Umuwi ng ’Pinas ang OFW na Ito Upang Sorpresahin ang May Sakit na Inang Iniwan Niya sa mga Kaanak Nila; Siya pala ang Mas Masosorpresa sa Huli
Sabik na sabik si Pauline nang sa wakas ay makatapak na siyang muli sa kaniyang bayang sinilangan. Sa ilang taong pamamalagi niya sa ibang bansa ay talaga namang na-miss niya nang todo ang ’Pinas, lalong-lalo na ang kaniyang inang iniwan niya sa pangangalaga ng kaniyang mga kaanak.
Ang totoo ay balak niya itong surpresahin, dahil nabalitaan niyang may sakit daw ito ngayon. Ayon kasi sa kapitbahay nilang pinagkakatiwalaan ng kaniyang ina ay hindi raw maganda ang trato ng mga kaanak nila rito, at madalas itong pinagmamalupitan o minamaltrato kaya naman kung anu-anong sakit na ang dumarapo rito.
Babawiin na niya ang kaniyang ina. Hindi niya maiwasang maawa rito, dahil halos hindi na raw ito makalakad ngayon o makatayo man lamang nang ayos dahil sa sobrang sama ng lagay ng kalusugan nito, gayong masiyado pa itong bata para doon. Padala nga siya nang padala ng pera, ngunit hindi naman daw napupunta sa kaniyang mama ang lahat ng perang ’yon dahil nagpapakasasa lang sa mga pinaghirapan niya ang mga kaanak nila.
Malaka ang kalabog ng dibdib ni Pauline habang lulan siya ng taxing maghahatid sa kaniya pauwi. Kinakabahan siya sa maaaring maabutan niyang lagay ng kaniyang ina. Bukod doon ay naghahalo na rin ang nadarama niyang galit para sa mga kaanak na pinagkakatiwalaan niya, at hindi niya alam kung paano niya sila haharapin nang walang galit kung makikita niya mamaya na masama na ang lagay ng kaniyang ina.
“Wala ba talaga kayong utak? Bakit ninyo pinaalis ang mga amiga ko, e, magsusugal nga kami? Kahit kailan talaga, mga wala kayong silbe! Hindi ko nga alam kung bakit sa inyo ako ibinilin ng anak ko, gayong mga wala namang laman ang kukote ninyo Mga wala kayong pinag-aralan. Mga hampaslupa!”
Nasa pintuan pa lamang si Pauline ay dinig na niya ang malakas na paghiyaw ng isang pamilyar na boses na iyon—boses ng kaniyang ina. Ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka sa narinig, kaya naman dali-dali siyang sumilip sa nakaawang na bintana, para lamang makita ang kaniyang inang malakas ang pangangatawan at masiglang binabatuk-batukan ang kanilang mga kaanak na wala namang imik at nayuyuko lamang na iniintindi ang kalupitan nito.
Hindi niya akalaing nagawa siyang pagsinungalingan ng kaniyang ina, upang paniwalain siyang pinagmamalupitan nga ito ng mga taong pinagkakatiwalaan niya nang sa ganoon ay masolo nito ang mga perang ipinadadala niya para magamit nito iyon sa kaniyang mga bisyo’t luho.
“Hindi totoo ’yan, mama. May pinag-aralan sila. Ang problema nga lang, hindi sila tulad mong mapang-abuso na gagawa pa ng kasinungalingan para lang magmukha kang kawawa,” galit na sabi ni Pauline na noon ay biglang pumasok sa pintuan ng naturang bahay. Agad naman siyang nilingon ng mga tao sa loob at ganoon na lamang ang gulat niya nang makita ang mga ito. “Pasalamat ka nga at pilit ka nilang iniintindi, e. Kahit napakalupit mo! Ang totoo, mama, ikaw ang walang laman ang kukote! Ikaw ang walang pinag-aralan dahil sa ginagawa mong ’yan,” galit pang dagdag ni Pauline at dahil doon ay wala namang naisagot sa kaniya ang kaniyang ina.
Napaluha na lang ang mga pinsan niyang siyang nag-aalaga sa kaniyang ina at napatakbo sa kaniyang pwesto. Hagulhulan ang mga ito dahil sa wakas ay mayroon ding nagtanggol sa kanila laban sa malupit niyang ina.
Nalaman din niya na hindi naman totoong kapitbahay nila ang nagme-message sa kaniya ng kung anu-anong sumbong dahil gawa-gawa lamang din iyon ng kaniyang ina. Masiyado na itong sakim sa pera at umabot na sa puntong nagsisinungaling ito upang siya lang ang makinabang sa padala ng anak.
Masakit man sa kalooban ni Pauline ay pinalayas niya sa kaniyang bahay ang sariling ina. Binigyan niya pa nga ito ng pera upang makapag-umpisa ito ng sarili, dahil sinabi niyang sa ngayon ay puputulin muna niya ang ugnayan nilang dalawa. Gusto niya itong bigyan ng leksyon, dahil umaasa pa rin si Pauline na sa ganoong paraan ay magbabago ito. Pinaranas niyang muli ng hirap ang kaniyang ina, tulad ng ginagawa nito noon sa mga nag-aalaga sa kaniya.
Labis na pagsisisi naman ang naramdaman ng ina ni Pauline nang talikuran siya ng sariling anak. Napakasakit pala ng pakiramdam na maging malupit sa ’yo ang iyo mismong kaanak. Ngayon ay alam niya na ang pakiramdam ng inaapi.