Sobrang Tsismosa at Mahilig Makibasa ng Text ng Kapwa Pasahero sa Jeep ang Babaeng Ito; Paglalaruan Tuloy Siya ng Tadhana
Kauuwi lamang ni Jenica mula sa kaniyang trabaho. Sa wakas ay nakasakay din siya ng jeep sa tagal ng ipinaghintay niya kanina sa pila sa terminal. Ngayong ‘back-to-normal’ na kasi ang lahat ay bumalik na naman agad sa dati ang siksikang pila ng mga tao, kaya naman nakadagdag na naman ’yon sa pagod ni Jenica. Mabuti na lamang at mayroon siyang kakaibang paraan ng paglilibang at pangtatanggal ng pagkaburyong habang nakasakay siya sa jeep…iyon ay ang pagbabasa ng text messages ng mga kapwa pasaherong nakakatabi niya sa upuan.
‘Hobby’ na ni Jenica ang gawin iyon. Kilala kasi siyang tsismosa sa kanila, kaya naman hanggang sa kahit saan siya magpunta’y nadadala niya ang ganoong pag-uugali. Hindi naman naisip ni Jenica na darating ang araw na paglalaruan siya ng tadhana dahil sa kaniyang kakaibang libangan.
“Tatlo na lang, aalis na!” hiyaw ng barker sa labas ng sinasakyan niyang pampasaherong jeep. Hindi naman nagtagal at maya-maya pa ay napuno na agad ang sasakyan kaya naman agad nang ini-start ng tsuper ang makina.
Palinga-linga naman si Jenica sa paligid. Ganoon na lang ang pagbubunyi ng kaniyang damdamin nang maglabas ng cellphone ang lalaking ngayon ay katabi niya. Lalo pa nga siyang natuwa nang makitang nagpunta ito sa messaging app ng nasabing aparato, at nagsimulang magtipa ng mensahe para sa isa sa mga contacts nito na nagngangalang PARE.
“Tamang-tama. Makikibasa muna ako ng text ng iba, tutal ay mahaba-haba pa naman ang biyahe. Kaysa naman matulog ako at baka lumampas pa ako sa hihintuan ko,” sa isip-isip ay sabi pa ni Jenica sa sarili.
Muli niyang dinungaw ang cellphone ng katabi na dahil abala sa ginagawang pagtitipa ay hindi na napansing may tsismosa palang nakikibasa ng kaniyang mensahe.
“Pare, ano, nakapuwesto na ba kayo?” pagbabasa ni Jenica sa unang mensaheng ipinadala ng lalaking katabi.
Hindi naman nagtagal ay nag-reply agad ang kausap nito. “Oo, pare. Simulan mo na at baka mapurnada pa ang plano natin. Siguraduhin mong hindi ka papalpak para hindi masayang itong ginawa natin,” sagot ng kausap nito na agad namang nagpakunot sa noo ni Jenica.
Kinutuban siya ng masama. Pakiramdam niya ay may hindi magandang balak na gawin ang lalaking ito sa loob mismo ng sasakyang pinaglululanan nila ngayon. Ngunit dahil masiyado pang maaga para siya ay mag-react ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pagbabasa sa mga susunod pang palitan nito ng mensahe.
“Katabi mo ba?” muli ay tanong ng kausap ng lalaki.
“Oo, pare. Kinakabahan nga ako, e. Pero kailangan ko ’tong gawin para sa kinabukasan namin,” sagot ulit ng katabi ni Jenica.
“Dala mo naman ba ’yong sandata mo? Bilisan mo na. Ipakita mo na sa kanila at nang matapos na ito,” muli ay reply naman ng kausap nito lalo pang nakapagpakaba kay Jenica! Ngayon ay sigurado na siyang may masama nga itong binabalak at mukhang siya pa ang pinaka-target nito!
Maya-maya pa ay nakita niyang may kinukuha na ang lalaking katabi niya mula sa tagiliran nito, at dahil doon ay nagsisigaw na ang dalaga…
“Baril! May dalang baril ang lalaking ito! Balak niya akong holdapin!” takot na takot na sigaw niya na agad namang nakakuha sa atensyon ng lahat ng mga kapwa niya pasahero.
Napahindo pa ang drayber ng jeep sa kalagitnaan ng pagmamaneho nito dahil sa kaniyang pagsigaw, ngunit nang muli niyang tingnan ang lalaking kanina ay katabi niya sa upuan ay nakita niyang galit itong nakatingin sa kaniya, na may halong pagtataka ang ekspresyon sa mukha.
“Ano’ng sinasabi mo, miss? Nababaliw ka na ba?” iritableng tanong nito sa kaniya na agad namang sinagot ni Jenica.
“Nabasa ko ang palitan n’yo ng text messages ng kausap mo! May balak kayong gawin at sigurado akong hindi iyon maganda. Hayan nga at may hinuhugot ka sa tagiliran mo!” turo niya pa sa hawak-hawak ng nasabing binata, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makitang hindi naman iyon isang baril—kundi isang singsing! Doon ay isiniwalat ng lalaki na balak pala nitong mag-propose sa nobyang katabi nito sa kabilang bahagi ng jeep.
“Tsismosa ka kasi, ’no? Dahil sa ’yo, nasira pa tuloy ang plano namin ng mga kaibigan ko!” asar na asar nasabi pa ng lalaki sa kaniya at dahil doon ay labis ang pagkapahiya ni Jenica. Halos lamunin siya ng lupa sa kahihiyan hanggang sa siya ay makauwi sa kaniyang bahay.
Mabuti na lamang at hindi na nag-abala pa ang lalaki na ireklamo siya sa ginawa niyang pambibintang, ngunit isang malaking leksyon ang natutuhan ni Jenica dahil sa nangyari. Tingin niya, panahon na para magpalit siya ng libangan!