Inday TrendingInday Trending
Masaklap ang Sinapit ng Ginang sa Kamay ng Kaniyang Asawa; Swerte Naman Siya sa Kaniyang Amo

Masaklap ang Sinapit ng Ginang sa Kamay ng Kaniyang Asawa; Swerte Naman Siya sa Kaniyang Amo

“Sally, kanina pa ako may inuutos sa iyo pero hindi mo ako pinakikinggan. Ano ba ang iniisip mo riyan?” tanong ng among si Tess sa kaniyang kasambahay.

“Naku, pasensya na po, ma’am! Nakatanggap kasi ako ng tawag sa asawa ko. Kailangan daw ng pera dahil nakagat ng aso ang anak namin. Sinabi ko naman sa kaniya na huwag pabayaan ang bata. Saka dapat ‘yung may-ari ng aso ang managot,” sagot naman si Sally.

“Kung kailan na talaga ng pera ay pauutangin muna kita. Mas importante ang kalusugan ng anak mo. Hindi biro ang kagat ng aso, Sally. Sandali at kukunin ko lang ang pera at ipadala mo na sa kanila,” saad pa ng matanda.

“Ma’am, huwag na po. Marami pa po akong kulang sa inyo. Baka wala na po akong sahurin sa kapatusan. Ako na lang po ang gagawa ng paraan. Kakausapin ko po ‘yung may-ari ng aso,” wika muli ng kasambahay.

“Huwag ka nang mahiya, Sally, saka mo na lang ako bayaran kapag nakaluwag ka na,” dagdag pa nito.

Masasabi ni Sally na hindi man siya sinuwerte sa buhay ay swerte naman siya sa kaniyang among si Tess. Matagal na siyang nagtatrabaho rito bilang isang kasambahay at wala siyang masasabing masama rito. Pamilya ang turing nito sa kaniya. Sa katunayan nga ay nahihiya na siya sa sa sobrang kabaitan ng matanda.

Ayaw mang tanggapin ni Sally ang pinapautang na pera sa kaniya ng amo ay kailangan niya ito upang madala na agad ang kaniyang anak sa doktor. Kinakabahan din kasi siya para sa kagalagayan ng bata.

“Dalhin mo na agad si Junjun sa ospital nang mapaturukan ng bakuna. Ingatan mo naman ang anak natin, Mando. Hindi biro ang laki ng perang inutang ko kay Ma’am Tess. Wala na akong sasahurin sa katapusan,” wika ni Sally sa asawa.

“Wala namang paggagamitan ng pera ‘yang matandang iyan. Saka marami naman talaga siyang pera. O siya, ipadala mo na kaagad at makaalis na kami ng anak mo!” sambit naman ng mister.

“P’wede ko bang kausapin man lang muna si Junjun para malaman ko ang kalagayan niya?”

“Huwag na! Ipadala mo na ‘yang pera nang sa gayon ay makalarga na kami. Bilisan mo at baka kung ano na ang mangayari sa anak mo!” giit pa ni Mando.

Biglang kinutuban ng hindi maganda si Sally. Kilala pa naman niya ang asawa. Gagawin nito ang lahat upang makapagsugal. Kaya ang ginawa niya ay tinawagan niya ang isang kaibigang malapit lang sa kanilang bahay. Tinanong niya kung tunay bang nakagat ng aso ang kaniyang anak.

“Nasa labas at masiglang masigla na naglalaro. Mukhang hindi naman nakagat ng aso. Sandali at itatanong ko, gusto mo?” sambit ng kapitbahay.

“Huwag na, Yolly, maraming salamat na lang sa iyo,” wika ni Sally.

Hindi na ipinadala ni Sally ang pera at ibinalik na lang niya ito sa kaniyang amo. Patuloy naman ang pagtawag ni Mando dahil hinihintay niya ang padala ng asawa.

“Akala ko ba ay kailangan mo ng pera? Sinagot na ba nung may-ari ng aso ‘yung magagastos sa bakuna?” tanong ng matanda.

“H-hindi na po, ma’am” matipid na sagot ng kasambahay.

“Huwag mong sabihing niloloko ka na naman ng asawa mo? Pati anak ninyo ay ginagamit pa. Alam mo, Sally, kung ako sa iyo ay hihiwalayan ko na ‘yan. Parang hindi na siya magbabago, e!” inis na wika pa ni Tess.

“Ma’am, sino naman po ang mag-aalaga sa anak ko. Saka isa pa, ayaw ko ring masira ang pamilya namin. Kailangan siya ni Junjun,” sagot nito.

“Hindi kailangan ng anak mo ang isang ama na kagaya niya. Halang ang kaluluwa ng lalaking iyan, Sally. Kung matino siya ay hindi niya gagamitin ang anak mo sa ganyang bagay para lang magkapera siya. Kung ako sa iyo’y iwan mo na siya habang may pagkakataon ka pa!” mungkahi pa ng matanda.

Matagal na ring pinag-iisipan ni Sally ang hiwalayan ang kaniyang asawa. Ngunit alam niyang hindi rin kasi matatahimik ang kanilang buhay. Ang tanging paraan na lang para makawala siya ay kung magkakaroon siya ng malaking pera at makalayo sila ng anak kung saan hindi na sila masusundan nito.

Samantala, galit na galit naman si Mando dahil hindis siya pinadalhan ng kaniyang asawa. Pag-uwi ni Tess sa kanilang bahay ay nagkasagutan sila. Hindi tuloy sinasadyang mapagbuhatan siya nito ng kamay.

“Ang kapal ng mukha mo, ikaw na nga ang nanloko ay ikaw pa ang may ganang manakit. Wala ka rin namang naitutulong sa pamilya na ito! Mula noon ay ako na ang nagtatrabaho. Masyado ka nang pabigat sa akin!” sigaw ni Sally.

“Ang yabang mo porke ikaw ang nagdadala ng pera sa bahay na ‘to? Hindi mo alam kung gaano kahirap ang maging taong bahay, Sally, tinatapakan mo ang pagkalalaki ko!” sigaw rin ni Mando.

“E, ‘di maghanapbuhay ka! Kung gusto mo talagang kumilos ay noon pa, Mando! Kukunin ko na ang anak ko at aalis na kami rito. Iiwan ka na namin!” matapang na saad ng ginang.

Ngunit hinila ni Mando pabalik ng bahay ang anak.

“Kung gusto mong lumayas ay umalis ka, pero maiiwan sa akin si Junjun!” giit ni Mando.

Ayaw ni Sally na iwan ang anak ngunit sa puntong iyon ay kailangan na niyang manindigan.

“Kung iyan ang gusto mo. Buhayin mo ‘yang anak mo!” sambit ni Sally sabay alis ng kanilang bahay.

Mula nang makabalik siya sa bahay ng kaniyang amo ay pinutakte na siya ng tawag ng kaniyang asawa. Nariyang tinatakot siyang sasaktan daw nito ang bata kung hindi siya magpapakita.

“Hindi ka ba nag-aalala sa anak mo? Gusto mo ba ay ipapulis na natin siya? Kailangan nating bigyan ng leksyon ang lalaking iyan!” saad ni Tess.

“Huwag na po. Hindi naman nya magagawang saktan ang anak ko. Kinuha lang niya si Junjun dahil gusto niyang may panghawakan laban sa akin para hindi ako umalis,” saad naman ni Sally.

“E, paano kung sinasaktan na niya talaga dahil wala siyang mapagdiskitahan? Tutulungan kita, Sally, huwag kang mag-alala,” saad muli ng matanda.

“Ma’am, huwag na po. Tama na po ang pagtulong na ginagawa ninyo sa akin. Dapat po ay ako ang nagsisilbi sa inyo. Huwag n’yo na pong problemahin ang problema ko dahil nag-aalala rin ako para sa inyong kalusugan. Kakayanin ko po ito at malalagpasan namin itong mag ina. Kailangan ko lang po talagang mag-ipon,” wika pa ng ginang.

Lumipas ang mga araw at pilit na tinitiis ni Sally ang kaniyang anak. Hanggang sa mabalitaan nga niya na hindi na ito pinapakain ng asawa at pinagbuhatan pa ito ng kamay. Alam ni Sally na wala siyang laban kay Mando. Wala siyang sapat na kakayahan upang ipahuli ang kaniyang asawa.

Wala siyang magawa kung hindi ang umiyak. Nais na niyang balikan ang mister ngunit mabuti na lang ay nariyan na si Tess.

“Nagpadala na ako ng mga pulis sa bahay ninyo. Huwag kang mag-alala at kilala ko ang mga iyon. Tauhan sila dati ng namayapa kong asawa kaya wala kang dapat ipangamba. Ililigtas rin nila ang anak mo at sinisiguro kong makakarating siya nang ayos rito,” saad ng matanda.

Napayakap si Sally sa kaniyang amo.

“Maraming salamat po, ma’am. Hulog mo kayo ng langit sa buhay namin ng anak ko!” umiiyak na sambit ng kasambahay.

Ilang oras lang ang nakalipas at tuluyan na ngang nagkita ang mag-ina. Labis ang pighati ni Sally nang makita ang anak na puno ng mga pasa sa katawan.

“Pasensya ka na kung iniwan kita sa tatay mo. Hinding-hindi na tayo maghihiwalay ngayon, anak! Hindi ka na niya masasaktan pang muli,” pagtangis ng ina.

Samantala, kinausahan at tuluyan nang nakulong si Mando dahil sa pagpapabaya at pagbubuhat niya ng kamay sa kaniyang mag-ina.

Dahil nag-iisa na rin sa buhay ang matandang amo ay kinupkop na sila nito. Siya na rin ang nagpaaral sa bata at nagbigay ng mga pangunahing pangangailangan nito.

“Maraming salamat po, Ma’am Tess. Hindi man ako pinalad sa asawa ay pinalad naman ako na makilala kayo. Nagpapasalamat ako sa Diyos na kayo ang binigay Niya sa akin na maging amo ko. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob habang ako ay nabubuhay. Bilang ganti ay hindi ko po kayo iiwan. Pagsisilbihan ko po kayo hanggang sa huli,” saad ni Sally.

Makalipas ang dalawang taon mula nang pangyayari na iyon ay binawian na rin ng buhay ang matanda. Iniwan niya sa mag-ina ang lahat ng kaniyang kayamanan at ari-arian. Ginamit naman ito ni Sally upang makapagsimula silang mag-ina ng bagong buhay.

Isang tahimik na buhay malayo sa dati niyang asawa.

Advertisement