Inday TrendingInday Trending
Inaruga ng Namumuno sa Bahay-Ampunan ang Batang Lansangan; Ito ang Kaniyang Iginanti Makalipas ang Maraming Taon

Inaruga ng Namumuno sa Bahay-Ampunan ang Batang Lansangan; Ito ang Kaniyang Iginanti Makalipas ang Maraming Taon

Mugto ang mga mata at nagpupumiglas ang batang si Adan nang dalhin siya ng mga kinauukulan sa isang bahay-ampunan. Ilang taon na rin ang nakalipas nang iligtas siya ng mga social worker sa kalsada. Dahil wala nang mga magulang ay nagpasya silang dalhin ito sa bahay-ampunan upang hanapan ng pamilya.

“Bakit ba kasi hindi n’yo na lang po ako pabayaan sa kalsada at maging malaya?! Ayoko sa lugar na ito! Para kaming mga preso!” sigaw ni Adan na patuloy na nagpupumiglas.

Dumating ang namumuno sa bahay-ampunan na si Romeo at saka niya hinarap ang mga social workers.

“Naayos na namin ang ilang dokumentong kailangan, sir. Kayo na po ang bahala sa kaniya. May katigasan po ang ulo nito at pasaway kahit bata pa. Sana nga ay makakita siya ng pamilyang aaruga sa kaniya,” saad ng babae.

“Lahat ng bata ay inosente ang pag-iisip hanggang sa mabahiran ito ng malupit na mundo. Ang kailangan lang nila ay pang-unawa. Ako na ang bahala sa kaniya. P’wede n’yo na siyang iwan dito,” saad naman ni Romeo.

Nagpupumilit si Adan na lumabas ng pasilidad at nagwawala ito. Hinintay lang siya ni Romeo na kumalma bago siya kausapin.

“H’wag kang matakot at ako ang bahala sa iyo. Pinapangako ko sa iyong hindi kita pababayaan,” dagdag pa ng ginoo.

Napapansin ni Adan na sadyang malapit ang lalaking ito sa mga bata na naroon. Tatay nga ang tawag nila rito.

“P’wede mo rin akong tawaging tatay kung nais mo. P’wede ka bang magkwento sa akin ng tungkol sa buhay mo? Paano ka napunta sa kalsada sa murang edad?” usisa ni Romeo.

“Wala ka nang pakialam doon! Hindi mo rin naman makikita ang nanay at tatay ko kaya huwag mo nang tanungin. At hindi mo ako mauuto tulad ng ibang bata dito dahil iba akong mag-isip. Hindi kita tatawaging tatay dahil hindi naman talaga kita ama!” pabalang na sagot ng bata.

“Kahit anong gawin mo, Adan, ay hindi pa rin kita susukuan. Alam kong ipinapakita mo lang sa akin ‘yan para patunayan mong matapang ka. Pero alam mo, hindi naman nasusukat ang katapangan sa pagsagot-sagot sa matanda. Natatapangan na ako sa iyo dahil pilit mong inilalaban ang buhay mo kahit na wala na ang mga magulang mo sa iyong tabi. Nakikita ko ang pag-asa mong makakaalis kaagad dito,” wika pa ng ginoo.

Sa wakas ay sandaling naibsan ang masidhing damdamin ni Adan at kumalma na ito. Bumalik ito sa silid na kaniyang tinutulugan at humiga sa kaniyang kama.

“Lapitan mo lang ako kung may kailangan ka, anak, hindi ako mag-aatubiling tulungan ka,” wika pa ni Romeo.

Inis na inis si Adan sa kabutihang ipinapakita ng ginoo. Para sa kaniya’y nagkukunwari lang ito para makuha ang kaniyang loob. Ngunit hindi na niya makuhang magtiwala pa kahit kanino. Ito ang itinuro sa kaniya ng buhay niya sa lansangan.

Hindi maiwasan ni Adan na maiyak dahil sa sobrang pangungulila sa kaniyang mga magulang. Pakiramdam niya’y hindi na rin siya tuluyang magiging malaya dahil nasa bahay-ampunan na siya. Paano kaya kung walang gustong mag-ampon sa kaniya? Muli na naman ba siyang masasaktan?

Nang mga sumunod na araw ay hindi pa rin nakikihalubilo si Adan sa mga bata sa bahay-ampunan. Hindi siya gumagawa ng kaniyang mga gawain. Madalas siyang magpakita ng masamang ugali. At gabi-gabi rin niyang pinaplano ang pagtakas sa bahay-ampunan.

Hanggang sa tuluyan na siyang nahuli ni Romeo.

“Adan, bakit ka palaging tumatakas dito? Saan ka ba pupunta? Hindi ba’t wala ka nang magulang?” tanong ng ginoo.

“Kahit saan basta malayo rito. Ibalik n’yo na kasi ang kalayaan ko. Buhay ko naman ito, e! Hindi ko naman kayo kamag-anak, bakit kayo ang nagdedesisyon sa buhay ko?” umiiyak na sambit ng bata.

“Dahil ayaw kitang mapahamak. Hindi tirahan para sa tulad mo ang lansangan, Adan. Dito ay may maayos kang mahihigaan, may makakain ka sa tamang oras, may mag-aalaga at gagabay sa iyo. Higit sa lahat ay makakahanap pa tayo ng bago mong magiging pamilya,” paliwanag ni Romeo.

“Masama ang ugali ko, pasaway ako, kaya nga siguro ay iniwan ako ng mga magulang ko at hinayaan na lang ako. Kung mismong magulang ko ay kayang gawin ‘yun, paano ka nakakasiguro na may magmamahal at kakalinga pa sa akin na hindi ko naman kadugo?” patuloy sa pagtangis ang bata.

“Hindi ba’t sabi ko naman sa iyo ay hindi kita susukuan. Habang wala pang pamilyang nais na kumupkop sa iyo ay ako muna ang magiging tatay mo, ang tatay ninyong lahat,” sagot ni Romeo.

“B-bakit n’yo po ba ginagawa ang bagay na ito? Bakit kailangan n’yo pang mag-alala sa mga batang tulad namin? Hindi n’yo man lang tinanong kung gusto talaga namin dito. Nahihirapan na po ako!”

“Dahil alam ko ang buhay ng walang magulang at walang masasandalan. Panandaliang kalayaan lang ang mararamdaman mo sa labas. Pero maraming pagsubok kang haharapin. Hindi ligtas ang kalsada para sa isang batang tulad mo. Paano na lang kung malihis ka rin ng landas? Alam mo bang tulad mo rin ako noon. Nasa sinapupunan pa lang ako nang ibenta ako ng mga magulang ko. Nang hindi nila ako maipagbili ay basta na lang akong iniwan kung saan upang hayaang mawalan ng buhay. Mabuti na lang at may nakakita sa akin. Inilagay ako sa isang bahay-ampunan. Ang akala ng lahat ay mabilis lang na makakakita ng mag-asawang aaruga sa akin ngunit lumaki na ako’t wala nang may gustong mag-ampon sa akin. Kaya nagsumikap ako. Ginawa ko ang lahat para magtagumpay sa buhay hanggang sa maipatayo ko ang lugar na ito dahil alam ko kung ano ang nararamdaman ninyo dahil isa ako sa inyo,” pahayag pa ng ginoo.

Dito na ibinigay ni Adan ang kaniyang pagtitiwala kay Romeo dahil natitiyak niyang alam nito ang kaniyang nararamdaman.

Mula noon ay naging malapit na kay Romeo ang bata. Madalas na rin itong nakikihalubilo sa iba at gumagawa na rin ng mga nakaatang na responsibilidad. Malaki na talaga ang pinagbago ni Adan simula noong pumasok siya sa bahay-ampunan.

Isang araw ay may magandang balita ang ginoo kay Adan.

“May nais nang mag-ampon sa iyo, anak! Masaya ako’t magiging maganda na ang buhay mo. ‘yung mga tinuro ko sa iyo ay huwag mong kalilimutan, a? Nauunawaan ko kung hindi mo na lilingunin ang lugar na ito. Ang nais ko lang naman ay mapabuti ang buhay mo. Sapat na ‘yun para sa akin,” saad ni Romeo.

“‘Tay, kahit kailan po ay hindi ko kayo malilimutan. Kung ako lang po ang tatanungin ay ayaw ko nang umalis rito. Pero tama kayo na may magandang kinabukasan pang naghihintay para sa akin. Hindi ko po ito sasayangin,” naiiyak na wika ni Adan.

Mabigat man sa kalooban ni Adan ang umalis dahil mangungulila siya sa kaniyang Tatay Romeo ay baon niya pa rin ang pag-asang isang araw ay maibabalik niya ang kabutihan nito.

Lumipas ang panahon at tuluyan na ngang nawalan ng komunikasyon si Adan sa bahay-ampunan. Hiling ito ng mga magulang na umampon sa kaniya nang sa gayon ay sila naman ang magkalapit.

Tulad ng kaniyang pinapangarap ay nagkaroon ng magandang buhay si Adan. Pinalaki sa ibang bansa, doon na naninirahan, nakapag-aral, nakapagtrabaho, at nagkaroon ng pamilya.

Isang araw ay naisipan ni Adan na suriin ang kalagayan ng bahay-ampunan kung saan siya galing. Nabalitaan niyang ipapasara na raw ito at ang ibang bata ay dadalhin na sa iba’t ibang bahay-ampunan.

Agad siyang gumawa ng paraan upang hindi na tuluyang ipasara ang pasilidad.

Tinawagan niya ang ilang mga kakilala na noon ay nasa bahay-ampunan din at may maayos nang mga buhay.

Samantala, si Romeo naman ay halos nawawalan na rin ng pag-asa na maisasalba pa ang bahay-ampunan. Tinitingnan niya ang mga bata at lubos siyang naaawa sa mga ito. Ngunit wala na siyang magagawa. Hindi na maganda ang lagay ng kaniyang negosyo na bumubuhay sa pasilidad na ito. Dumarami na rin ang mga bata kaya dumarami na rin ang mga kailangan ngunit kaunti lang ang mga donasyon.

Unti-unti nang tinanggap ni Romeo ang pangit na mangyayari. Hanggang sa makatanggap siya ng isang sobre.

“Galing sa mga anak ko? Malamang ko ay isang greeting card para sa nakalipas kong kaarawan,” sambit ni Romeo sa sarili.

Laking gulat niya nang buksan niya ang sobre at makita ang isang tseke.

“Dalawampung milyong piso?” S-sino naman ang nagpadala nito?” natatarantang sambit pa niya.

Agad siyang lumabas ng kaniyang tanggapan upang hagilapin ang isang tauhan. Ngunit laking gulat muli niya nang makita ang mga tao na nasa bakuran ng bahay-ampunan.

“Sigurado akong natanggap mo na ang regalo namin, Tatay Romeo,” saad ni Adan sa matanda.

“Nag-ambagan kami, ‘tay, para hindi mo na isara ang bahay-ampunan na ito. Kulang pa ‘yan dahil kumakalap pa kami ng pondo. Huwag ka nang mag-alala at may tirahan pa rin ang mga anak mo,” dagdag pa nito.

“Adan, ikaw na nga ‘yan! Masaya ako at narito kayong lahat. Hindi ko inaasahan ang pangyayaring ito. Maraming salamat sa inyo!” umiiyak na sambit ni Romeo.

“Hindi ba’t hindi mo kami pinabayaan noon, ‘tay? Kaya ngayon ay kami naman ang hindi magpapabaya sa iyo. Madalang sa mundong ito ang tulad mo, ‘tay. Ibinabalik lang namin sa iyo ang pagmamahal at pagkalinga mo sa amin. Salamat sa pag-asang hatid mo, ‘tay. Dahil sa iyo’y nagkasaysay ang buhay ng bawat isa sa amin,” saad pa ni Adan.

Hindi na mapigilan pa ni Romeo ang maluha dahil sa sobrang kaligayahan. Sa wakas ay hindi na maipapasara ang bahay-ampunan at mananatili ang mga kabataang doon. Labis-labis ang pasasalamat niya sa lahat nang nagtulong-tulong upang maisalba ang pasilidad.

“Habang buhay naming tatanawing utang na loob sa inyo ang magandang buhay namin, ‘tay. Salamat at hindi mo kami sinusukuan hanggang ngayon. Wala man kaming mga magulang ay ikaw naman ang binigay ng Panginoon upang sumagip sa amin. Salamat, ‘tay. Walang hanggang salamat po!” wika ni Adan.

Advertisement