Nilangaw ang Tindahan Niya ng Donut sa Unang Araw ng Pagbubukas Nito; Nakaisip ng Paraan Upang Makabenta ang Kaniyang Asawa
Sampung taong gulang pa lang noon si Jaimee nang mahumaling na siya sa paggawa ng iba’t ibang klase ng donut. Nakahiligan niya ang paggawa nito dahil sa lola niyang halos araw-araw ay nagmamasa ng harina para mabigyan silang magkakapatid ng masarap na meryenda.
Ilang oras man siyang nakatunganga sa kaniyang lola noon, hindi niya ito inaanlintana dahil hangang-hanga siya sa ginagawa nito. May pagkakataon pa ngang tumatakas siya sa kaniyang inang pinagsisiyesta siya para lang mapanuod ang kaniyang lolang abala sa kusina tuwing ala una ng tanghali.
Sa araw-araw niyang panunuod sa kaniyang lola, hindi na niya napigilan ang sarili at siya’y nagpaturo na rito hanggang sa makayanan na niya ang paggawa ng iba’t ibang klaseng donut nang wala ang tulong nito.
Ngayong wala na ang minamahal niyang lola at siya’y nasa tamang edad na’t may asawa na rin, gusto niyang magtayo ng isang negosyo upang bukod sa araw-araw niyang maalala ang kaniyang lola, makaipon pa siya ng pera para sa kaniyang pinapangarap na pamilya.
Kaya naman, nang magkaroon na sila ng kaniyang asawa ng sapat na pera upang makapagpatayo ng negosyo, hindi na siya nagdalawang-isip pa. Agad niyang pinakilala sa madla ang masasarap na donut na mula pa sa recipe ng kaniyang lola.
Marami man siyang inayos na dokumento at mahigit kumulang isang buwan ang inilaan nilang mag-asawa sa pag-aayos ng kanilang tindahan, lahat ito ay inialay niya sa kaniyang lola.
Ngunit, sa araw ng kanilang pagbubukas, tila nilangaw ang kanilang tindahan. May mga tao mang pumapasok, titingin lang ang mga ito ngunit hindi bibili. May narinig pa siyang dalaga na nagsabing, “Ano ba ‘yan? Tinitingnan ko pa lang ‘yong donut, pakiramdam ko may diyabetis na ako agad!” na talagang ikinadurog ng puso niya.
Sa unang araw ng pagbubukas nila, tatlong donut lamang ang naibenta nilang mag-asawa. Isang kapatid niya at dalawang kaibigan pa nilang mag-asawa ang bumili no’n dahilan upang ganoon na lamang siya mawalan ng pag-asa na makikila ang donut ng kaniyang lola.
“May patutunguhan kaya itong negosyo natin, mahal? Tingin mo ba, balang araw, magugustuhan din ng mga tao ang donut natin? Masarap naman ang gawa ko, hindi ba? Maganda naman ang tindahan natin. Pero bakit kaya hindi sila bumibili sa atin?” pag-aalinlangan niya habang mangiyakngiyak na pinagmamasdan ang mga pinaghirapan niyang donut.
“Hindi pa kasi nila tayo kilala, mahal. Kumbaga, wala pa silang tiwala sa produkto natin. Magkaroon kaya tayo ng free tasting bukas?” wika ng kaniyang asawa.
“Hindi ba tayo malulugi no’n?” tanong niya pa.
“Magtiwala ka, kapag natikman nila ang dunot natin, babalik at babalik ‘yan sila!” nasasabik na tugon nito, kahit siya’y nag-aalala sa gusto nitong mangyari, pinagkatiwalaan niya ito.
Kinabukasan, nilatag nga nila sa harap ng kanilang tindahan ang kanilang mga donut at isa-isa itong pinatikim sa mga taong nadaan doon. Halos tumalon sa kaniyang dibdib ang puso niya sa saya dahil kitang-kitang nasasarapan ang mga taong nakakatikim nito! Ang iba pa nga ay agad na bumili ng isang dosenang donut dahilan upang ganoon na lang manumbalik ang tiwala niya sa gawa niyang donut.
“Sabi ko naman sa’yo, mahal, masasarapan sila sa gawa mo. Galing kaya ang recipe sa lola mo!” tuwang-tuwa sabi ng kaniyang asawa na talagang ikinataba ng puso niya.
Doon na nagsimulang umingay ang pangalan ng kanilang negosyo sa kanilang lugar. Kung dati ay nilalangaw ang kanilang tindahan, ngayo’y kahit langgam ay wala nang lugar para makapaglakad dahil talagang dinumog sila ng mga tao!
Ang iba pa nga ay galing pa sa ibang probinsya at humihiling na sana ay makapagpatayo rin sila ng isang branch doon na labis niyang ikinatuwa.
Doble pagod ang kaniyang naramdaman dahil sa pagdagsa ng mga tao, hindi naman mapantayan ang sayang nararamdaman niya dahil nakikilala na ang recipe ng kaniyang lola, sa loob lang ng isang buwan, marami na siyang kinitang pera.
Paglipas pa ng ilang buwan, siya rin ay nagtayo na ng tindahan sa iba’t ibang parte ng bansa na tuluyang naging daan upang makilala ang kanilang negosyo at trumiple ang dating ng pera hindi lang sa kaniya, kung hindi sa buo nilang pamilya.
“Salamat, lola, pinamana mo sa akin ang recipe mo! Kung hindi siguro ako tumatakas sa siyesta noon, siguro hindi mo matuturo sa akin ang sikreto mo sa paggawa ng donut! May patutunguhan din pala ang kakulitan ko, ano?” tawang-tawa niyang kwenta sa puntod ng kaniyang lola, “Pwera biro, lola, sobra akong nagpapasalamat sa’yo! Kahit nasa langit ka na, binibiyayaan mo pa rin ako!” dagdag niya pa saka niya ito taimtim na pinagdasal at kaniya ring hinagkan ang asawa niyang malaki ang naiambag sa tagumpay nilang ito.