Inday TrendingInday Trending
Labag sa Kalooban ng Binata ang Gusto ng Amang Doktor Para sa Kaniyang Karera; Pinili Niyang Gawin ang Bagay na Ito

Labag sa Kalooban ng Binata ang Gusto ng Amang Doktor Para sa Kaniyang Karera; Pinili Niyang Gawin ang Bagay na Ito

“Patrick, pinatawag na naman ako ng professor mo. Hindi ka na naman daw dumalo ng klase mo! Ano ba talagang nangyayari sa iyong bata ka? Hinihiya mo ang pangalan ko!” bulyaw ng doktor na si Henry sa kaniyang anak.

“Pasensya na po, dad. May ginawa lang po kasi ako kagabi kaya tinanghali ako ng gising. Papasok naman po sana ako talaga kaso naipit na ako sa bigat ng trapiko,” tugon naman ng binata.

“Iyan ang hirap sa iyo, e! Wala kang kapanga-pangarap! Hindi mo ba alam kung gaano ko pinagana ang mga koneksyon ko para lang maipasok kita sa Med School? Dahil kung ‘yung grades mo lang ang ilalaban natin ay hindi kakayanin! Ayusin mo naman, Patrick! Parang hindi ka anak ng isang doktor!” sambit pa ng ginoo.

Bago lumabas ng silid ang ama ay nakita niya ang canvas na pinintahan ng binata. Basa pa ang pintura nito.

“Kung magsisinungaling ka ay galing-galingan mo naman! Wala kang mapapala sa pagguhit mo na ‘yan!” wika muli ni Henry sabay labas ng silid.

Napayuko si Patrick dahil alam niyang nabigo na naman niya ang ama.

Magaling na doktor si Henry. Kilala siya sa kaniyang larangan. Kaya naman lahat ng tao ay inaasahang magkakaroon rin siya ng magaling na doktor na anak. Ngunit ang nag-iisang anak na si Patrick ay walang hilig sa medisina. Ang nais niya ay magpinta. Napipilitan na lamang siyang kumuha ng kursong medisina dahil pinilit siya ng kaniyang ama.

Ngunit hindi napigilan nito ang pagnanais ng binata na ipagpatuloy ang kaniyang hilig na pinagmulan ng alitan nilang dalawa.

“‘Ma, kailan kaya matatanggap ni papa na hindi ko gustong mag medisina? Ginagawa ko lang naman ito upang hindi siya mapahiya sa maraming tao, pero hindi ko kaya talaga, ‘ma,” wika ni Patrick sa ina.

“Unawain mo na lang din ang papa mo dahil gustong-gusto niyang magkaroon ng anak na doktor. Sino ba ang magmamana ng lahat ng kaniyang pinaghirapan kung hindi ikaw?” wika naman ng ina.

“Isa pa ‘yun, ‘ma, hanggang kailan ba ako mabubuhay sa anino ni papa? Gusto kong gumawa ng sarili kong pangalan,” giit ng anak.

“Pagbigyan mo na muna ang papa mo at saka mo gawin ang gusto mo kapag nakatapos ka na at naging isang ganap na doktor. Wala na siyang masasabi doon, anak,” saad muli ng ina.

Palagay ni Patrick ay hindi talaga siya papanigan ng kaniyang ina. Wala man lang sa pamilya ang nakakaintindi sa kaniya. Madalas pa nga siyang kantiyawan dahil sa hilig niya sa pagpipinta.

Kinabukasan ay kinompronta na naman ni Henry ang anak.

“Hindi ka na naman pumasok, Patrick? Ano ba talaga ang gusto mo sa buhay mo? Ipapahiya mo ba talaga ako?” sambit ng ama.

“‘Pa, lahat naman ng gawin ko para sa inyo ay walang kwenta! P’wede ba kahit isang sandali lang pakinggan n’yo muna ako at unawain? Hindi ko gusto ang maging isang doktor, ‘pa. At kahit kailan ay hindi ko mapapantayan ang galing ninyo. Pagod na pagod na akong mabuhay sa anino n’yo,” sambit ng binata.

“At ano ang gusto mong gawin? Ang gumuhit at magpinta? Akala mo ba ay may patutunguhan ang buhay mo d’yan? Marami pa riyang mas magagaling pa sa iyo! Paano ka nakakasiguro na uunlad ka sa larangang iyan?”

“Dahil ito ang gusto kong gawin, ‘pa. Bata pa lang ako ito na ang hilig ko, pero hindi mo ‘yun nakikita! ‘Pa, ayokong maging isang doktor. Hindi ko kaya!” naiiyak nang wika ni Patrick.

“Kung hindi ka rin lang susunod sa akin ay mas mabuti pang tumayo ka na rin sa sarili mong mga paa. Kung gusto mong ituloy ang pagguhit mo ay bahala ka, pero wala ka nang makukuhang sustento mula sa akin. Paghirapan mo na ang lahat!” sambit muli ng ama.

“Isang araw, ‘pa, ipagmamalaki mo rin ako,” sambit ng anak.

Tinanggap ni Patrick ang hamon sa kaniya ng ama. Gumuhit siya at saka niya ito binebenta, at tulad ng sinabi ng ama niya’y hindi madali ang naging proseso nito. Madalas siyang tanggihan kahit ng mga kakilala o minsan naman ay binabarat ang kaniyang mga likha. Kaya nag-isip muli ang binata kung paano siya makakapag-ipon ng pera upang tuluyang makapagsimula ng kaniyang exhibit.

“Anong gagawin mo sa Amerika, anak? Dito ka na lang. Kakausapin ko ang papa mo! Humingi ka na lang sa kaniya ng tawad at makipag-ayos para bumalik na ang lahat sa dati,” saad ng ina.

“Kaya ko po ito, ‘ma. Gusto kong patunayan, hindi lang kay papa, kung hindi sa sarili ko na kaya kong abutin ang mga pangarap ko. Nakapagdesisyon na po ako. Magtatrabaho na muna po ako sa Amerika,” sambit naman ng binata.

Tuluyan na ngang lumipad si Patrick patungong Amerika upang magtrabaho bilang isang waiter sa isang kilalang cafe. Hindi naging madali ang buhay niya roon ngunit hindi siya sumuko. Desidido siyang patunayan sa lahat na kaya niyang magtagumpay.

Sa kaniyang pagtatrabaho ay nakilala niya ang isang matandang suki na ng cafe. Madalas daw itong naroon tuwing umaga pero si Patrick lang ang nagtangkang kumausap dito. Mula noon ay naging kaibigan na niya ito.

Maayos naman ang naging simula ng pagtatrabaho niya sa naturang cafe. Nakakabayad naman siya ng inuupahan niyang apartment at nakakapamuhay nang maayos. Kahit paano ay nakakaipon na rin. Buong akala niya ay magiging maayos na ang lahat.

Hanggang sa dumating ang isang malaking unos sa kaniyang buhay. Nagsara ang naturang cafe at nawalan siya ng trabaho. Kailangan niyang maghanap ng bagong trabaho bago pa mapaso ang kaniyang bisa.

Ilang linggo na at hindi pa rin siya nagkakaroon ng panibagong trabaho. Ayaw rin naman niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang dahil susumbatan lang siya ng mga ito.

Upang panandaliang mawala ang kaniyang pangamba at mga agam-agam sa buhay ay nagpunta siya ng parke upang gumuhit. Sa labis na pagkaabala niya ay nakalimutan na niya ang kaniyang hilig. Habang gumuguhit siya ng mga sandaling iyon ay tila tumigil ang oras at nawala siya sa tunay na mundo.

Isang boses ang bigla niyang narinig.

“Your drawing is spectacular. You never said you can draw that well!”

Pagtingin ni Patrick sa kaniyang tabi ay naroon ang matandang kaibigan mula sa cafe.

“What are you doing here?” tanong ng binata.

“I just found out that the cafe has been shut down. Nobody saw that coming. How about you? What are your plans now?”

“I don’t know. I am thinking of going back to the Philippines. Maybe say sorry to my dad and tell him that he’s right after all. My dream sucks. My drawing sucks and it won’t bring me anywhere,” masama ang loob ng binata.

“You know what, I know someone who would appreciate your creativity. Here’s his calling card. Maybe give him a call or visit. Show him your works. Trying won’t hurt you,” wika muli ng matanda.

Pinag-isipang mabuti ni Patrick ang sinabi ng kaibigan. Bago siya umuwi ng Pilipinas ay nais niyang subukan ang kaniyang swerte. Wala naman ngang mawawala kung susubukan niya.

Pagtingin ni Patrick sa calling card ay nanlaki ang mata niya nang makita ang pinakasikat na animation company sa buong mundo na nakabase sa Amerika. Nangangatog ang kaniyang mga kamay ngunit masayang-masaya siya dahil magandang pagkakataon ito.

Hindi na nakatulog si Patrick sa sobrang pagkasabik. Inihanda na niya ang lahat ng kailangan. Patuloy man ang kabog sa kaniyang dibdib ay desidido siyang makakuha ng posisyon doon.

Ilang minuto ring naghintay sa labas ng tanggapan ng chairman ng kompanya ang binata bago siya tawagin.

Pagpasok niya ng silid ay nagulat siya nang makita ang matandang lalaki.

“Actually, you don’t need to show me your works. I already assigned you to a special division of this company,” wika ng matanda.

Walang paglagyan ng kasiyahan si Patrick. Hindi siya makapaniwala na magtatrabaho siya bilang isang Hear Artist ng isang sikat na animation company sa buong mundo.

Hindi niya sinayang ang bawat sandali ng magandang oportunidad na ito. Pinatunayan niya sa lahat na may ibubuga talaga siya pagdating sa pagguhit. Makalipas ang isang taon lang na pagtatrabaho sa kompanya ay umani na siya ng parangal at nakilala sa kaniyang larangan. Gumawa na siya agad ng ingay sa mundo ng animation.

Umuwi si Patrick upang dalawin ang kaniyang pamilya. Hindi pa rin sila nag-uusap ng kaniyang ama kaya malakas ang paniniwala niyang hindi pa rin siya papansinin nito, ngunit nang makita siya ng ama ay agad siya nitong niyakap.

“Patawarin mo ako, anak, at hindi ako naniwala sa iyong kakayahan. Malaki ang naging pagkukulang ko sa iyo. Sa pagnanais kong magkaroon ng magmamana ng aking propesyon ay hindi ko na naitanong sa iyo kung ano ba talaga ang gusto mo. Pasensya ka na, anak. Gusto ko lang malaman mo na ipinagmamalaki ka namin ng mama mo,” wika pa ni Henry.

Sa wakas ay natupad na rin ang pangarap ni Patrick at natanggap na ito ng kaniyang mga magulang. Hindi man siya naging doktor ay hindi naman niya binigo ang mga magulang na maipagmamalaki siya ng mga ito balang araw.

Advertisement