Inday TrendingInday Trending
Muling Nabuntis ang Ginang Matapos ang Isang Dekadang Pagsasama Nila ng Mister; Trahedya ang Kukuha ng Kanilang Buhay

Muling Nabuntis ang Ginang Matapos ang Isang Dekadang Pagsasama Nila ng Mister; Trahedya ang Kukuha ng Kanilang Buhay

Atat na atat na si Clarissa sa pag-uwi ng kaniyang asawang si Fred dahil may inihanda siyang supresa para sa kanilang ika-sampung anibersaryo. Sa wakas kasi ay masusundan na ang nag-iisa nilang anak na si Kylie.

Pag-uwi ni Fred ay bumulaga sa kaniya ang mga lobo, cake at sari-saring pagkain na si Clarissa mismo ang nagluto.

“Oo nga pala, isang dekada na tayong kasal ngayong araw! Bakit hindi mo man lang pinaalala sa akin, mahal? Pasensya ka na talaga. Wala akong kwentang asawa dahil hindi ko naalala,” wika ni Fred.

“Alam ko namang mahalaga sa iyo ang araw na ito pero mahalaga rin ang trabaho mo. Ayos lang sa akin, mahal. Ginagawa mo naman ang lahat para mabigyan mo kami ng magandang buhay ng mga anak mo,” saad naman ni Clarissa.

“Mga anak? A-anong ibig mong sabihin?” nakakahalata na ang ginoo.

Ngumiti si Clarissa at saka niya ibinigay ang isang envelope sa kaniya asawa.

“Daddy, magiging ate na po ako! Buntis po si mommy!” masayang sigaw naman ni Kylie.

“Totoo ba ito? Buntis ka na? Anong kasarian ng baby? Hindi ako makapaniwala sa tagal ng paghihintay natin ay sa wakas narito na siya! Sobrang saya naman ng araw na ito!” hindi na magkandaugaga si Fred sa kaniyang sasabihin sa labis na kaligayahan.

“Ilang linggo pa lang akong buntis. Wala pang kasarian ang baby. Hayaan mo at kasama ko kayong dalawa nitong si Kylie kapag susuriin na ang kasarian niya. Maligayang anibersaryo, mahal! Sana ay napaligaya kita,” sambit ni Clarissa.

“Araw-araw n’yo naman akong pinapasaya! Pero mas masaya ako ngayong magiging apat na tayo. Sana ay lalaki naman! Pero kung babae rin ay walang problema basta malusog ang kaniyang pangangatawan,” sambit pa ng mister.

Masayang pinagsaluhan ng mag-anak ang handa ng gabing iyon.

Tila perpekto na ang pamilya ni Fred. Mayroon siyang mabait at maunawaing maybahay. At ang kaniyang anak naman ay masunurin at laging nangunguna sa klase. Samantalang siya ay may magandang posisyon sa kompanya. Wala na nga siyang mahihiling pa ngayong magkakaanak na muli sila ng kaniyang misis.

Araw-araw na inuuwian ng ginoo ang kaniyang asawa ng mga pagkaing paborito nito. Labis din ang kaniyang pag-aalaga dahil ayaw niyang magkaroon ng problema ang pagbubuntis ng asawa.

“Sobra na ang lahat ng ito, Fred, ayos lang naman ako. Ang sabi ng doktor ay makapit naman daw ang bata. Huwag mo na akong masyadong i-baby,” natatawang sambit ni Clarissa.

“Alam kong mahirap ang magbuntis, mahal. Hayaan mo na ako sa ginagawa ko para sa iyo. Ito na nga lang ang magagawa ko para maalagaan ka. Malalaman na ba natin ngayon ang kasarian ng anak natin?” saad ni Fred.

“Medyo matagal pa, mahal. Huwag kang maatat at malalaman rin natin,” tugon ng asawa.

Halos araw-araw ata kung tanungin ni Fred kung kailan malalaman ang kasarian ng magiging anak nila.

“Sa susunod na linggo daw ay p’wede nang malaman, mahal. Naka-iskedyul na rin ako sa doktor para sa ultrasound. Huwag kang gagawa ng lakad, a. Magpaalam ka na rin sa sekretarya mo na hindi ka makakapasok ng araw na ‘yun,” sambit ni Clarissa.

“Ikakansela ko na ang lahat ng meetings ko, mahal. Hindi p’wedeng hindi ako makasama sa araw na ‘yan! Matagal ko nang pinapanalangin na magkaroon ng lalaking anak. Pero bonus na lang ‘yun sa akin mahalaga ay ayos siya,” sambit pa ng mister.

Dumating na ang pinakahihintay na araw ng mag-anak. Maaga pa lamang ay nakagayak na itong si Fred dahil nasasabik na siyang makita at marinig ang pintig ng puso ng kanilang bagong baby.

“Walang kahit ano ang makakasira sa araw ko ngayon. Tiyak akong lalaki ang anak natin at malusog siya,” sambit ni Fred.

“Gusto kong makita tuloy ang mukha ni daddy kapag nalaman niyang babae si baby! Gusto ko po kasi, daddy, babae si baby!” saad naman ni Kylie.

“Tumigil na kayong dalawa at umalis na tayo. Baka mahuli pa tayo sa appointment natin! Saka na lang natin malalaman kapag nariyan na! Ipagpasalamat na lang natin kung ano man ang kasarian niya,” wika naman ni Clarissa.

Maingat na minaneho ni Fred ang sasakyan papuntang ospital. Panay ang hawak niya sa kamay ng misis waring kinakabahan rin.

Habang binabagtas ang daan patungo sa pupuntahan ay bigla na lamang ay sumalpok sa kanilang sasakyan. Matindi ang naging tama nito dahilan upang tumaob ang kanilang kotse.

Sa bilis ng pangyayari ay wala nang nagawa pa si Fred. Nakita na lang niya ang asawa sa kaniyang tabi na duguan at wala nang malay. Samantalang ang anak naman niyang si Kylie na nakaupo sa bandang likuran ay wala ring malay.

Sumigaw ni Fred para makahingi ng sakloko ngunit makalipas pa ng labing limang minuto bago sila matugunan. Pagdating sa ospital ay sinabi sa kaniya ang kalunos-lunos na balita.

“Hindi na umabot ng buhay ang asawa ninyo at ang bata sa kaniyang sinapupunan. Habang ang anak n’yo naman ay kritikal ang kondisyon,” saad ng doktor.

Tila binagsakan ng langit at lupa itong si Fred sa kaniyang laman.

“Hindi ito maaari! Hindi ito maaari!” sigaw niya.

Kahit sugatan ay pilit niyang hinanap ang taong nakab*ndol sa kanila. Nasa ospital rin ito at sugatan.

“Walang hiya ka! Kinuha mo ang buhay ng mag-ina ko! Kukunin ko rin ang buhay mo!” pagwawala ni Fred.

Inawat na lang sila ng mga nars at pulis na naroon.

“Patawarin mo ako! Hindi ko sinasadya. Nagmamadali rin ako. Hindi ko sinasadya ang lahat ng ito! Hindi ko gustong masawi ang mag-ina mo!” pagtangis ng lalaki.

“Kahit mabulok ka sa bilangguan ay kulang pa para pagbayaran mo ang ginawa mong ito! Maging ang buhay mo ay hindi pa sapat na kapalit para sa kinuha mo!” galit na galit si Fred.

“Patawad, ginoo, nasa ospital rin na ito ang asawa ko at nag-aagaw buhay. Nagmamadali ako upang puntahan siya para maabutan ko siyang may buhay pa. Pero wala na rin siya pagdating ko rito. Patawarin mo ako at nadamay pa ang mag-ina mo,” patuloy sa paghingi ng tawad ang ginoo.

“Sana ay p’wede kong ibigay ang buhay ko sa mag-ina mo upang mabuhay silang muli. Tutal wala naman nang halaga ang buhay ko ngayong wala na ang asawa ko,” dagdag pa nito.

Bahagyang natauhan si Fred at natigil sa pagwawala. Pinuntahan na lang niya ang kaniyang anak upang tingnan ang kalagayan nito. Walang kasing lungkot ang kaniyang nararamdaman ng araw na iyon. Nananalangin siyang sana’y panaginip lang ang lahat.

Ngunit totoo ang lahat ng nangyayari. Ibinurol na si Clarissa kasama ang anak sa sinapupunan niya. Si Kylie naman ay nagkaroon na ng malay at nailigtas na ang buhay. Hindi rin ito makapaniwala na wala na ang ina.

“Alam mo, ang sabi ng mga doktor ay lalaki ang kapatid mo,” saad ni Fred.

“Nananalangin po kami ni mommy na sana ay lalaki nga para maging masaya kayo, dad. Sayang at wala na sila ni mommy! Miss na miss ko na po si mommy, daddy!” pighati ng anak.

Sa pagdadalamhati ni Fred ay nais niyang gantihan ang lalaking nakab*ndol sa kanila. Ito ang dahilan kaya nasira ang masaya nilang pamilya, ngunit naalala niya ang sinabi ng kaniyang misis. Kaya mabigat man sa kaniyang loob ay ginawa niya ang isang mahirap na desisyon.

Pinatawad niya ang lalaki nang malaman niyang may anak pa pala itong naiwan. Hindi naman makapaniwala ang ginoo sa ginawa ni Fred.

“Marahil ay ito rin ang gagawin ng asawa ko. Sa buong pagsasama kasi namin ay marami akong kasalanan sa kaniya pero patuloy niya akong pinapatawad dahilan para magbago rin ako. Iyon ang gusto kong gawin mo. May anak ka pang umaasa sa iyo, pareho tayo. Nawalan na nga sila ng mga ina, kaya lalong hindi sila dapat mawalan ng mga ama. Ipagpatuloy mo ang buhay mo. Ayusin mo para sa anak mo,” sambit ni Fred.

Kahit paano ay naging magaan ang kalooban ni Fred nang palayain niya ang kaniyang galit. Nangungulila man siya sa kaniyang misis ay kailangan na niyang tanggapin na wala na ito. Sa kabila ng lahat ay hindi rin naman maibabalik ng kaniyang hinanakit ang buhay ng asawa’t anak kaya mas pinili na lang niyang magpatawad.

Advertisement