Sinigaw-Sigawan ng Babae ang Matandang Tumawag sa Kanilang Opisina; Nadurog ang Puso Niya nang Malaman ang Sitwasyon Nito
Ngayong hindi na mabilang sa kamay ang mga insidente ng sunog sa kanilang probinsya, hindi na matahimik ang teleponong hawak ng dalagang si Olivia sa kaniyang opisina.
Siya kasi ang nakatokang sumagot ng lahat ng tawag sa kanilang city hall dahilan para siya ang makausap ng mga taong panay ang reklamo sa mga insidenteng hindi naman niya kontrolado.
Pilit man niyang kinakalma ang sarili upang mahinahon niyang mapaliwanagan ang mga galit na residente sa kanilang lungsod, may mga tao pa rin talagang namemersonal dahilan para hindi na niya mapigilan ang kaniyang sarili.
“Anong balak niyo sa aming mga nasunugan, ha? Hindi niyo ba alam na libo-libong pamilya ang naperwisyo niyo? Susunugin niyo nang sadya ang mga kabahayan para tayuan ng bagong proyektong kayo lang naman ang makikinabang? Madala niyo sana sa hukay ang mga perang ninanakaw niyo sa kaban ng bayan!” bintang ng isang matandang tumawag na talagang agad na nagbigay sa kaniya ng galit.
“Nanay, hindi po namin kontrolado ang mga nangyayaring sunog, lalong hindi po namin iyon pinasadya. Sadyang napakainit lang po talaga ng panahon ngayon na nakaaapekto sa mga maninipis na wire na gamit sa mga bahay na nauuwi sa sunog. Ayaw po naming…” paliwanag niya habang pilit niyang kinakalma ang sarili ngunit siya’y agad nitong pinutol.
“Sinungaling! Gusto mo lang pagtakpan ang kad*monyohan ng gobyerno! Magkano ang pinapasahod nila sa’yong dem*nyita ka, ha? Gusto mo bang ipakulong kita? May kaibigan akong mataas ang posisyon sa pulisya!” sigaw pa nito dahilan para hindi na niya makontrol pa ang kaniyang sarili.
“Edi ipakulong niyo! Sumosobra na po kayo! Ilang beses ko bang sasabihing hindi nga namin kontrol ang sunog! Niyayabangan mo pa akong may kakilala ka? Hoy, tanda, hindi ako natatakot sa’yo!” sigaw niya sa matanda saka niya agad na binaba ang telepono dahilan para lahat ng kapwa niya empleyado roon ay mapatingin sa kaniya.
Bago niya pa mapakalma ang sarili, may isang ginoo ang lumapit sa kaniya saka siya inabutan ng isang basong tubig.
“Olivia, mali ‘yang ginawa mo,” agad na saway ng isa sa mga matataas na tao sa kanilang city hall.
“Anong gagawin ko, sir? Pinagbibintangan niya tayong lahat dito. Sabi niya, pinasadya raw natin at tinawag niya pa akong dem*nyita! Kung tutuusin, hindi ko naman talaga dapat sagutin ang mga tawag nila, eh, dahil hindi naman natin ‘yon kasalanan! Tapos babastusin nila ako na para bang sila ang nagpapasahod sa akin?” sagot niya rito saka padabog na ininom ang tubig.
“Sila talaga ang nagpapasahod sa atin, Olivia. Nagbabayad sila ng buwis para may maipasweldo sa atin ang gobyerno. Wala man silang karapatang sigaw-sigawan ka dahil ikaw ay tao rin katulad nila, responsibilidad naman nating pagsilbihan sila. Kung hindi mo kayang makitungo sa kanila, karapat-dapat ka bang tawaging empleyado ng gobyerno?” paliwanag nito na talagang nagpatahimik at kalma sa kaniya.
Wala siyang ibang masagot sa tanong nito kung hindi malalim na paghinga dahil napagtanto niyang mali nga ang kaniyang inasal.
“Pasensya na po, sir, hindi ko po napigilan ang sarili ko,” nguso niya habang nakayuko.
“Hindi ka sa akin dapat humingi ng pasensya, kung hindi sa matandang iyon. Subukan mo siyang puntahan kung saan evacuation site siya naroon. Nakuha mo naman ang pangalan niya at ibang contact details, hindi ba?” payo nito na agad niyang sinunod kahit pa siya’y may pag-aalinlangan.
Bago siya magpunta sa evacuation site, bumili muna siya ng ilang grocery items at pagkain na maibibigay bilang tulong sa matanda. Pagkarating niya roon, agad na nadurog ang puso niya nang makita ang kaawa-awang sitwasyon ng mga mamamayang naroon.
Lalo pang nadurog ang puso niya nang makitang may apo palang may sakit ang matandang nagreklamo sa kaniya at ito na lamang ang tanging nag-aalaga rito.
“Ngayon, alam ko na kung saan nanggagaling ang galit ni nanay,” sabi niya sa sarili saka niya ito nilapitan. Agad din siyang humingi ng tawa dito at laking tuwa niya nang siya’y pagtimplahan pa nito ng kape na mula rin sa ibang tumulong dito.
Sa pagkakataong iyon, siya’y nahamon na tumulong sa mga naapektuhan ng sunog at maging isang mabuting empleyado ng gobyerno.
Naghingi siya ng tulong mula sa kaniyang mga katrabaho, kakilala, at kaibigan upang maipagamot ni nanay ang apo nito na labis na ikinatuwa nito.
Hindi man niya agad matuldukan ang problema ng matanda, masaya siyang makita itong ngumiti dahil sa mga tulong na nagagawa niya.
Simula noon, hindi na siya muling nagtaas pa ng boses o nagalit sa mga taong tumatawag sa kaniya. Bagkus, natutuhan niyang ilagay ang sariling paa sa sitwasyon ng bawat isa dahilan upang masolusyunan niya nang maayos ang problemang dinudulog sa kaniya.