Nauwi sa Pagiging Magkasintahan ang Pagkakaibigan ng Magkababata; Ipapakita ng Tadhana ang Kanilang Kapalaran
Bata pa lang ay may lihim nang pagtingin si Francis kay Mariel. Matalik silang magkaibigan at magkalapit lang din ang kanilang mga bahay kaya lagi silang magkasama. Pareho sila ng pinasukang paaralan kaya buong araw silang magkasama.
Parang hindi na nga mapaghiwalay ang dalawa.
Pagdating nila ng hayskul ay marami nang nanliligaw kay Mariel. Marami rin namang nagkakagusto kay Francis pero ang mga mata at puso nila’y para lang sa isa’t isa.
“Sa tingin mo ba, kung magiging nobya kita ay magtatagal tayo?” biglang tanong ni Francis.
Nagulat si Mariel at bigla siyang namula.
“Bakit mo naman natanong ‘yan, Francis? Hindi ba’t kapatid ang turing mo sa akin? Huwag mong sabihing nahuhulog ka na! Hindi ko maisip na tayong dalawa ay magiging magnobyo,” tumatawang sambit naman ng dalaga.
“Bakit? Ayaw mo ba sa akin? May iba ka bang napupusuan? Sabihin mo na kaagad dahil seryoso ang tanong ko sa iyo. Ayokong maunahan ng iba. Noon pa man ay mahal na kita higit sa isang kapatid,” pag-amin ng binata.
“Pero mga bata pa tayo! Hindi pa tayo p’wedeng magkaroon ng kasintahan. Hindi pa p’wedeng pumasok sa isang relasyon. Bilin ‘yan ng mga magulang natin, ‘di ba?” tugon muli ni Mariel.
“Sagutin mo muna ang tanong ko, Mariel, mahal mo ba ako na higit sa isang kaibigan o kapatid? Gusto ko lang malaman,” tanong pa ni Francis habang nakatitig sa mga mga ng dalaga.
“Aaminin ko sa iyo, Francis, noon pa man ay mahal na kita… pero mga bata pa tayo. At saka natatakot akong biglang magbago ang relasyon natin kapag naging magkasintahan tayo. Natatakot ako na baka magbago ka na,” tugon nito.
“Hinding hindi ako magbabago, Mariel, lalo lang kitang mamahalin. Mula noon ay ikaw na ang laman nitong puso ko at wala nang iba. Ikaw lang ang babaeng minahal ko. Hindi naman kailangang malaman ng mga magulang natin, e. Ipakita natin sa kanila na mag best friend pa rin tayo. Pangako ko sa iyo, walang makakaalam,” giit ni Francis.
Hinawakan ni Mariel ang kamay ng matalik na kaibigan.
“Pangako ‘yan, a. Hinding hindi mo ako sasaktan? Hinding hindi mo ako iiwan? Walang magbabago?”
“Pangako ko ‘yan sa iyo! Mahal na mahal kita!” masayang tugon ng binata.
Simula noon ay naging lihim ng magkasintahan ang dalawa. Naitago nila ang kanilang relasyon hanggang makapagkolehiyo na sila. Nang makatapos sila ng pag-aaral ay saka nila inamin sa lahat ang kanilang relasyon. Hindi naman nagulat ang marami.
Sa pagdaan ng panahon ay unti-unti na ring nagbago si Francis. Naging mahigpit na ito kay Mariel. Ang nais nito’y sila lang lagi ang magkasama.
“Kapag kinasal naman tayo ay magsasama na tayo habambuhay. Hayaan mo naman akong magkaroon ng ibang kaibigan!” sambit ng dalaga.
“Bakit? Nagsasawa ka na sa akin? Wala akong tiwala sa mga ‘yun, Mariel!” tugon ni Francis.
“Kaya ba wala ka ring tiwala sa akin na hindi naman ako gagawa ng kahit anong ikasisira ng pagsasama natin? Buong buhay natin magkasama na tayo, Francis. Hayaan naman natin ang isa’t isa na magkaroon ng ibang kaibigan!”
“Ibig mong sabihin ay nagsasawa ka na nga? Malapit na ang kasal natin, Mariel! Ngayon mo pa talaga naisipan na maghanap ng ibang mga kaibigan? Ikaw ang bahala! Kung sawa ka na ay wala na akong magagawa. Huwag na rin nating ituloy pa ang kasal!” galit na sambit ni Francis.
“Sandali lang, hindi naman ‘yan ang ibig kong sabihin, Francis! Francis, bumalik ka nga rito at mag-usap tayo!” pigil ni Mariel ngunit tuluyan nang umalis ang nobyo.
Masakit para kay Francis na malaman na nagsasawa na sa kaniya si Mariel, ngunit hindi naman niya kayang magpakasal sa isang taong hindi na buo ang pagmamahal sa kaniya. Kahit na tinatawagan siya ni Mariel ay hindi niya sinasagot. Nagdesisyon na rin siyang itigil ang kasal.
“Francis, kausapin mo naman ako. Ang babaw naman ng dahilan mo kung iiwan mo ako! Hindi ba’t nangako ka sa akin? Hindi mo na ba ako mahal talaga?” umiiyak na wika ni Mariel habang nasa telepono.
Binabaan lang siya ni Francis.
Lugmok na lugmok ang dalaga ng mga panahon na ito. Maging si Francis din ay nasasaktan ngunit kailangan niyang ibigay ang kalayaang dapat para kay Mariel. Upang makapagmove on ay lumipad siya paibang bansa upang doon na magtrabaho.
Wala na rin siyang narinig pa mula kay Mariel simula nang araw na iyon.
Lumipas ang dalawang taon at minabuti ni Francis na magbakasyon sa Pilipinas. Sa airport ay hindi sinasadyang magkita ang dalawa.
Hindi makapagsalita si Francis dahil ang laki ng pinagbago ni Mariel. Nag-aayos na ito at mukha nang palaban. Hindi tulad ng dati.
“Hindi ko akalain na dito pa tayo magkikita, Francis. Kumusta ka na? Sambit ni Mariel na tila walang nangyaring alitan sa pagitan nila.
“M-mariel, kasi –”
“Huwag mo nang isipin ang nakaraan, Francis, kinalimutan ko na ‘yun. Pinatawad na kita. Mukhang tama ka nga, e. Kailangan natin ito para mahanap ang isa’t isa. Sayang at paalis na ako papuntang London. Doon na ako magtatrabaho. Gusto ko pa sanang makipagkwentuhan pero kailangan ko nang umalis,” nakangiting wika ni Mariel.
Sa mga sandaling iyon ay napagtanto ni Francis na hindi pa siya nakakapagmove on kay Mariel. Siya pa rin ang laman ng puso nito. Maraming bagay na nais niyang sabihin pero natitigilan siya. Nais niyang ikwento ang lahat ng nangyari sa kaniya sa Amerika at kung gaano niya ito namiss. Ngunit tanging ito lang ang lumabas sa kaniyang bibig.
“Mag-ingat ka. Usap na lang tayo kapag nakalapag na ang eroplano mo sa London,” wika ni Francis.
Pinanood lang ng binata ang pag-alis ng kaniyang minamahal. Nais niya itong pigilan ngunit natatakot siya na baka masaktan na naman niya ito.
“Francis, nais ko lang sabihin sa iyo na ikaw pa rin. Ikaw pa rin ang nandito sa puso ko. Hindi ka nito nakalimutan. Aasahan ko ang tawag mo, a!” sambit ni Mariel.
Nag-isip nang mabuti ang binata, ngunit dinadaig pa rin ng kaniyang takot ang pagmamahal niya sa dalaga.
“Paano kung hindi ko na siya makita? Paano kung makakilala siya ng iba sa London? Paano kung tuluyan na niya akong makalimutan? Binigyan na ako ng pagkakataon na muling ayusin ang relasyon namin. Hindi ko na ito pakakawalan pa!” sambit niya sa sarili.
Sandali niyang iniwan ang kaniyang mga bagahe upang habulin si Mariel. Ang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib dahil tila nakaalis na ito.
Ngunit bigla siyang napahinto nang makita sa kaniyang harapan ang dalaga.
“Sinabi ko kasi sa sarili ko na kung para sa akin talaga ang London ay wala nang bagay na makakapag-alala sa akin ng tungkol sa iyo. Pero narito ka. Ang tadhana na ang nagdidikta sa akin,” umiiyak na wika ni Mariel.
“Hindi ko na kayang palagpasin ang pagkakataong ito, Mariel, sa tagal ng panahon ay ikaw at ikaw pa rin ang laman nitong puso ko! Mahal na mahal pa rin kita!” sambit naman ni Francis.
Hinagkan ni Francis si Mariel at sa unang pagkakataon ay naglapat ang kanilang mga labi. Tila binura ng pagkakataong iyon ang lahat ng sakit at pait na kanilang naranasan. At sa wakas ay nahanap na rin nila ang tunay na kinalalagyan ng kanilang sarili — sa puso ng isa’t isa.
Hindi nagtagal ay natuloy na rin ang naudlot nilang pagpapakasal. Walang pagsidlan ang kanilang kaligayahan dahil sa huli ay sila rin palang dalawa ang magkakatuluyan. Nangako sila na kailanman ay hindi na maghihiwalay. Sa pagkakataong ito ay gagawin na nila ang lahat upang habang buhay silang magmahalan.