Inday TrendingInday Trending
Naging Dahilan Siya ng Pagkawala ng Dalawang Tao dahil sa Isang Aksidente at Hindi Niya Iyon Makalimutan; Kikilabutan Siya sa Mangyayari sa Kaniya

Naging Dahilan Siya ng Pagkawala ng Dalawang Tao dahil sa Isang Aksidente at Hindi Niya Iyon Makalimutan; Kikilabutan Siya sa Mangyayari sa Kaniya

Nagkalat na naman ang mga bote ng alak sa apartment ni Louie. Nagpakalasing na naman siyang mag-isa kagabi at ngayon ay hindi na siya makabangon pa dahil sa sobrang sakit ng ulo niya. Muli na naman kasi siyang dinalaw ng nakaraan sa kaniyang panaginip, kaya hindi na naman siya makatulog kagabi, at tulad nga ng mga solusyong ginagawa niya noon ay ipinaubaya na naman niya sa alak ang lahat.

Tuwing maaalala na lamang ni Louie ang kinasangkutan niyang aksidente sa nakaraan ay hindi pa rin niya maiaalis ang takot sa kaniyang dibdib. Pakiramdam niya ay inuusig siyang maigi ng kaniyang konsensiya kaya naman upang makalimot ay palagi niya na lamang nilulunod sa kalasingan ang sarili. Iyon na lamang ang tanging dahilan kaya’t nananatiling buhay si Louie.

Limang taon na ang nakalilipas buhat nang masangkot siya sa isang aksidenteng naging dahilan ng pagkawala ng buhay ng dalawang taong sakay ng kotseng nakabanggaan niya noon. Galing kasi siya noon sa ospital at puyat na puyat siya sa pagbabantay sa kaniyang inang may sakit nang mga sandaling ’yon. Pauwi na sana siya sa kanilang bahay upang umidlip at magpalit lamang ng damit nang hindi sinasadyang nakatulog siya habang nagmamaneho! Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya napansing may kasalubong pala siyang sasakyan kung saan lulan ang mag-asawang naging biktima niya sa nangyaring ’yon.

Labis na nagsisisi si Louie sa nangyari at buhat noon ay hindi na siya nagawang patahimikin pa ng sariling konsensiya lalo na nang magsimulang magsunod-sunod din ang malas na dumating sa kaniya. Hindi naman kasi siya nakulong sa nangyari, at nagbayad na lamang ng danyos sa mga naulila ng mag-asawa. Ngunit tila mga mahal niya naman sa buhay ang siningil ng karma.

Pumanaw ang kaniyang ina. Nagkaroon din ng malubhang sakit ang kaniyang kapatid, kaya naman isang taon lamang ang lumipas ay sumunod na rin ito sa kanilang ina. Naiwan kay Louie ang responsibilidad na alagaan ang kaniyang pamangkin, ngunit dahil nang mga panahong iyon ay wala pa siyang kakayahan, hayun at kinuha ito sa kaniya ng mga social worker at hanggang ngayon ay hindi niya pa rin nagagawang gampanan ang obligasyong naatang sa kaniya.

Napaigtad sa pagkakahiga si Louie nang mga sandaling ’yon. Paano kasi ay bigla na lamang tumama sa pader na sinasandlan ng kinahihigaan niyang sofa ang isang walang lamang lata ng alak, na animo may naghagis n’yon gayong siya lamang naman ang tao sa kaniyang apartment! Dahil doon ay sinundan niya ang direksyong hinintuan ng nasabing lata, at ganoon na lang ang gulat niya nang bigla niyang makita ang dalawang pamilyar na imaheng nakatingin sa kaniya nang masama!

Hindi siya maaaring magkamali…ang mga ito ay ang mag-asawang sakay ng sasakyang nakabanggaan niya noon!

“B-bakit nandito kayo? Ano’ng kailangan n’yo sa akin?!” hiyaw ni Louie na agad na binalot ng takot ang dibdib. Hindi siya makapaniwalang nagpakita sa kaniya ang multo ng mga ito kahit pa umagang-umaga’t tirik na tirik pa ang araw sa labas!

“Patahimikin mo na kami, Louie. Patawarin mo na ang ’yong sarili. Maayos na kami kung saan man kami naroroon at napatawad ka na namin dahil alam naman naming hindi mo rin ginusto ang nangyari. Mabuhay ka nang payapa at magsimula ka ulit. Nais na rin naming mahimlay nang walang pag-iimbot sa puso kaya sana’y makalimutan mo na ang nangyari!” dinig niyang sagot naman sa kaniya ng mag-asawa kahit pa hindi niya nakikitang bumubuka ang bibig nito.

Dahil sa narinig ay napahagulhol na lamang si Louie. Pakiramdam niya ay nawalan siya ng malaking tinik sa lalamunan, kaya naman hindi niya naiwasang mapaluhod sa harap ng mga kaluluwang ito habang nagsasambit sa kanila ng pasasalamat…

“Salamat sa inyo. Sa wakas ay makakalaya na rin ako sa labis na pang-uusig ng konsensiya ko.”

Nagising si Louie na nakahiga siyang muli sa sofa kung saan siya nakatulog kagabi. Ganoon pa man ay alam niyang hindi panaginip lamang ang nangyari kanina kaya naman noon din ay nagsimula na siyang bumangon. Nang araw na ’yon mismo ay nagbihis siya nang maayos at nagsimulang maghanap ng trabaho. Iyon na ang kaniyang naging bagong simula. Umasenso nang unti-unti sa buhay si Louie matapos ang araw na ’yon kaya naman nagawa niya na ring kunin ang kustodiya ng kaniyang pamangkin kalaunan.

Advertisement