Iwas ang Dalaga na Mahulog ang Puso Niya sa Binatang Bagong Kakilala; Ito Pala Kasi ang Dahilan
“Carla, nakailang tawag na sa iyo ang kaibigan mong si Rosie, tinatanong kung sasama ka raw ba sa party. Bakit hindi mo siya tawagan, anak?” bungad ng inang si Lisa sa kaniyang dalagang anak.
“Hindi na, ‘ma, wala naman talaga akong balak na pumunta doon. Pinipilit lang naman ako ng mga kaibigan ko. Mas gusto ko pang pumunta sa library para matapos ko na ‘yung research ko. Importante sa akin na makapasok ako sa Med School,” wika naman ni Carla.
“Anak, minsan ay kailangan mo ring magsaya. Kalimutan mo muna sandali ang mga prayoridad mo sa buhay. Nais kong maranasan mo ang saya ng pagiging isang dalaga. Alam ko namang alam mo ang limitasyon mo. Sumama ka na sa mga kaibigan mo,” wika pa ng ina.
Ngunit ayaw talaga ni Carla.
Kung titingnan ay parang baligtad ang kanilang mundo. Ang ina pa nito mismo ang nagpupumilit na maglakwatsa ang dalaga. Pero nakatuon ang isip ni Carla sa pagtatapos ng medisina.
Nang hapon na iyon ay pumunta ang dalaga sa library para mag-research. Hindi niya makita ang librong kailangan niya kaya nagtanong siya sa librarian.
“Nag-iisa lang ang librong iyon. Naroon sa lalaking nakaupo. Kapag natapos na siya ay p’wede mong hiramin, o kaya ay p’wede naman kayong maghiraman,” saad ng librarian.
Hindi na makapaghintay si Carla kaya pinuntahan niya ang binatang si Oliver. Nais niyang siguraduhin na siya ang susunod na makakagamit ng aklat.
“Excuse me, sabihin ko lang sana na pagkatapos mo sa aklat na iyan ay pahiram naman ako. May kailangan lang kasi akong silipin sandali,” wika pa ng dalaga.
“Ito bang tungkol sa dugo? Oo ba. Sandali lang at may binabasa lang ako,” nakangiting tugon naman ng binata.
Halos kalahating oras ring hinintay ni Carla ang aklat. Hindi na siya makatiis kaya muli niyang binalikan ang binata.
“Tapos ka na ba sa libro? Medyo nagmamadali na kasi ako,” saad pa nito.
“Sandali lang at ako na ang mag-aabot sa iyo,” wika muli ni Oliver.
Inis na inis si Carla dahil pinaghihintay siya ng binata. Kaya nagdesisyon na lang siyang umalis at balikan sa susunod na araw ang libro. Palabas na sana siya ng library nang bigla siyang habulin ni Oliver.
“Miss, sorry kung natagalan. Heto na ‘yung libro. Hiniram ko na lang para maiuwi mo. Pasensya na talaga,” saad ng binata.
Nawala ang inis ni Carla. Sa wakas ay maitutuloy na niya ang research.
“Pero, miss, kailangan kong makuha ang cellphone number mo dahil sa akin nakapangalan ang paghiram ng librong ‘yan. Sabihan mo ako kung isasauli mo na,” dagdag pa ni Oliver.
Ibinigay naman ni Carla ang kaniyang numero. Pag-uwi sa bahay ay saka lang niya naisip na marahil ay taktika lang ito ng binata upang makausap siya.
“Gusto ko lang talagang makilala ka pa. Sana ay walang magagalit kapag niligawan kita,” mensahe ng binata.
Hindi na lang sumagot si Carla. Pero masyadong makulit si Oliver. Isa pa, kailangan niyang isauli ang libro sa library.
Makalipas ang tatlong araw ay muli silang nagkita.
“Ito na ang huling beses na magkakausap tayo, Oliver. Maraming salamat sa tulong mo…pero wala sa isip ko ang pagkakaroon ng nobyo ngayon. Kailangan kong makapasa sa Med School,” wika ng dalaga.
“Gano’n ba? Tutulungan kita sa pag-aaral. Hindi ako makakaabala sa iyo, pangako!” giit ng binata.
“Tigilan mo na ako. Hindi mo pa ako masyadong kilala. Hindi mo rin ako gugustuhin!”
“Kaya nga gusto kitang makilala pa. Hayaan mo na ako. Hindi ako titigil hanggang hindi ka pumapayag. Makukulitan ka lang sa akin. Pangako, kung pagkalipas ng tatlong buwan at ayaw mo pa rin sa akin ay lulubayan na kita. Hindi na ako magpapakita pa sa iyo,” muling sambit ni Oliver.
Pumayag si Carla sa paniniwalang kapag nalaman naman ni Oliver ang lahat ay lalayuan na siya nito.
Nagsimula na ang panliligaw ng binata. Isang araw pa lang ay labis nang pinahirapan ni Carla si Oliver. Sa dami ng gawain niyang naka-iskedyul sa eskwelahan ay ginawa niya itong drayber.
“Wala ka bang ginagawa sa buhay mo? Susundan mo na lang ba talaga ako?” sambit ni Carla.
“Ayaw mo no’n, hindi ka mahihirapan at magagastusan sa pamasahe?” wika naman ni Oliver.
Dumaan ang mga araw at talagang pinatutunayan ng binata na gusto niya si Carla. Maging ang nanay ng dalaga na si Lisa ay boto rin sa kaniya.
“Ano pa bang hindi mo nagugustuhan d’yan kay Oliver, anak? Napakatiyaga niya sa iyo. Huwag ka nang matakot na magmahal ulit. Lalo na kung ibibigay mo naman sa tamang tao,” saad ng ina.
“‘Ma, alam n’yo naman kung bakit ayaw kong magmahal ulit. Ayos na sa akin ‘yung tayong dalawa na lang. Saka baka masaktan ko lang siya. Baka hindi rin kami magtagal,” saad pa ni Carla.
Sa patuloy na panliligaw ni Oliver ay lumalambot na rin naman ang puso ni Carla dito, ngunit hindi niya ito masabi.
Dalawang buwan na ang nakalipas ngunit nariyan pa rin si Oliver.
“Itigil mo na ito, Oliver, wala ka rin namang mapapala sa akin. Sinasaktan mo lang ang sarili mo. Baka sa susunod ay kamuhian mo na ako,” saad ni Carla.
“May isang buwan pa ako, Carla. Tatlong buwan ang usapan natin,” saad ni Oliver.
Sa paglipas pa ng mga araw, habang pinagmamasdan ni Carla ang binata ay tuluyan nang nahulog ang loob niya rito ngunit hindi lang niya maamin.
“Anak, baka pagsisihan mo lang din ‘yan sa huli? Mas mainam nang malaman ni Oliver ang tunay mong nararamdaman. Kung mahal ka talaga niya’y mananatili siya kahit anong mangyari,” payo ng ina.
Nang gabing iyon ay nais nang aminin ni Carla kay Oliver ang kaniyang nararamdaman. Inimbitahan niya ito sa bahay. Gumayak siya ng maganda para sa binata. Ipinagluto sila ng kaniyang ina.
Pagdating ni Oliver ay natutulala siya sa labis na kagandahan ni Carla. Ngunit papalapit pa lang siya dito ay bigla na itong nawalan ng malay.
“Carla! Carla!” ito ang huling narinig ng dalaga.
Paggising niya ay nasa ospital na siya.
“‘Ma, si Oliver? Alam na ba niya ang lahat?” naiiyak na tanong ni Carla.
Tumango ang ina. Saka pumatak ng walang patid ang luha ng dalaga.
“Ayaw na niya sa akin, ano? Hindi na niya ako gusto? Sabi ko naman sa iyo, ‘ma, hindi magandang ideya na mahalin ko rin siya. Ngayon ay nasasaktan na naman ako,” pagtangis ng dalaga.
“Anak, alam na niya ang lahat…pero hindi ka niya iniwan,” saad ng ina.
Maya-maya ay pumasok na si Oliver. Ang hindi nila alam ay isa pala itong doktor. Lumapit ito sa kaniya at umupo sa kaniyang tabi.
“Sabi ko sa iyo, ‘di ba, tutulungan kitang makapasok sa Med School? Isa akong doktor at espesyalista sa c@ncer sa dugo. Hindi ko nga akalain na ito pa pala ang maglalapit sa akin sa taong mamahalin ko,” saad ng binata.
“Wala akong pakialam, Carla, kung may malubha kang sakit. Narito ako at gagawin ko ang lahat para gumaling ka. Sasamahan kita sa kinakaharap mong pagsubok. Pangako ko sa iyo na kahit kailan ay hindi ko bibitawan ang kamay mo. Mahal kita at sana’y nararamdaman mo,” dagdag pa nito.
Niyakap ni Carla si Oliver.
“Mahal din kita! Sa tagal ng panahon ay muli kong ipagkakatiwala ang puso ko sa iba. Alam kong hindi mo ako sasaktan kaya magpapagaling ako para hindi naman kita masaktan. Maraming salamat sa hindi pagbitaw sa akin,” saad naman ng dalaga.
Hindi talaga iniwan ni Oliver ang kasintahan sa pakikipaglaban nitong muli sa sakit. Hindi naging madali ngunit paglipas ng isang taon ay napagtagumpayan nila ito.
Agad nang inaya ni Oliver si Carla upang magpakasal. Nakapasok na rin si Carla sa Med School.
Ngayon ay masaya ang kanilang pagsasama. Pareho na silang doktor at inilaan nila ang kanilang oras sa pagtulong sa mga taong may malalang sakit.