Masama ang Trato ng Babaeng Ito sa Anak ng Kanilang Kasambahay; Ang Anak din pala Niya ang Magbibigay sa Kaniya ng Leksyon
“Ma’am, papasok na po ako…mamaya ko na lang po gagawin ’yong natitira kong trabaho pagkauwi ko galing eskuwela,” paalam ng binatilyong si Junie sa amo ng kaniyang ina nang umagang ’yon. Nakagayak na siya ng kaniyang uniporme at sukbit na rin niya ang bag niya.
Dahil doon ay bigla namang sumimangot ang hitsura ni Mrs. Alegria. “Sino’ng nagsabi sa ’yo na papasok ka sa eskuwela? Aba, pumayag na nga akong dito ka patirahin kasama ang nanay mo, tila yata umaabuso ka pa? Tigilan mo ’yang aral-aral na ’yan at magtrabaho ka rito sa bahay ko!” hiyaw pa ng nasabing amo na agad namang ikinasinghap ni Junie.
“Pero ma’am—”
“Tumigil ka!” putol pa ni Mrs. Alegria sa sana’y pangangatuwiran ni Junie, kaya naman wala nang nagawa pa ang binatilyo kundi ang mapayuko at sumunod na lamang sa sinabi ng amo.
“O, Junie, bakit hindi ka pa nakabihis? Hindi ba’t maaga pa ang klase ninyo?” takang tanong ni Ma’am Jen, ang panganay namang anak ni Mrs. Alegria na isang gurong nagtuturo sa eskuwelahang papasukan sana ni Junie.
Hindi naman agad nakasagot ang bata, dahil alam niyang pag-aawayan na naman ng mag-ina kapag nagsumbong siya kay Ma’am Jen. Kahit pa kasi naturingang mag-ina ang mga ito ay magkaibang-magkaiba ang kanilang pag-uugali. Kung ano’ng ikinasama ng ugali ni Mrs. Alegria ay siya namang ikinabait ni Ma’am Jen!
“Naku, Jen, sinabi kasi ng mama mo na kalabisan na raw kung papasok pa sa eskuwela ’yang si Junie. Ang dapat daw mangyari d’yan sa bata ay magtrabaho na lang dito sa bahay n’yo,” pabulong namang sumbong ng hardinero ng mga ito na nakarinig sa sinabi kanina ng kanilang amo.
Agad na nagtagis ang bagang ni Ma’am Jen at hinanap ang kaniyang ina. Sawang-sawa na siya sa hindi magandang pagtrato nito sa kanilang mga kasambahay, lalong-lalo na sa batang si Junie!
“Mama!”
Napaigtad si Mrs. Alegria sa malakas na sigaw na ’yon ng anak niyang si Jen. Agad siyang nagtaka nang makitang kunot na kunot ang noo nito at bakas ang galit sa mukha habang papalapit sa kaniya.
“Ano ba’ng isinisigaw mo r’yan, anak?”
“Mama, bakit ho ganoon na lang kung tratuhin n’yo ang mga kasambahay natin, lalong-lalo na si Junie? Hindi na ho kayo naawa sa kaniya? Parang hindi tayo nanggaling sa hirap, a!” inis na tanong sa kaniya ng anak na agad namang nakapagpapipi kay Mrs. Alegria. “Baka nakakalimutan n’yo ho na minsan sa buhay natin ay napatapak din tayo sa kanilang sapatos? Galing din tayo noon sa sitwasyon nila ngayon, mama, kaya’t bakit wala kayong puso para sa kanila?”
Napayuko naman si Mrs. Alegria sa mga tanong na ’yon ng anak. Ang totoo ay matagal na niyang kinalimutan ang naging buhay nila noong hindi pa sinusuwerte sa negosyo ang kaniyang anak na si Jen. Iyon din ang dahilan kung bakit ngayon ay nagtatrabaho na ito bilang guro na matagal na nitong pangarap noon pa.
“Alam n’yo, mama, hindi ko na ho kayo kilala, e. Hindi naman kayo dating ganiyan. Simula noong nakaranas kayo ng magandang buhay ay para bang nakalimutan n’yo na ring magpakatao. Ginagawa n’yo na rin ’yong ginagawa sa atin noon ng mga taong nang-alipusta sa atin!” giit pa ni Jen.
Tila nanumbalik naman sa isip ni Mrs. Alegria ang nakaraan kung saan siya pa ang nasa posisyon ng ina ni Junie ngayon. Tulad ng ginagawa niya sa mga ito ngayon ay nakaranas din kasi siya ng pananakit at pangmamaliit sa dating mga amo.
Tila biglang natauhan si Mrs. Alegria sa sinabi ng kaniyang anak, dahil unti-unti ay may namuong luha sa kaniyang mga mata. Ngayon niya lamang napagtantong tila kinain na siya ng yaman at kapangyarihang naranasan niya buhat nang umasenso sila.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang ’yon ng kaniyang anak ay agad niyang ipinatawag para sa isang pagtitipon ang kaniyang mga kasambahay. Sa unang pagkakataon ay taos-puso siyang humingi ng tawad sa mga ito para sa mga nagawa at naipakita niyang hindi magandang pag-uugali sa kanila. Mabuti na lang at dahil sa nakikita nilang sinseridad sa kaniya ay pinatawad siya ng kaniyang mga kasambahay.
Simula noon ay nagbago na ang lahat ng kalakaran sa bahay. Halos iisang pamilya na kung sila ay magturingan at pinayagan na ring mag-aral ni Mrs. Alegria si Junie. Salamat sa kaniyang anak na hindi nabulag sa perang nakamtan nila at hindi nakalimot sa kanilang dating pinanggalingan.