Labis Siyang Ipinapahiya ng Babaeng Nabuntis Niya; Magbabago ang Lahat nang Dumating ang Resulta ng DNA Test
Namamawis ang mga kamay ni Mateo habang tahimik na nakaupo sa may sulok at hinihintay ang magiging resulta ng ginawang DNA test na noong nakaraang buwan pa niya inaasikaso at ngayon lamang lumabas ang resulta.
Hawak na ngayon ni Kapitana Rocess ang sobre at hinihiintay na lang nito si Ava, ang babaeng nagreklamo sa kaniya at ipinagpipilitang anak niya ang anak nito. Aminado naman siyang nagkaroon sila ng relasyon noon ni Ava, ngunit hindi naman iyon umabot ng isang buwan at agad ring naghiwalay dahil muling bumalik ang kaniyang totoong asawa na si Hailey.
May nangyari sa kanila, ngunit isang beses lamang iyon at hindi nga niya masyadong matandaan dahil pareho silang lasing. Kaya noong sinabi nitong buntis ito at siya ang ama’y agad niya iyong itinanggi. Hindi dahil sa takot siya sa responsibilidad, pero alam naman niyang may kinakasama rin itong iba, na noong mga panahong iyon ay nagkakalabuan din.
Ngunit makalipas ang limang taon ay hindi na siya tinantanan ni Ava. Nag-iiiskandalo ito kapag hindi siya nakakapagbigay ng suporta. Nagpapasalamat nga siya sa kaniyang asawang si Hailey dahil inunawa nito ang naging kasalanan niya.
Ang kaso’y masyadong abusado si Ava, kung tutuusin ay ang anak lamang niya ang kaniyang obligasyon, pero pati ang buong pamiya ni Ava ay naging obligasyon na niya, pati pa nga kuryenteng ginagamit ng pamilya nito’y siya ang nagbabayad. Kapag nagreklamo siya’y nag-iiskandalo ito at tinatakot siya. Kaya nagdesisyon silang mag-asawa na mag-ipon upang ipa-DNA test ang bata.
Marami rin kasing kapitbahay ang nagsasabing hindi naman niya kamukha ang bata. Ngunit kahit ganoon ay hindi niya iyon pinaniwalaan. Alam niyang anak niya si Jerome, gusto lamang niyang makasiguro, para matapos na ang pangmamanipula sa kaniya ni Ava.
“Magandang umaga, Misis Ava,” bati ni Kapitana Rocess.
Agad namang bumati pabalik si Ava, sinulyapan siya at inirapan. Lumapit agad sa kaniya si Jerome nang makita siya. Mahal niya si Jerome, at imposibleng hindi niya ito anak, naiinis lamang siya sa ugali ng nanay nito, kaya niya nagawa ang bagay na iyon at dala na rin ng sulsol ng kanilang mga kapitbahay. Para naman sa kaniya’y paniniguro lamang.
Binuhat niya ang anak at mahigpit itong niyakap. Agad naman siyang napangiti nang marinig ang mahina nitong tawa. Ibinigay niya ang tsokolate at isang supot ng paborito nitong biscuit na binili niya kanina bago siya tumuloy rito sa barangay. Nang kunin ito ng ina ay wala nang nagawa si Mateo.
“Hawak ko na po ang resulta ng DNA test,” panimulang wika ng kapitana. “Ang napag-usapan dito’y kapag napatunayan na anak ni Mister Mateo ang batang si Jerome, obligasyon niyang suportahan ang lahat ng pangangailangan ng bata mula sa damit, pagkain at pag-aaral. Ngunit ang kapalit noon ay bawal na siyang iskandaluhin ni Misis Ava, lalo na kapag nagawa naman ni Mister Mateo ang lahat ng napag-usapan,” paliwanag ng kapitana.
Masama ang tingin ni Ava na nilingon si Mateo, umusal pa ng mahinang mura ang bibig ng babae.
“Ngunit kung nagkataong negatibo ang resulta’y ibabalik lahat ni Misis Ava ang lahat ng nagastos ni Mister Mateo sa bata,” anang kapitana.
Sabay na sinang-ayunan iyon ng dalawang kampo. Maya maya pa’y binuksan na ng kapitana ang sobre upang tingnan kung ano ang resulta. Hindi napigilan ni Mateo ang manginig sa sobrang kaba. Kumbinsido naman siyang positibo ang resulta, ngunit hindi niya maiwasang kabahan. Iba pa rin pala talaga ang pakiramdam kapag nasa aktwal na sitwasyon ka na.
“I’m so sorry, Misis Ava, ngunit ayon sa resulta’y siyamnapu’t siyam na porsyento ay hindi anak ni Mister Mateo ang batang si Jerome,” ani Kapitana Rocess saka iniharap sa kanila ang papel.
Lahat ng tao sa loob ay hindi napigilan ang malakas na pagsinghap sa naging resulta. Tila na-estatwa naman si Ava sa kinauupuan nang malaman ang resulta, habang si Mateo ay hindi malaman kung ano ang dapat na maramdaman. Tumayo siya at agad na niyakap ang anak. Kabaliktaran sa dapat niyang maramdaman sana ay hindi siya masaya sa naging resulta.
Anak niya si Jerome, iyon ang sinasabi ng kaniyang puso. Hindi niya napigilan ang maiyak sa nalaman. Hindi rin biro ang limang taong pinagsamahan nila ng batang kinilala siyang tunay nitong ama, tapos sa isang iglap ay malalaman nilang hindi naman pala siya ang totoong ama nito.
“Dahil hindi anak ni Mister Mateo ang bata, Misis Ava, obligayson mong ibalik sa kaniya ang lahat ng nagastos niya. Mula noong ipinagbuntis mo ito, hanggang ngayon,” anang kapitana.
Saka pa lang yata rumehistro sa isipan ni Ava ang nangyayari, kaya humagulhol ito ng iyak. Kahit sobrang sama ng babae sa kaniya’y hindi niya maiwasang maawa rito.
“Kap, hindi ko na po babawiin ang lahat ng nagastos ko kay Jerome,” singit ni Mateo. “Minahal ko po si Jerome, kahit hindi naman po talaga siya galing sa’kin. Kahit hanggang ngayong alam kong hindi ako ang totoo niyang ama’y hindi nabawasan ang pagmamahal ko sa bata,” mangiyak-ngiyak niyang nilingon ang inosenteng bata. “Ang sa’kin lang po kap, huwag na akong iskandaluhin pa ni Ava at ipahiya na para bang wala akong nagawang tama. Sapat na po iyon sa’kin. Kahit alam ko na ang totoo’y wala pong magbabago sa turing ko kay, Jerome… anak ko pa rin po siya,” umiiyak na wika ni Mateo.
Hindi niya mapigilang maging emosyonal. Muli niyang niyakap ang anak. Siya pa rin ang ama ni Jerome kahit nauwi ang lahat sa ganito. Iisa lamang ang maipapangako niya, hinding-hindi niya ito pababayaan. Hindi mahalaga kung kadugo niya ito o hindi, dahil alam niyang nasa sinapupunan pa lang ito ng ina ay minahal na niya ang batang lalaki at walang magbabago roon.
“I love you, papa,” malambing na wika ni Jerome, saka pinunasan ang luha niya sa mukha. Mas lalo lamang naiyak si Mateo sa ginawa ng bata.