Nais nang Iwan ng Anak na may Pusong Babae ang Amang may Kapansanan; May Makapagpapabago sa Kaniyang Isip
“Bwisit na buhay ‘to, Lito! Hindi ito ang pinangarap ko. Hindi ito ang ipinangako mo sa akin. May karapatan akong umalis kung gusto ko dahil hindi na ako maligaya. Aalis ako at hindi mo na ako mapipigilan! Isasama ko si Boyet,” sigaw ng ginang na si Daisy.
Pauwi pa lang galing eskwelahan ang may pusong babaeng si Boyet ay napakaripas na siya nang takbo nang marinig ang pag-aaway ng kaniyang mga magulang.
“Daisy, bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon! Sinsikap ko namang gawin ang lahat para mabuhay ko kayo ng anak natin. Kaunting tiis lang!” sambit naman ng ginoo.
“Anong magagawa mo ngayong baldado ka na? Noon ngang maayos ka ay hindi mo naiangat ang buhay natin. Hindi na ako maniniwala sa’yo. Pagod na pagod na ako sa buhay na ‘to, Lito!” bulyaw muli ni Daisy.
Dali-daling inawat ni Boyet ang kaniyang mga magulang.
“Tama na po ‘yan, ‘nay, ‘tay! ‘Nay, tama na po. Huwag n’yo nang pagsalitaan ng masakit si tatay!” sambit ng anak.
“Kunin mo na ang mga gamit mo, Boyet, at aalis na tayo. Iiwan natin ang ama mong walang silbi. Bilisan mo!” sigaw pa ni Daisy.
Hindi man lang natinag si Boyet na lalong ikinainis ng ina.
“Ano pa ang itinatanga mo riyan, Boyet, kunin mo na ang mga gamit mo at aalis na tayo!” muling sambit ni Daisy.
“‘Nay,” bungad ni Boyet. “Pasensya na po pero hindi po ako makakasama. Hindi ko po kayang iwan si tatay sa ganitong kalagayan. Mahal kita, ‘nay, pero mas kailangan ako ni tatay,” wika pa nito.
“Bahala ka kung iyan ang gusto mo! Mas mainam pa nang sa gayon ay wala na akong responsibilidad! Magsama kayong dalawang walang silbi!” wika ng ginang.
Umiiyak na niyakap ni Boyet ang kaniyang ama.
“Huwag na po kayong mag-alala, ‘tay. Hayaan na po natin si nanay kung gusto niyang umalis. Kakayanin po natin ang pagsubok na ito,” pagtangis ng anak.
Ngayong wala na si Daisy sa kanilang tahanan ay kailangan na ni Boyet na magbanat buto para matulungan din ang kaniyang amang may kapansanan.
Maayos naman ang pamumuhay nila noon. Tricycle drayber si Lito samantalang simpleng maybahay naman si Daisy. Kahit na nag-iisang anak at may pusong babae itong si Boyet ay tanggap naman siya ng ama. Kaya kahit mahirap ang buhay ay masaya pa rin sila.
Hanggang naimpluwensiyahan si Daisy ng kaniyang mga kaibigan. Idagdag mo pa nang maaksidente si Lito na ikinaputol ng kaniyang mga binti. Dahil dito ay hindi na siya makapaghanapbuhay pa. Ito na ang naging hudyat upang tuluyan na siyang iwan ng kaniyang asawa.
Makalipas ang isang linggo ay kinausap ni Lito ang anak. Nalaman kasi niyang hindi na pala ito nag-aaral at umeekstra na lang na tagalinis sa isang parlor.
“Makakapaghintay naman po ang pag-aaral, ‘tay. Ang hindi makakapaghintay ay ‘yung mga gamot ninyo saka ‘yung iba pa nating pangangailangan. Huwag na po kayong mag-alala sa akin. Sa totoo lang ay tinatamad na rin po akong mag-aral talaga,” wika ni Boyet.
“Pero, anak, iba pa rin ang may pinag-aralan. Tingnan mo ako, iniwan ako ng nanay mo nang dahil sa wala akong maayos na hanapbuhay,” saad ng ama.
“Iniwan tayo ni nanay dahil mahal lang niya ang sarili niya, ‘tay. Pabayaan n’yo na po siya,” muling saad ng anak.
Nahihiya si Lito dahil kailangang magsakripisyo ng anak para sa kaniya. Ang mga bagay na siya dapat ang gumagawa ay naging responsibilidad na ngayon ni Boyet.
Bukod sa problema ng pamilya ay may iba pang dinadala si Boyet. Tampulan kasi siya ng tukso dahil sa kanilang kalagayan. Siya bilang isang binabae at ang kaniyang ama bilang isang baldado. Pinagtatawanan sila ng ilang kapitbahay.
“Mahal ang buhay n’yo dahil binabae ka! Hindi na nga sinuwerte ang tatay mo sa asawa’y ‘di pa rin sinuwerte sa anak,” saad ng isang ale.
Ang mga ganitong isyu ay hindi na pinapatulan ni Boyet ngunit minsan ay sadyang masakit ang kaniyang naririnig at hindi niya maiwasang masaktan. Lalo pa at napapagod na rin siya sa kaniyang buhay. Sa murang edad kasi ay naka atang na sa kanilang balikat ang kabi-kabilang responsibilidad. Siya pa rin ang kailangang mag-alaga sa kaniyang ama.
“Kung anu-ano na naman ba ang sinasabi sa iyo ng kapitbahay, anak? Huwag kang mag-alala, isang araw ay makakatikim ‘yang mga ‘yan sa akin! Humanda sila,” saad ni Lito.
“Huwag n’yo na po silang patulan, ‘tay. Wala rin naman kayong magagawa. Hayaan n’yo na lang sila sa sinasabi nila. Totoo naman, e. Malas ang buhay natin,” saad naman ni Boyet.
Napayuko na lang ang ama.
Hindi sinasadya ni Boyet ang magsalita ng masakit. Dala na rin ito siguro ng pagod niya. Ngunit ilang beses na ring sumagi sa kaniyang isipan na tuluyan nang iwan ang ama.
Isang araw habang nagtatrabaho ay tinanong siya ng kaniyang amo.
“Hindi ka ba nagsisisi na hindi ka pa sumama sa nanay mo nung inaaya ka niya? Ngayon tuloy ay hirap na hirap ka sa buhay,” saad ng may-ari ng salon.
“Aaminin kong mahirap pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aalaga kay tatay. Naisip ko na rin kung ano kaya ang buhay ko kung sumama ako kay nanay. Pero sa tuwing naiisip ko si tatay na mag-isa na lang at wala nang masasandalan ay hindi naman makayanan ng konsensya ko,” sagot ni Boyet.
“Napakaswerte ng tatay mo sa iyo. Hindi ka ba napapagod?” tanong muli ng amo.
Inisip ni Boyet ang lahat ng kaniyang paghihirap. Sa totoo lang ay konti na lang ay susuko na siya sa bigat ng kaniyang pasanin.
“Wala na akong magagawa dahil narito na ‘to. Ako naman ang pumili na huwag sumama sa nanay ko,” wika muli ni Boyet.
Sa loob-loob niya’y gusto niyang sabihing kung may pagpipilian lang siya ay sasama na lang siya sa kaniyang ina.
Pag-uwi mula sa trabaho ay nakita ni Boyet ang kaniyang ama at nakikipagtalo sa labas. Kitang-kita niya kung paano ito itulak ng kapitbahay.
“‘Tay, hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na huwag n’yo na silang pansinin? Bakit pumatol pa kayo? Akala n’yo naman ay may laban kayo sa kanila. Tingnan n’yo at sino ba ang nagmukhang kawawa?” imbes na kampihan ni Boyet ang ama’y pinagalitan pa niya ito.
“Ayoko lang kasi nang may naririnig sa kanilang hindi maganda. Pati ‘yung pag-iwan sa atin ng nanay mo ay pinakikialaman nila,” saad ni Lito.
“Hayaan n’yo na sila, ‘tay. Lahat naman ng sinasabi nila sa’tin ay totoo!” bulyaw pa ng anak.
“Alam ko naman, anak! Tanggap ko naman sa tuwing sinasabihan nila akong pabigat at baldado. Tanggap ko kapag sinasabihan nilang ako ang dahilan kung bakit umalis ang nanay mo at nasira ang pamilya natin. Pero hindi ako makakapayag, anak, na yurakan nila ang pagkatao mo. Hindi ako papayag na sa harap ko ay pinagtatawanan ka nila at inaalipusta. Kaya kahit ganito ang kalagayan ko ay ipagtatanggol kita. Dahil para sa akin, ikaw ang pinakamagiting na anak! At walang kahit sino sa kanila ang p’wedeng magsalita ng masama tungkol sa iyo,” wika pa ni Lito.
Natigilan si Boyet. Hindi niya inakala na siya pala ang dahilan sa pakikipag-away ng ama. Dahan-dahan niyang nilapitan ang amang si Lito at saka niya ito niyakap.
“Patawad, ‘tay! Patawarin n’yo po ako! Nitong mga nakaraang araw ay pinanghinaan na ako ng loob. Patawarin n’yo ako kung madalas ko na kayong mapagsalitaan ng hindi maganda. Napagtanto kong maswerte talaga ako sa inyo dahil mahal n’yo ako bilang ako,” wika pa ni Boyet.
“Ako ang patawarin mo, anak. Naging malaking pabigat ako sa buhay mo. Nahihiya ako sa iyo dahil nahihirapan ka na ngayon. Pero huwag kang mag-alala dahil humanap naman ako ng trabaho. Kahit paano ay makakatulong pa rin ako sa mga gastusin dito sa bahay at hindi ka na mabibigatan pa sa responsibilidad. Ako pa rin ang ama mo, Boyet, ako ang dapat kumilos,” saad pa ni Lito.
Mula nang tagpong iyon ay mas naging matibay ang relasyon ng dalawa. Si Mang Lito ang naging inspirasyon ni Boyet upang magpatuloy sa pagsisikap sa buhay.
Hindi naging hadlang para kay Boyet ang kakulangan sa edukasyon. Pinasok niya ang kung anu-anong trabaho para makapag-ipon at mabigyan ng magandang buhay ang ama. Hindi naglaon ay nakapagpatayo na siya ng sariling parlor.
Bilang regalo sa ama ay pinagawan niya rin ito ng artipisyal na paa upang hindi na ito mahirapan pa.
“Sobra-sobra na ang lahat ng ito, anak, hindi mo na kailangan pang gawin ito. Ayos na sa akin na makitang maayos ang buhay mo,” saad ni Lito sa anak.
“‘Tay, hindi ako magiging matatag kung hindi dahil sa pagtanggap ninyo. Kayo ang bumuo sa akin. Maraming salamat dahil lagi kayong naniniwala sa akin,” saad naman ni Boyet.
“Kahit maging sino ka man ay tatanggapin at mamahalin kita dahil anak kita, Boyet. Salamat sa hindi mo pag-iwan sa akin,” wika pa ng ama.
Kahit hindi kumpleto ang kanilang pamilya ay naging masaya naman ang buhay ng mag-ama. Laking pasasalamat ni Boyet dahil tanggap siya ng ama, ngunit mas malaki ang pasasalamat ni Lito dahil ibang klase ang kaniyang anak.