Naipit sa Gumuhong Gusali ang Bata Ngunit Hindi Siya Nawalan ng Pag-Asa; Ito ang Matindi Niyang Dahilan
Malapit sa isa’t isa ang mag-amang Dondon at Nestor. Halos hindi nga mapaghihiwalay ang dalawa dahil palagi silang magkasama. Simula kasi nang yumao ang asawa ng ginoo ay ito na ang nagpalaki sa kaniyang anak. Kahit na abala ito sa pagiging isang karpintero ay palagi pa rin itong may oras para sa bata.
Araw-araw ay hinahatid ni Nestor ang kaniyang anak sa paaralan. Habang naglalakad sila ay nakita nila ang isang batang umiiyak. Napansin nilang naipit ang kamay nito sa bakal na bakod.
“‘Tay, tulungan po natin ang batang iyon. Kahit umiiyak na po siya ay walang tumutulong sa kaniya. Kawawa naman po,” saad ni Dondon.
Dali-daling lumapit ang mag-ama upang tulungan ang bata.
“Huwag kang mag-alala, bata, tutulungan ka ng tatay ko. Magaling ang tatay ko. Alam niya ang gagawin,” saad ni Dondon.
Dahan-dahang inialis ni Mang Nestor ang kamay ng bata mula sa pagkakaipit sa bakal na bakod.
“Ano ba kasi ang ginagawa mo rito, Totoy? Hindi ka dapat naglalarong mag-isa sa kalsada. Nasaan ang mga magulang mo?” tanong ng ginoo.
“Naroon po sa loob ng bahay. Kanina ko pa nga po sila tinatawag pero hindi nila ako marinig. Kanina pa rin po ako humihingi ng tulong sa ibang tao pero hindi nila ako tinutulungan,” umiiyak na wika ng bata.
Maya-maya lang ay nariyan na ang mga magulang ng bata. Naikwento ng bata ang nangyari sa kaniya at nagpasalamat naman ang mga ito kay Mang Nestor.
Pagkatapos noon ay muling naglakad patungong eskwelahan ang mag-ama.
“Tatay, kawawa naman po ‘yung batang iyon, ano? Mabuti na lang po kayo ang tatay ko. Alam kong kapag may nangyaring hindi maganda ay agad kayong darating at sasagipin ako. Tiwala po ako riyan, tatay,” saad ni Dondon.
“Oo naman, anak. Palagi mo ‘yang tatandaan, a. Huwag kang matatakot kahit anong mangyari dahil gagawa ako ng paraan, mahirap man ‘yan o imposible, asahan mong darating ako para iligtas ka. Pero huwag na nating pag-usapan ‘yan. Magdasal na lang tayo na palagi tayong ligtas,” saad pa ng ginoo.
“Heto na ang paaralan mo, anak. Pumasok ka na at baka mahuli ka pa. Galingan mo sa pag-aaral, a! Hintayin mo ako dito mamaya. Huwag kang aalis. Kahit anong mangyari ay darating ako,” dagdag pa ng ama.
“Opo, tatay! Paalam po! Mag-iingat po kayo pagpunta sa trabaho,” saad naman ni Dondon.
Masayang pumasok si Dondon sa silid-aralan. Bago niya ito gawin ay sumulyap pa siya sa ama. Nakita pa niya ang pag-alis nito.
Tila normal lang ang araw na iyon. Abalang nagtuturo ang mga guro at nag-aaral naman ang mga estudyante. Dalawang oras na lang bago ang uwian at hindi na makapag hintay si Dondon na makauwi. Susunduin siya ng ama at dadalhin siya nito sa isang karinderya para siya ang makapamili ng kanilang uulamin sa gabi.
Subalit nagulantang ang lahat nang biglang yumanig ang lupa. Nagkagulo ang mga tao lalo na ang unti-unting lumakas ang pagyanig.
“Lindol! Lindol!” nagsisigawan na ang lahat.
Takot na takot ang mga bata. Maging si Dondon ay naiiyak na rin sa sobrang takot. Nagmamadaling naglabasan an lahat palabas ng silid-aralan. Ngunit matindi talaga ang pagyanig hanggang sa gumuho na ang mga gusali.
Sa kasamaang palad ay nakulong sina Dondon at ilang kamag-aral sa mga gumuhong pader. Kahit anong gawin nila ay hindi na sila makalabas pa.
Matapos ang ilang minuto ay natapos rin ang pagyanig. Isa-isang nag-iiyakan ang mga bata at ilang gurong nakulong sa mga gumuhong parte ng gusali.
“Hindi na tayo makakalabas nang buhay dito!” iyak ng isang estudyante.
“Tawagan ninyo ang mama at papa ko! Gusto ko nang umuwi sa amin,” iyak naman ng isa pang estudyante.
Lahat sila ay natataranta maliban kay Dondon. Sa kanilang pagtataka ay tinanong nila ito.
“Bakit hindi ka man lang nag-aalala riyan? Hindi mo ba nakitang imposible na tayong makalabas pa rito? Dito na tayo masasawi!” takot ng isang mag-aaral.
“Hindi ako nangangamba dahil alam kong susunduin ako ng tatay ko. Kahit anong mangyari ay darating siya. Iyan ang pangako niya sa akin,” kalmadong wika ni Dondon.
“Nahihibang ka na ata. Sa lakas ng pagguho na iyon ay baka hindi na rin nakaligtas ang tatay mo. Samantalang, tayo ay unti-unting babawian ng buhay sa lugar na ito!” saad naman ng isang kaklase.
“Huwag na kayong mag-alala. Alam kong darating ang tatay ko at ililigtas niya tayo. Hindi ‘yun titigil hanggang hindi niya ako nakikita. Hihintayin ko siya dahil alam kong darating siya,” wika pa nito.
Lumipas ang isang araw at wala pa ring dumarating para iligtas sila. Nagtulong tulong na ang mga naroon upang piliting tanggalin ang mga nakaharang na gumuhong parte ng gusali, ngunit sa liit ng kanilang katawan ay wala silang magagawa.
“Wala ka pa rin bang gagawin? Hihintayin mo pa rin ang tatay mo?” tanong ng kaklase.
“Oo, alam kong darating siya. Alam kong ginagawa na niya ang lahat upang puntahan ako,” matapang na sagot ni Dondon.
Ngunit lumipas na ang magdamag hanggang sa dalawang araw ay wala pa rin ang ginoo.Gutom na gutom at uhaw na uhaw na silang lahat. At dahil wala nang lakas ay minabuti na lang nilang mahiga.
Isang bata ang patuloy sa pag-iyak. “Dito na talaga tayo masasawi. Wala nang magliligtas sa atin dahil imposibleng makita nila tayo. Hinang hina na rin ako . Hindi ko na kayang lumaban pa,” saad ng isang bata.
“Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Darating ang tatay ko. Lumaban lang kayo!” saad ni Dondon.
“Tumigil ka na, Dondon! Hindi na darating ang tatay mo! Huwag ka nang umasa dahil kahit sino ay hindi na tayo kayang sagipin pa. Tanggapin mo na lang na ito na nag katapusan natin,” saad ng isang kamag-aral.
Naluluha na si Dondon. Nakakaramdam na siya ng takot paunti-unti pero pilit niya itong nilalabanan. Panay ang tawag niya sa ama sa kaniyang isip. Umaasang anumang oras ay dumating na ito upang iligtas siya.
Lumipas muli ang mga oras at wala pa ring nagliligtas sa kanila.
“Umaasa ka pa rin Dondon? Nasaan na ‘yang ipinagmamalaki mong tatay? Sinungaling pala siya, e. Hindi naman siya pumunta!” sigaw ng isang bata.
Dito na pumatak ang luha ni Dondon. Bahagyang nakaramdam siya ng kawalang pag-asa dahil sa tagal ng pagdating ng kaniyang ama. Nais na rin sana niyang sumuko nang marinig niya ang siang tinig.
“Dondon, anak! Dondon! Sumagot ka Dondon! Si tatay ito, Dondon! Anak, nasaan ka na?” patuloy sa pagsigaw ng ama.
“Ang tatay ko, ‘yun! Sinabi ko na sa inyo na darating siya. Tulungan ninyo akong sumigaw nang marinig niya tayo! Tulungan niyo ako para malaman niyang buhay pa tayo!” masayang wika ng bata.
Panay ang sigawan ng mga bata upang dalhin ang ginoo sa kanilang kinalalagyan.
“Anak, si tatay ito. Naririnig mo ba ako?” saad ni Mang Nestor.
“O-opo, ‘tay! Naririnig ko po kayo! Narito po ako sa loob. Hindi po kami makalabas,” sagot naman ng bata.
“Huwag kayong mag-alala at ilalabas ko kayo riyan! Magdasal ka lang, anak! Huwag kang bibitaw, a! Narito na si tatay!” sigaw muli ng ama.
Inabot rin ng ilang oras nang tuluyang makagawa ng lagusan si Mang Nestor papunta sa kaniyang anak. Hindi biro ang kaniyang pinagdaanan para lang magawa ito.
Masayang-masaya si Mang Nestor nang makita niya ang nag-iisang anak. Hinang-hina man ay pilit na niyakap ang ama.
“Sabi ko na po, ‘tay, darating kayo, e! Hindi ako sumuko sa paghihintay dahil alam kong darating kayo. Malapit na po akong mawalan ng pag-asa pero narinig ko ang boses ninyo. Tinupad mo po ang pangako mo, ‘tay. Hindi mo talaga ako pinabayaan,” umiiyak na wika ni Dondon.
“Hahalughugin ko ang mundo, anak, makita lang kita. Hanggang may hininga ako ay aalagaan kita at poprotektahan sa masasamang bagay. Gagawin ko ‘yan dahil mahal kita, anak!” saad naman ni Mang Nestor.
Lahat ay nagulat sa ginawang kabayanihang ito ni Nestor. Marami na pala siyang nilapitang rescuer ngunit hindi siya matulungan ng mga ito. Wala na raw pag-asa dahil sigurado silang wala nang natitira pang buhay sa lugar na iyon. Mabuti na lamang at hindi sumuko ang ginoo at pilit niyang hinanap ang anak.
Maraming tao ang napahanga sa kwento ng mag-ama. Naging inspirasyon sila sa marami na magpatuloy at huwag susuko sa hamon ng buhay.