Nakita ng Dalaga Kung Paano Saktan ng Lalaki ang Mag-Ina Kaya Hindi Niya Maiwasang Mangialam; Mukhang Ikapapahamak Niya pa Yata Ito
Nasa loob lamang ng sasakyan si Margot habang hinihintay na makabalik ang kaibigang si Nancy na pumasok sa loob ng mall upang bumili ng mga kaartehan nito sa katawan. Lihim siyang napangiti sa naisip. Kahit kailan talaga’y maarte ang kaibigan.
Nilingon niya ang binili nitong pagkain upang hindi siya mainip sa kahihintay. Alam niyang ang sinabi nito kaninang dalawang oras ay hindi pa magiging sapat. Malamang ang dalawang oras na pag-iikot sa mall ni Nancy ay katumbas ng lima o anim na oras. Kaya nga nag-iwan na ito ng maraming pagkain upang hindi siya mainip.
Abala siya sa pagtitipa ng kaniyang gagawing manuscript, habang abala naman ang bibig sa pagnguya nang mapansin ang babaeng tila mangiyak-ngiyak na naglalakad habang sa likuran nito ay ang lalaking panay ang batok rito, hawak ng babae ang batang lalaki na kaniyang palagay ay anak nito.
Hindi napigigilan ni Margot ang pagsalubong ng kaniyang kilay. Hindi niya maiwasang mainis sa nakikita. Kitang-kita kung paano abus*hin ng lalaki ang babae, kung anuman ang relasyon ng dalawa’y wala siyang nakikitang dahilan upang gawin iyon ng lalaki sa babae.
Pakialamera na kung pakialamera, ngunit hindi maganda ang nakikita niyang pananakit ng lalaki. Bitbit ang mga bagay na magiging proteksyon niya kung sakaling siya ang pagbalingan ng lalaki, nilapitan niya ang mga ito upang sitahin. Agad naman niyang naisip na tama ang kaniyang ginawa dahil tumakbo ang babae sa kaniyang likuran kasama ang batang lalaki at tila takot na nagtago.
“Huwag kang mangialam rito, miss! Away pamilya ito, at wala kang karapatang mangialam!” galit na wika ng lalaki saka humakbang papalapit sa kaniya upang hilahin ang babaeng umiiyak na pilit nagtatago sa kaniyang likuran.
Alam niyang nakakatawag na sila ng atensyon sa ibang taong dumadaan sa lugar na iyon. Kaya inutusan niya ang mga iyong tumawag ng pulis at gwardiya. Malaki ang katawan ng lalaki, at alam niyang kapag nilabanan niya ito’y hindi niya ito kaya. Pero gagawin niya ang lahat maprotektahan lang ang babae at batang lalaking humahagulhol na ng iyak.
“Pakiusap, huwag mo kaming ibibigay ng anak ko sa kaniya. Sasaktan niya lang kami!” umiiyak na pakiusap ng babae.
Saglit niyang nilingon ang babaeng may pasa na sa mukha nito, sa may ibaba ng mata. Agad na nakaramdam ng labis na awa si Margot. May mga nakikita rin siyang mga pasa sa braso ng batang lalaki.
“Myra! Lumapit ka na rito at huwag mo na akong ginagalit!” asik ng lalaki.
Hindi maiwasan ni Margot ang makaramdam ng takot sa klase ng boses ng lalaki. Pakiramdam niya’y maliit na bagay lamang rito ang tumapos ng tao. Ngunit napasubo na siya sa pangingialam niya. Ayaw naman niyang tumakbo at saka pa umatras. Kapag ibinigay niya ang mag-ina sa lalaki, baka kung mapaano ang mga ito sa mabagsik na lalaki.
Akmang itataas na niya ang kaniyang kamay upang ituon sa mata ng lalaki ang hawak na pepper spray para makatakbo sila ng mag-ina, ngunit nagulat siya nang biglang may dumakma sa lalaki at pakulob itong inihiga sa sahig. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang pulis ang gumawa no’n sa lalaki.
Salamat sa mga taong nakiusyoso sa kanila. Nang humingi pala siya ng tulong ay agad pala nitong tinawag ang pulis na naroroon sa loob ng mall. Nagpupumiglas pa ang lalaki at gustong kumawala sa mahigpit na pagkakahawak ng pulis. Pilit nitong sinasabi na away mag-asawa lamang ang nangyayari, ngunit nang tingalain ng pulis ang mukha ng mag-ina’y hindi ito nakumbinsi ng lalaki. Hinuli nito ang lalaki at inimbitahan din silang tatlo na sumunod sa istasyon.
Gamit ang kotse ni Nancy ay sumunod sila sa pulis na humuli sa lalaki. Tinawagan niya ang kaibigan na halos mawalan ng malay nang malaman ang iskandalong pinasok niya.
“Sinabi ko naman sa’yo na kumain at magtrabaho ka lang sa loob ng kotse! Hindi ko naman sinabing mangialam ka! Paano kung walang ibang tumulong sa inyo, Margot! Diyos ko! Ayokong isipin… pasaway ka talaga,” nag-aalalang litanya ng kaibigan.
“Ang mahalaga’y ligtas ako, at nailigtas ko ang mag-ina,” aniya saka tiningnan ang mag-inang nasa likuran at nakaupo. Nakikita niya ang panginiginig ng babae. Trauma siguro iyon sa ginawa ng asawa nito. “Sige na, mag-taxi ka na lang pauwi. Sasamahan ko na muna sila,” aniya saka ibinaba ang tawag.
Nang makarating sa istasyon ng mga pulis ay doon nalaman ni Margot na hindi anak ng lalaki ang batang kasama ng babae. Mag-nobyo palang ang dalawa, siyam na buwan pa lang at iyon na ang nararanasan nito sa lalaki.
“Bakit ka nagtitiis kung ganyan naman pala ang ginagawa niya sa’yo at sa anak mo?” may himig inis na tanong pulis.
“Dahil wala po akong ibang mapupuntahan, sir,” umiiyak na wika ng babae. “Ulila na po ako at walang kamag-anak na kilala. Nang mabuntis ako at iniwan ng nobyo ko, pakiramdam ko’y naging krus na pasan-pasan ko ang anak ko, ngunit kaysa iligaw siya’y pinili ko pa rin siyang pasanin. Anak ko ‘to sir e,” umiiyak na paliwanag ng babae sabay yakap sa anak.
“Kaya noong dumating si Arthur sa buhay namin, pakiramdam ko’y gumaan ang krus na pasan ko. Tinitiis ko ang pananakit niya basta ang mahalaga’y may tinutuluyan kaming bahay ng anak ko at may nakakain kami kahit isang beses isang araw,” patuloy nito sa pagpapaliwanag habang humahagulhol.
Labis ang naging awa ni Margot sa narinig na kwento ng babae. Bilang ina ay handa itong tiisin ang sakit na pinaparanas ng nobyo nito para sa pinakamamahal nitong anak.
Hindi na itinuloy ni Myra ang pagsampa ng kaso laban kay Arthur, ang pakiusap na lang nito’y huwag nang manggulo pa ang lalaki sa kanila, upang matahimik na ang buhay nilang mag-ina. Inalok naman ni Margot si Myra na maging kasambahay sa kanila, tamang-tama at kailangan ng kaniyang mama ng isa pang katulong dahil kaaalis lamang ng isa nilang katulong dahil kinailangang umuwi sa probinsya.
Sobrang laking pasasalamat ni Myra sa mabait na si Margot, tila ito isang anghel na bumaba sa langit upang iligtas sila ng kaniyang anak. Lahat ng sakit na naramdaman niya’y pilit niyang ibinabaon sa limot upang magpatuloy sa buhay kasama ang kaniyang nag-iisang anak. Ngayong may maayos na silang masisilungan ay sapat na para kay Myra, lalo na’t wala nang Arthur ang manggagambala sa kanila.