Naligaw ang Doktor sa Bulubundukin ng Batanes; Dito Niya Pala Magtatagpuan ang Buhay Niya
Nakabili na ng sariling bahay at lupa ang doktor na si Edward. Mayroon na rin siyang apat na pinapaupahang apartment, isang sasakyan, at kung saan-saan na rin siyang bansa nakakapunta. Ngunit sa isang bundok sa probinsya ng Batanes siya palaging hinahatak ng kaniyang mga paa.
Bukod sa nakakalula at hindi kapani-paniwalang ganda ng mga tanawin doon, ang mga katutubong naninirahan sa bundok ang kaniyang binabalik-balikan. Sa layo kasi nito sa siyudad, isang beses lamang nakakapagpatingin sa ospital ang mga tao rito sa tanang buhay nila na talagang ikinababahala niya.
Una niyang nakilala ang mga katutubo rito nang minsan siyang maligaw sa daan. Noong una nga ay akala niya, gagawin na siyang hapunan ng mga ito o tatapusin na ang kaniyang buhay dahil armado ang mga ito palagi ng pana o kung ano mang matalim na bagay na talagang ikinatakot niya.
Ngunit siya’y nagkamali dahil bago siya ihatid ng mga ito sa siyudad, pinakain muna siya ng mga ito at pinainom ng tubig mula sa malinis na ilog doon.
Habang sabay-sabay silang kumakain sa isang mahabang lamesa na gawa sa katawan ng puno, doon niya napag-alamanang ang mga ito pala ay may iniinda nang sakit. Hindi lang makapagpatingin ang mga ito sa ospital dahil bukod sa malayo nga ang siyudad dito, wala pa silang sapat na pera.
Noon din ay agad niyang nilabas mula sa kaniyang bag ang mga gamit niya. Isa-isa niyang sinuri ang mga katutubo rito upang malaman niya ang sakit ng mga ito. Inabot man siya ng hating gabi roon, walang nakapigil sa kaniya sa pagsusuri sa mga ito.
Iyon na ang naging simula nang palagian niyang pagpunta sa lugar na ito. Kung hindi siya uuwi sa Maynila para kumuha ng kaniyang mga personal na gamit, uuwi lang siya upang bumili ng mga gamot na kailangan ng mga ito o kung hindi kaya ay bumili ng mga instrumentong makakatulong sa kaniya para malaman ang sakit ng mga ito.
Ilang beses man siyang nadukutan ng mga kawatan habang siya’y papunta sa lugar na iyon, hindi niya ito inalintana. Bagkus, lalo siyang nagpursiging makapaghatid ng serbisyo sa mga katutubong nagbibigay ng tunay na kasiyahan sa kaniya.
Sa gawain niyang ito, marami sa kaniyang mga kakilala, lalo na ang kaniyang mga magulang ang labis na nag-aalala sa kaniya. Pag-aalala pa nga ng kaniyang ina, baka tuluyan na siyang maghirap kapag tinuloy-tuloy niya ito dahil nagawa na niyang ibenta ang kaniyang sasakyan para makabili ng isang x-ray machine na kaniyang dinala roon.
Sa kabila nito, patuloy pa rin siyang nagpunta roon kahit na lingid na sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Tinakot man siya ng mga ito na ipapahanap siya nito at ipapadampot, hindi pa rin siya nagdalawang-isip na magbigay tulong doon.
Isang araw, habang siya’y abala sa paggagamot sa isang matandang mayroong malubhang sakit sa lalamunan, nagulantang na lang siya nang malamang may mga pulis na naghihintay sa kaniya sa labas ng tinayo niyang maliit na pagamutan. Agad niyang naisip no’n ang kaniyang ina na talagang ikinailing niya na nalamang.
“Sir, ni-report po ng nanay niyo na nawawala raw po kayo at magbibigay pa siya ng pabuya sa kung sinong makakapag-uwi sa’yo sa Maynila kaya maraming tao sa buong bansa ang naghahanap sa inyo. Sumama na po kayo sa amin para masiguro ang kaligtasan niyo,” sabi ng isang pulis na may kasama pang media.
Ngunit imbis na sumama, tinutok niya ang kamera sa maliit niyang pagamutan at sa pila ng mga katutubong gustong magpagamot sa kaniya. Sabi niya, “Para sa nanay kong yaman lang ang nasa isip at sa mga taong sabik sa pera, ito po ang sitwasyon ng mga katutubo natin sa bundok na ito. Ilang taon na nilang tinitiis ang mga sakit na mayroon sila dahil ni isa ay walang may gustong tumulong sa kanila. Lahat ay abala sa pagpapaganda ng sarili nilang buhay. Ngayon ay tatanungin ko kayo, kung papalambutin niyo ang mga puso niyo, hahayaan niyo bang mawala na lang sila sa mundong ito nang hindi man lang sila natitingnan ng isang doktor?” na talagang ikinatahimik ng mga pulis at mga media na naroon.
Pagkatapos nang mahaba-haba niya pang diskusyon, napaalis niya na rin ang mga ito at naipagpatuloy na niya ang paggagamot sa isang katutubo.
Bago umalis ang mga taong iyon, binilin niya sa media na ipalabas ang sinabi niya sa social media at telebisyon upang malaman nang lahat ang nakakadurog sa pusong sitwasyon ng mga katutubo.
Hindi naman siya nabigo dahil nabalitaan niyang pinalabas nga iyon sa telebisyon at pinakalat sa social media dahilan upang paglipas lang isang araw, umulan ng sandamakmak na donasyon ng pagkain, damit, mga gamit sa bahay at gamot sa bundok na iyon!
Hindi pa mabilang ang mga taong gustong magboluntaryo kasama siya alang-alang sa kapakanan ng mga katutubo roon. May mga doktor na katulad niya, guro, negosiyante, at mga estudyante na talagang ikinataba ng puso niya.
At dahil sa pangyayaring iyon, siya’y nakilala sa buong mundo na naging daan upang mas marami ang tumulong sa mga katutubo hindi lang sa probinsyang iyon kung hindi pati na rin sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Ang ina niyang dati ay nag-aalala sa kanilang pera, ngayon ay kasama na niya sa pag-aalaga sa mga katutubo na labis na nagpagaan ng loob niya.
Simula noon, kasabay ng pagdami ng tulong para sa mga katutubo, bumaba naman ang bilang ng mga katutubong may sakit. Masayang masaya siya para sa kanila.