Minaliit ng Dalaga ang Pinsang Losyang Dahil sa Tatlo Nitong mga Anak; May Mas Ibubuga Pa Pala Ito Kaysa sa Kaniya
Laging pinagmamalaki ng dalagang si Romane ang buhay na mayroon siya ngayon. Wala kasing mapagsidlan ang kasiyahan niya dahil lahat ng pagsasakripisyong ginawa niya simula pa lamang noong siya’y nasa kolehiyo ay nagbubunga na ngayon. Sa edad na bente singko anyos, mayroon na siyang isang malaking kumpanya ng damit, isang magandang bahay, tatlong sasakyan at kung ano pang mga mamahaling gamit. Idagdag pa rito ang halos buwan-buwan niyang paglipad kung saan-saang bansa para lamang maggala na talagang nag-uudyok sa kaniya na humanga sa sariling tagumpay.
Lalo pa niyang nararamdaman ang swerte niya sa buhay tuwing naaalala niya ang pinsan niyang si Sherilyn na halos isang dekada na niyang hindi nakikita simula nang magdalang tao ito noong sila’y kinse anyos pa lamang.
Sigurado kasi siya na bukod sa nadagdagan na ang anak nito dahil nga nakatira ito sa bahay ng nakabuntis dito, tiyak na naghihirap at nagsisisi ito sa buhay na tinahak nito.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, habang naghahanap siya ng mapagpa-parking-an ng kaniyang sasakyan sa isang bagong bukas na mall, nagulat siya nang makitang naghihintay sa tapat ng mall ang pinsan niyang ito kasama ang tatlo nitong mga anak.
Imbes na maawa siya sa itsura nitong tila hindi na nakapagsusuklay ng buhok, pinagtawanan niya pa ito at siya’y dali-daling nag-park ng sasakyan para lamang maipamukha rito ang ganda ng buhay na mayroon siya ngayon.
“Ikaw na ba talaga ‘yan, Sherilyn? Diyos ko! Anong nangyari sa’yo? Bakit naman gan’yan ang itsura mo? Para ka nang kwarenta anyos!” pangmamaliit niya rito habang pinagmamasdan niya ang buong katawan nito.
“Naku, narito pala ang mayaman kong pinsan! Natural lang na ganito ang itsura ko, lalo na’t ina ako ng tatlong makukulit na chikiting!” bati nito saka pinagmano sa kaniya ang mga bata na agad niyang tinanggihan.
“Bakit ba kasi nag-anak ka agad? Hindi mo ako ginaya! Edi sana ngayon, magkasama tayong naggagala sa iba’t ibang bansa at may magandang buhay!” sambit niya pa rito na ikinangiti lang nito.
“Maganda naman ang buhay namin, Romane,” tipid nitong sagot.
“Anong maganda riyan? Huwag mo nga akong lokohin! Kahit yata ‘yong katulong ko sa bahay, hindi gugustuhin na magkaroon ng tatlong anak at maging losyang ang itsura sa ganitong klaseng lugar!” dismayado niya pang sabi saka niya agad na kinuha ang kaniyang pitaka upang bigyan sana ito ng pera.
Kaya lang, bago pa niya mailabas ang pera sa kaniyang pitaka, may isang mamahaling sasakyan ang tumigil sa kanilang harapan. Nagsigawan pa ang mga anak ng kaniyang pinsan sa tuwa habang sinasabing, “Daddy! Daddy! Please open the door!” na talagang pinagtaka niya.
“Sa-sa inyo itong sasakyan?” uutal-utal niyang tanong.
“Oo, Romane, pati itong bagong bukas na mall,” sabi ng pinsan niya.
“Pa-paano nangyari ‘to? Hindi ba’t mahirap lang ang nakabuntis sa’yo?” tanong niya pa.
“Mahirap nga siya noon, pero dahil sa sipag at tiyaga niya, idagdag pa ang pagiging mapagbigay at pagkamakumbaba niya, pinagpala siya ng Diyos. Hindi man kami parehong nakapagtapos ng pag-aaral, nahanapan pa rin namin ng paraan ang buhay namin para maging maganda,” kwento nito na ikinatawa niya.
“Huwag ka ngang magsinungaling d’yan! Inarkila niyo lang ito, eh!” wika niya habang tatawa-tawa pa.
“Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan, Romane,” sabi pa nito saka na ito sumakay sa naturang sasakyan.
At dahil hindi siya makapaniwala, agad niyang hinanap sa internet kung sino ang may-ari ng bagong bukas na mall na ito. Halos mapaluhod siya nang malamang totoo nga ang sinasabi ng kaniyang pinsan at mayroon na itong sampung mall sa iba’t ibang parte ng mundo.
“Kung tutuusin pala, isa lang akong mahirap na tao kung ikukumpara sa yaman nila. Diyos ko! Ano ba itong ginawa ko? Bakit ko siya minaliit nang ganoon?” inis niyang sabi sa sarili.
“Iyan po ang numero unong problema ng mga taong mahihirap na biglang yumaman. Nagiging mahangin at mapagmaliit sila pero kapag ang isang mahirap na mag delikadesa ang yumaman, mas lalo silang nagiging mabait. Subukan niyo po kayang bumili ng delikadesa sa ibang bansa? Hindi ba’t naggagala po kayo roon buwan-buwan?” sabat ng sekyung babae na nakarinig kung paano niya maliitin ang kaniyang pinsan dahilan para siya’y agad na mapahiya at dali-daling umalis sa lugar na iyon.
Hindi man siya nagkaroon ng pagkakataon na humingi ng paumanhin sa pinsan niyang iyon dahil nabalitaan niyang sa States na ito naninirahan, nagpasiya na lamang siyang baguhin ang kaniyang ugali kahit paunti-unti.
Inalis niya ang yabang na mayroon siya at pinag-aralan niya kung paano magkumbaba sa kabila ng mga tagumpay naaabot niya sa buhay katulad na lamang ng ginagawa ng kaniyang pinsan. Hindi naman niya ito pinagsisihan dahil sa ganoong paraan, lalo siyang nabiyayaan at nagawa niya pang makatulong sa mga taong nangangailangan sa simbahan, bahay-ampunan at kulungan.
Para sa kaniya, ito ang tagumpay na dapat niyang ipagmalaki.