Nagsakripisyo ang Panganay para sa Kaniyang mga Kapatid; Ngunit nang Sila’y Nagsipag-asenso na’y Tila Hindi na Siya Kilala ng mga Ito
“O, inay, bakit ho ganiyan ang hitsura n’yo? Ang aga-aga, nakasimangot kayo. May problema ho ba?” takang tanong ni Jerry sa kaniyang ina, nang pagkauwi niya galing sa pagde-deliver ng mga ibinebenta niyang gulay sa palengke ay naabutan niya itong nakasimangot at sapu-sapo ang sariling ulo. Sa harap nito ay nakapatong ang isang calculator, isang panulat at papel na kanina pa nito tinititigan.
“Naku, anak, paano kasi ’yong kapatid mo ay papasok na sa isang linggo, pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang pambili ng uniporme. Hindi ko na alam kung papaano pa hahatiin itong kinikita natin sa palengke, lalo pa’t may bayarin pa tayo sa kuriyente’t tubig. Hindi ko naman p’wedeng bawasan itong inilalaan kong pera para sa pag-i-enroll mo sa kolehiyo,” pagsisiwalat naman ng kaniyang ina sa suliraning iniisip nito bago ito malalim na napabuntong-hininga.
“Iyon lang pala, inay.” Nginitian ni Jerry ang kaniyang ina bago hinagod nang marahan ang likod nito. “Huwag po kayong mag-alala. Ang totoo po n’yan ay hindi ko pa balak pumasok ngayong school year na ’to dahil may dumating na oportunidad sa akin para ako’y makapagtrabaho sa ibang bansa. Huwag na ho kayong mamroblema nang gaano dahil ako na ho ang bahala sa mga kapatid ko mula ngayon,” sagot pa niya na agad namang ikinaaliwalas ng mukha ng ina.
“Sigurado ka ba r’yan, Jerry?” Tango ang isinagot niya sa huling tanong na iyon ng ina bago ito lubos na nagpasalamat sa kaniya.
Ang totoo, kanina ay pinag-iisipan pa rin ni Jerry ang tungkol sa pagtanggap ng naturang trabaho. Ayaw niya kasi sanang isuko ang kaniyang pag-aaral dahil bata pa lamang siya ay pinangarap niya nang maging isang magaling na arkitekto. Ngunit sa nakikita niyang sitwasyon ngayon ng kaniyang ina ay hindi niya kakayaning basta na lamang pabayaang mamroblema ito nang mag-isa. Tutal ay panganay naman siya ay siya na lamang ang magsasakripisyo para sa kanilang pamilya.
Natuloy nga ang planong ’yon ni Jerry. Ilang buwan lamang ang nakalipas ay agad na siyang lumipad patungong ibang bansa upang doon ay magtrabaho bilang isang factory worker. Siya ang sumuporta sa kaniyang mga kapatid hanggang sa isa-isa nang makapagtapos ng pag-aaral ang mga ito.
Ginawa ni Jerry ang lahat upang maibigay sa kanila ang magandang buhay na pinapangarap niya para sa kaniyang pamilya. Ibinuhos niya ang lahat ng kaniyang atensyon sa pagtatrabaho, kaya naman dahil doon ay hindi na siya nakapag-asawa pa. Wala kasi siyang oras para isipin pa ang kaniyang buhay pag-ibig nang mga panahong iyon.
“Ano kamo, kuya? Uuwi ka na rito sa ’Pinas?” nabibiglang tanong sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kapatid na hindi maikakailang may himig ng iritasyon. Ganoon pa man ay hindi na lamang iyon pinansin ni Jerry.
“Oo, Joey. Tutal ay napagtapos ko naman na kayo, siguro ay oras na para umuwi ako d’yan at nang magkasama-sama na tayong muli,” sagot pa niya, ngunit wala na siyang natanggap pang tugon sa kapatid nang bigla siya nitong babaan ng telepono.
Doon pa lang ay alam na ni Jerry na tutol ang mga ito sa gagawin niyang pag-uwi. Sa totoo lang ay matagal na niyang nararamdaman na lumayo na ang loob nila sa kanila lalo na nang mag-umpisa na silang umasenso sa buhay dahil ngayon ay may kaniya-kaniya na silang trabaho.
Natuloy pa rin naman ang pag-uwi ni Jerry sa ’Pinas, ngunit animo siya hangin para sa kaniyang mga kapatid. Tila nakalimutan na ng mga itong minsan sa buhay nila ay may kuya silang isinakripisyo ang sarili para lang sa kanilang kinabukasan. Nang mga panahong iyon ay sumakabilang buhay na rin naman ang kanilang ina, kaya naman lalo pa silang nawalan ng pagkakataong magkausap-usap. Ngayon ay wala nang nagawa pa si Jerry kundi ang mapailing na lang sa tuwing makakasalubong niya ang mga ito at nilalampasan na lamang siya sa daan.
Mabuti na lamang at hindi naman kailangan ni Jerry na umasa sa tulong ng mga ito para mabuhay. Sa pinagtrabahuhan niya noon sa ibang bansa ay unti-unting tumaas ang kaniyang posisyon dahil sa kaniyang labis na dedikasyon sa trabaho. Bukod doon ay naging kanang-kamay pa siya ng kaniyang boss, kaya naman nang sumakabilang buhay ito ay isinama siya nito sa pamamanahan, sa last will and testament nito.
Nang malaman ng mga kapatid ni Jerry ang tungkol sa ‘yamang’ iyon ng kanilang kuya ay nagkumahog silang lumapit ulit sa kaniya, ngunit natuto na si Jerry. Alam niyang walang utang na loob ang mga ito kaya naman kahit singko ay hindi na sila nakatikim man lang sa kaniya. Sapat na ang sakripisyong inilaan niya sa mga ito na mabilis lamang nilang kinalimutan nang wala na silang pakinabang na mahita sa kaniya. Ngayon ay halos mawalan tuloy sila ng ulirat sa sobrang inggit sa tuwing makikita nila kung gaano kayaman at katagumpay ang kuya nila.