nagtagal pa ang ilang sandali at maya-maya pa ay biglang nagsunod-sunod ang pasok ng mga notification sa cellphone ng kaniyang inang si Aling Gina. Iyon ay galing sa online-banking application nito kung saan ipinapadala ng mga tao ang ‘donasyon’ nila para sa pagpapagamot-kuno ni Crizel.
“Tamang-tama ito, anak! Nakarami tayo ng panghihingi ngayon ng donasyon!” sabik na sabik na sabi sa kaniya ng ina pagkatapos nilang mag-live sa iba’t ibang social media platform.
Agad namang nalungkot ang mukha ni Crizel, dahil sa totoo lang ay hindi na niya kaya pa ang ginagawang panggagamit sa kaniya ng ina sa panloloko nito ng ibang tao. “Mama, kung nakarami na po tayo ngayon, baka naman po p’wedeng ihinto na natin itong ginagawa nating panloloko. Hindi ko na ho kaya. Sobrang nakukunsensya at natatakot na ho ako sa maaari nating makuhang karma. Tama na po,” pakiusap niya nang sa wakas ay hindi na niya kayang pigilan pa ang damdamin.
Dahil sa sinabing iyon ni Crizel ay agad na sumimangot ang mukha ng kaniyang ina. Sa isang iglap ay nakalapit ito sa kaniya at agad na nahawakan nang mahigpit ang kaniyang magkabilang pisngi. Halos bumaon doon ang mga kuko nito sa daliri na siya namang nagpaluha kay Crizel.
“Huwag na huwag mo akong pagsasabihan kung ano ang dapat at hindi ko dapat gawin, ha? Anak lang kita, kaya kung ano ang gusto ko ay iyon ang dapat mong sundin!” nanggagalaiting sabi pa ni Aling Gina sa anak na tuluyan nang napaiyak sa kaniyang labis na pang-aabuso.
Pagkatapos no’n ay muli na namang ibinalik ng ginang ang kaniyang atensyon sa pagbibilang ng mga donasyong patuloy pa ring pumapasok sa kanilang account. Nakangiti siya at animo baliw na tumatawa sa sobrang saya—nang bigla na lamang huminto ang pagdating ng donasyong ipinanghingi niya kanina!
“Ano’ng nangyari? Bakit biglang huminto?” takang-takang tanong niya na agad namang nilingon ang cellphone kung saan siya nagla-live kanina.
Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ni Aling Gina nang makita niyang hindi niya pala natapos ang live video na ginawa niya kanina at ngayon ay patuloy pa rin ang pagpe-play nito! Kitang-kita ng mga tao kung paano niya saktan si Crizel kanina, at kung papaanong inamin niyang hindi totoo ang ‘drama’ na matagal na niyang ipinagagawa sa kaniyang anak.
Inulan ng masasamang komento ang post na ’yon ni Aling Gina, na kahit pa mabilis niyang sinubukang agapan ay huli na ang lahat. Marami nang tao ang nakapanuod nito at may mga nakapag-save at nakapag-repost na rin ng ginawa niyang video!
Sa sobrang taranta ni Aling Gina ay hindi na niya namalayan pa na naroon na pala sa labas ng kanilang pintuan ang mga pulis na handa na siyang hulihin para sa ginawa niyang panloloko ng mga tao. Sa wakas ay natimbog din ang mapang-abusong ina ni Crizel, na matagal na panahon na rin niyang gustong takasan. Samantala, mas gumanda naman ang buhay ng dalagita matapos mangyari iyon, dahil napunta siya sa kamay ng mga social worker at doon ay nabigyang pansin ang kaniyang kakulangan sa pag-aaruga.