Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Biyudo na Palakihin na lang Mag-Isa ang Anak Kaysa Mag-asawang Muli; Ito ang Ganti ng Nag-iisang Anak sa Kaniya

Pinili ng Biyudo na Palakihin na lang Mag-Isa ang Anak Kaysa Mag-asawang Muli; Ito ang Ganti ng Nag-iisang Anak sa Kaniya

Ilang taon na rin ang nakalipas simula nang mabiyudo si Gener nang masawi ang kaniyang asawang si Lilia dahil sa panganganak. Mula noon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na itutuon na lang ang buhay sa pag-aalaga ng kaisa-isang anak.

May mga pagkakataon na may nirereto sa kaniya ngunit hindi niya ito gusto. Para sa kaniya ay wala nang makahihigit pa sa dating asawa.

“Subukan mo lang, Gener, wala namang mawawala sa iyo. Matagal nang wala si Lilia. Kailangan ng anak mo ng ina!” saad ng kapatid nitong si Minda.

“Ate, kaya ko namang palakihin ang anak ko. Hindi ko na kailangan pang mag-asawa muli. Saka isa pa, ayokong malito si Annie. Gusto kong irespeto ang nararamdaman niya. Mahal niya ang mommy niya at ayaw niyang palitan ito sa buhay niya,” wika pa ng ginoo.

“E, hindi naman niya nakagisnan ang tunay niyang ina. Matatanggap niya kung magkakaroon siya ng bagong asawa. Isa pa, sino naman ang mag-aalaga sa iyo kapag tumanda ka na? Mahirap ang walang katuwang sa buhay, Gener, ikaw lang din ang inaalala ko!” dagdag pa ng ginang.

Ngunit sadyang tutol ang ginoo sa pagkakaroon ng relasyon sa iba.

Hindi naman sinasadyang marinig ito ng anak na si Annie. Naiinis siya sa tuwing nagpupunta sa kanilang bahay ang kaniyang tiyahin dahil lagi na lang nirereto ang ama sa kung sinu-sinong babae.

Sa sobrang inis ng bata ay hindi na niya napigilan pa ang sumabat.

“Bakit po ba gustong gusto niyong mag-asawa ang daddy ko? Kung gusto n’yo pong ikasal ay huwag n’yo na siyang idamay! Masaya naman ang buhay namin, e!” sambit ni Annie.

“Kita mo na, Gener, ito ang sinasabi ko. Walang modo itong anak mo. Kita mong nag-uusap tayo at bigla na lang sasabat. Sinisigawan pa ako. Wala siyang respeto. Pero kung mayroon siyang kikilalaning ina ay mas magiging maganda ang kaniyang ugali!” sambit pa ng ginang.

“Magiging maganda po ang asal ko sa inyo kung maganda rin ang pakikitungo ninyo sa amin ng daddy ko. Lagi n’yo na lang siyang pinangungunahan! Sinabi nang ayaw niyang mag-asawa siya, e!” sigaw muli ng bata.

“Anak, tumigil ka na, huwag ka nang sumagot sa Tita Minda mo. Hayaan mo na siya at ako na ang bahala rito. Pumasok ka na sa silid mo,” wika naman ni Gener.

“Pero, daddy, ayaw ko pong mag-asawa ka. Pangako ko po ay lalo pa akong magpapakabait. Huwag n’yo lang papalitan si mommy,” umiiyak na wika ni Annie.

“Pangako, anak,” saad ng ginoo.

Dahil sa pangyayaring ito ay mas minabuti na ni Gener na pauwiin na muna ang kaniyang ate. Kinausap niya ito na hindi na sila muling mag-uusap pa tungkol sa muli niyang pag-aasawa dahil wala ito sa kaniyang isip.

Lumipas ang mga taon ay hindi pa rin tumigil si Minda sa pangungulit sa kaniyang kapatid. Kung hindi niya ito madaan sa santong dasalan ay dadaanin niya ito sa santong paspasan. Si Annie na mismo ang kaniyang kinausap.

“Alam mo, Annie, sa totoo lang ay gusto naman talaga ng daddy mo na mag-asawa. Pero ikaw ang malaking hadlang para sa kaniya,” sambit ng ginang.

“Bakit po ako, tiya? Desisyon din naman po ni daddy na hindi na mag-asawa pang muli dahil mahal pa rin niya ang mommy ko,” sambit ng dalagita.

“Dahil madamot ka. Ikaw na nga ang dahilan kung bakit nawala ang mommy mo. Tapos ay ikaw pa rin ang pumipigil upang maging maligaya muli ang daddy mo. Makasarili ka, Annie. Iniisip mo lang ang sarili mo!” sumbat muli ng ginang.

Narinig ni Gener ang pag-uusap na ito ng mag-tiyahin. Agad niyang sinaway ang kapatid sa pakikipag-usap sa anak.

“Ate, tigilan mo na ito. Kapag hindi ka pa tumigil ay hindi ako magdadalawang isip na putulin ang ugnayan natin. Kahit pa magkapatid tayo!” wika ni Gener.

“Iniisip ko lang ang kinabukasan mo, Gener. Lalaki ‘yang si Annie at iiwan ka rin niyan. Hindi ba’t inamin mo sa akin na may pagtingin ka na rin kay Rosa? O, e, bakit natitigilan kang pakasalan siya? Pareho naman kayong malaya! Tigilan mo na ang pag-iisip mo para dyan kay Annie! Sabihin mo na kasi sa kaniya ang totoo, Gener!” bulyaw ng ginang.

“Oo nga at minahal ko rin si Rosa pero hindi higit sa pagmamahal ko sa anak ko. Napagtanto ko na hindi ko naman kailangan ng katuwang sa pagpapalaki sa kaniya dahil mabuti naman siyang bata. Madali siyang alagaan at hindi niya pinasasakit ang ulo ko. Para siyang si Lilia, ate. At binigyan ko rin siya ng karapatan para magdesisyon kung gusto niya pa akong mag-asawang muli o hindi dahil pamilya kami. Kung ayaw ng anak ko na muli akong mag-asawa ay isasantabi ko ang nararamdaman ko,” saad pa ng ginoo.

“Kita mo na, Annie? Pinagdadamot mong maging maligaya ang daddy mo!” saad ni Minda.

“Dad, totoo bang minahal niyo na ‘yung babaeng iyon? Gusto niyo talaga siyang makasama? Magiging maligaya ka ba kung makakapiling mo siya?” tanong ni Annie.

“Ikaw lang ang magdadala sa akin ng kaligayahan, anak. Maligaya ako kapag napalaki kitang maayos. Sapat na sa akin ‘yung tayong dalawa lang,” dagdag pa ng ama.

“Sinisigurado ko sa iyo, Gener, na pagdating ng araw ay pagsisisihan mo ang bagay na ito. Kapag ‘yang si Annie ay lumaki na ay mag-iisa ka na lang sa buhay!” wika ni Minda.

Ito na ang tumatak sa isip ni Annie. Ngunit hindi siya nangangamba dahil sigurado siya sa kaniyang isip na hinding-hindi niya iiwan ang ama.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Nakapagtapos na ng pag-aaral si Annie at nakakuha na ito ng magandang trabaho. Nang mag-edad ito ng tatlumpu ay desidido na itong lumagay sa tahimik.

“Sigurado ka na ba, anak? Hindi ba masyadong maaga para magpakasal kayo?” tanong ni Gener.

“Daddy, nasa edad na po ako. Matagal na rin naman ang relasyon namin ni George. Saka maayos naman na po pareho ang estado ng buhay namin. Wala nang dahilan pa para hindi kami magpakasal. Sa katunayan nga ay nagpagawa na rin kami ng bahay,” wika pa ng dalaga.

Hindi maiwasan ni Gener ang malumbay. Dumating na kasi ang kinatatakutan niyang araw na tuluyan na silang maghihiwalay ng anak.

Nalaman ni Minda ang pangyayaring ito. Muli niyang sinumbatan ang kapatid dahil hindi ito nakinig sa kaniya.

“Noon pa man ay sinabihan na kita, Gener, kita mo ngayon, iiwan ka lang pala niyang si Annie. Higit pa roon ay hindi man lang niya hiningi ang opinyon mo sa pagpapakasal niya,” saad ng kapatid.

“Naging mabuting anak naman sa akin ni Annie, ate. Siguro nga ay panahon na rin para mag-asawa na siya. Tanggap ko naman na ito ang pinili kong landas. Saka ayos lang sa akin dahil buong pagkabata naman niya’y kami na ang magkasama. Siguro ay mamimiss ko lang siya kapag ikinasal na siya,” saad pa ng ginoo.

Lumipas ang ilang buwan at masayang ibinalita ni Annie sa ama na tuluyan nang natapos ang pagpapagawa nila ng kasintahan ng bagong bahay.

Isang buwan ang nakalipas naman ay natuloy na rin ang kasal ng mga ito. Magkahalong saya at lumbay ang nararamdaman ni Gener para sa kaniyang anak. Parang ayaw niyang matapos ang araw na iyon dahil ito na ang simula ng paghihiwalay nila ng landas ni Annie.

Matapos ang kasal ay pauwi na si Gener sa kaniyang bahay. Nang mapansin ni Annie na paalis na ang ama ay tinawag niya ito.

“Daddy, saan po kayo pupunta?” tanong ng anak.

“Uuwi na ako, anak. Saan pa ba? Maligayang pag-iisang dibdib sa inyo. Kailangan ko nang sanayin ang sarili ko na wala nang maingay sa bahay. Dumalaw ka ng madalas, anak, a?” naiiyak na wika ni Gener.

“Dad, sino ba nagsabi sa inyo na maghihiwalay na tayo? Hindi ko po kayo iiwan, daddy! Sabay-sabay na po tayong uuwi sa bahay natin. Doon po sa pinagawa naming bahay ni George. Doon po kayo titira kasama namin!” naiiyak ring wika ni Annie.

Tuluyan nang naluha si Gener at napayakap sa anak.

“Daddy, akala mo ba ay tuluyan na kitang iiwan dahil nagpakasal na ako? Hindi ko po iyon magagawa sa inyo. Lagi ko pong natatandaan ang mga araw na isinakripisyo n’yo ang kaligayan ninyo para sa akin. Kaya naman sa pagtanda ninyo ay hindi ko rin kayo iiwan. Pangako ko ‘yan sa inyo. Palagi tayong magkakasama. Isa pa, alam kong hindi n’yo kayang hindi nakikita ang paborito ninyong anak,” patuloy ang pagluha naman ni Annie.

Pinatunayan ni Annie na kahit anong mangyari ay hindi niya pababayaan ang ama tulad ng hindi nito pagpapabaya sa kaniya.

Pinili noon ni Gener na mag-isang itaguyod ang anak kaya naman bilang ganti sa walang hanggang pagmamahal nito’y si Annie naman ang mag-aalaga sa kaniya.

Walang pagsidlan ang saya ng ginoo dahil palagi pa rin silang magkakasama ng anak. Hindi lang iyon, nadagdagdan pa siya ng isang anak sa katauhan ng asawa ni Annie na si George.

Advertisement