Umasa ang Lalaking Ito na Sasagutin Siya ng Kaniyang Nililigawan; Nang Makita Niya Itong May Kasamang Iba ay Agad na Uminit ang Kaniyang Ulo

Matagal nang nanliligaw si Oliver sa dalagang si Mel. Mahigit isang taon na rin niyang sinusuyo ang dalaga kaya naman siguradong-sigurado na siya na sasagutin siya nito. Naiinip man ay tinikis iyon ng binata, dahil talagang gustong-gusto niya ang dalaga. Napakaganda kasi nito, kaya naman maraming lalaking tulad niya ang umaasang mapasakamay nila ang dalaga.

Iyon nga lang, mayroon pa ring isang bagay na matagal nang inirereklamo ni Mel sa kaniya. Masiyado kasi siyang seloso, na umaabot pa sa puntong kung minsan ay hindi niya na nagagawa pang kontrolin ito. Sa totoo lang ay matagal na siyang gustong sagutin ni Mel, ngunit madalas ay nagdadalawang isip pa rin ang dalaga sa tuwing aatakihin siya ng selos. May mga bagay kasi siyang nagagawa na hindi nito nagugustuhan sa tuwing magseselos nga ang binata, kahit pa sa mga kaibigan lang ng babae.

Nakapostura noon si Oliver. Bagong gupit din siya at napakabango’t napakalinis niyang tingnan sa kaniyang bagong damit. Balak niya kasing sunduin ngayong araw si Mel sa pinagtatrabahuhan nitong opisina dahil kaarawan ngayon ng dalaga. Handa na ang bulaklak sa kamay ng binata, nang dumating siya sa pinagtatrabahuhan nito.

“Si Mel, nasa loob pa ba?” tanong ni Oliver sa mga kasamahan ni Mel na nakasalubong niya sa labas ng nasabing building.

“Naku, hindi. Kanina pa siya lumabas. Sinundo siya no’ng guwapong lalaki kanina at isinakay siya sa kotse. Ang sabi, kakain daw sila ngayon sa labas, e,” sagot naman nito na agad namang nagpatulala kay Oliver.

Pakiramdam niya ay nagpantig ang kaniyang mga tainga sa narinig. May ibang lalaking sumundo kay Mel, at dahil doon ay nagpupuyos ang kaniyang damdamin. Nagtagis ang kaniyang mga bagang at naikuyom niya ang kaniyang kamao, dahilan upang madurog ang tangkay ng bulaklak na nasa kamay niya. Narito na naman ang hindi niya mapigil na pakiramdam sa kaniyang kaloob-looban. Kinuha niya ang kaniyang cellphone upang i-track ang lokasyong kinaroroonan ngayon ni Mel.

Lingid sa kaalaman ng dalaga ang ginawa niyang paglalagay ng tracking device sa cellphone nito. Alam kasi ni Oliver na magagalit ang dalaga sa kaniya kapag nalaman nito iyon, ngunit hindi niya mapigilang hindi iyon gawin upang makasigurong walang ibang kikitang lalaki ang dalaga kundi siya lang.

Nang makarating siya sa lugar kung saan dinala ng lalaking iyon si Mel ay ganoon na lamang ang galit na naramdaman ni Oliver nang makita niyang magkayakap ang dalawa. Pasakay na silang muli sa kotse ng nasabing lalaki, nang biglang kumaripas ng takbo si Oliver patungo sa kanilang direksyon at sinuntok nang malakas ang mukha nito.

Advertisement

“Oliver? Ano’ng ginagawa mo rito?! Tama na ’yan!” pananaway sa kaniya ni Mel, ngunit animo bingi si Oliver sa sinasabi ng dalaga. Ang alam niya lamang ay galit na galit siya at gusto niyang saktan ang lalaking kasama nito!

“Nakikita mo ito, Mel? Ito ang mapapala ng sinumang lalaking magtatangkang agawin ka sa akin! Akin ka lang, naiintindihan mo? Sa akin ka lang!” hiyaw pa ni Oliver sa ngayon ay umiiyak nang babae habang nakatitig ito sa lalaking kasama nito kanina na ngayon ay hindi na makagulapay pa dahil sa sobrang pananakit na ginawa niya!

Ngunit pakiramdam ni Oliver ay binuhusan siya ng malamig na tubig nang muling sumagot si Mel sa kaniya…

“Bakit ginawa mo ’to, Oliver? Bakit sinaktan mo ang kuya ko?!” humahagulhol na tanong sa kaniya ng dalaga bago nito dali-daling dinaluhan ang duguang kapatid pala nito!

Natauhan siya. Noon lamang naalala ni Oliver na ngayon nga pala ang uwi ng kapatid ni Mel na isang OFW! Ito ang kuya nitong siyang nagpaaral sa dalaga, at siyang tumayong ama’t ina nito buhat nang pareho na nang maulila sa magulang ang dalawa!

“Tulong! Tulungan n’yo ako, dalhin natin si kuya sa ospital!”

Ang hiyaw na ’yon ni Mel ang nagpabalik kay Oliver sa kasalukuyan. Tuluyan na siyang nanghina nang makitang wala nang malay ang kapatid ng babaeng pinakamamahal niya at lahat ng iyon ay kasalanan niya.

Mabuti na lamang at mabilis na naagapan ang mga sugat na natamo ng kapatid ni Mel, ngunit hindi iyon naging sapat upang hindi nila ihabla ang manliligaw na si Oliver sa perwisyong ginawa nito sa kanila. Masiyado itong seloso at buo na ang desisyon ni Mel na bastedin ito, kahit pa ang totoo ay sasagutin na dapat niya ang binata.

Advertisement

Lugmok ang inabot ni Oliver nang sabihin sa kaniya ni Mel na hindi na siya nito gusto pang makita kahit kailan. Agad niyang pinagsisihan ang pagkilos niya nang hindi nag-iisip, dahil lamang sa matinding selos. Ngayon tuloy ay lalong nawala sa kaniya ang babaeng pinakamamahal.