Inday TrendingInday Trending
Sinisi Niya ang Kaniyang Ina dahil sa Pagkawala ng Kaniyang Ama; Paano kung Pati ito ay Mawala pa sa Kanila?

Sinisi Niya ang Kaniyang Ina dahil sa Pagkawala ng Kaniyang Ama; Paano kung Pati ito ay Mawala pa sa Kanila?

Nagkulong si Mila sa kaniyang silid. Iyak siya nang iyak simula pa kaninang nasa ospital pa lamang sila. Ngayon kasi ang araw na nagdesisyon ang kaniyang ina na alisin na ang makinang sumusuporta na lamang sa kaniyang ama upang manatili itong buhay.

“Anak, patawarin mo ako sa naging desisyon ko. Ayaw ko lang talagang pahirapan pa ang tatay mo kaya ko nagawa ’yon!” patuloy na pagpapaliwanag ng kaniyang ina sa labas ng kaniyang pintuan dahil nagkulong si Mila roon kaya hindi ito makapasok.

“Hindi ko na ho kailangan ang paliwanag n’yo. Iwanan n’yo muna ho ako at hayaan n’yong magluksa ako sa pagkawala ni papa!” sagot naman niya sa ina kaya wala na itong nagawa pa kundi ang hayaan na lamang siya sa kaniyang gusto.

Labis na dinamdam ni Mila ang pagkawala ng kaniyang ama sa kaniyang buhay. Palibhasa ay lumaki siyang mas malapit dito kaysa sa kaniyang ina, dahil isa itong OFW at palaging wala sa kanilang piling ay ganoon na lamang ang paninibago niyang hindi na niya ito makakasama pang muli kailan man. Halos hindi kayanin ni Mila ang nangyari, kaya nga pati ang kaniyang pag-aaral ay napabayaan na niya. Napabarkada siya at natuto ng kung anu-anong kalokohan para lang maibsan ang sakit ng pagkawala ng kaniyang itinuturing na tagapagligtas.

Samantala, lumayo naman nang lumayo ang loob ni Mila sa kaniyang ina. Para sa kaniya ay kasalanan ng kaniyang ina kung bakit nawala ang kaniyang ama. Ito ang dahilan kung bakit nagkasakit ang papa niya, dahil wala ito sa tabi nila upang alagaan ang kaniyang ama sa tuwing sumasama ang pakiramdam nito. Pagkatapos ay ito rin ang tuluyang nagdesisyon upang tapusin na ang buhay ng kanilang padre de pamilya. Ito ang may kasalanan at wala nang makakapagpabago pa sa isip ni Mila tungkol doon!

“Mila, anak, p’wede mo ba akong ibili ng gamot sa sakit ng ulo d’yan sa botika? Nahihilo na kasi ako sa biyahe pa lang kaya hindi na ako nakaraan pa sa botika,” minsan ay pakiusap ng ina ni Mila sa kaniya na agad namang nagpasimangot sa dalaga.

Napahinto siya sa pagdutdot sa kaniyang hawak na cellphone upang balingan ng masamang tingin ang ina bago niya ito pabalang na sinagot. “Utos agad, kakauwi lang!”

Dahil sa ginawa ni Mila ay tila lalong tumibok nang masakit ang ulo ng kaniyang ina. Tumahip din sa galit ang dibdib nito, kaya naman hindi na nito napigilan pang mapasigaw.

“Ganiyan ka na ba talaga kawalang galang sa akin, Mila? Baka nakakalimutan mong ako pa rin ang ’yong ina?! Akala mo ba, madali sa akin ang pagkawala ng nag-iisang lalaking pinangarap kong makasama sa habang buhay? Pero, kinailangan kong mamili sa pagitan niya at ninyong mga anak ko! Kahit pa gustuhin kong manatili siyang buhay ay siguradong malulubog ako sa utang dahil sa makinang bumubuhay sa kaniya. Dahil doon ay siguradong maaapektuhan kayo pati na rin ang kinabukasan n’yo, at iyon ang hindi ko kayang maatim kaya ginawa ko ang desisyong ’yon!” umiiyak na sabi nito na nagpatulala naman kay Mila.

Pakiramdam niya ay sinampal siya ng kaniyang ina ng katotohanan dahil sa mga sinabi nito. Tama ito. Kung masakit sa kaniya ang pagkawala ng kaniyang ama’y malamang na mas masakit at mas mahirap iyon dito! Ngayon ay napagtanto niyang mali ang naging pagtrato niya sa ina sa loob ng mahabang panahon. Animo siya nagising sa katotohanan, kaya naman akma niyang lalapitan ito, nang bigla na lang itong mapahawak sa sariling dibdib!

Humiyaw ito sa sakit. Nataranta agad si Mila, lalo na nang bigla na lamang bumulagta ang kaniyang ina at nawalan ng malay-tao. Agad siyang nagtawag ng mga kapitbahay upang tulungan siya ng mga itong dalhin ang kaniyang ina sa ospital.

Takot na takot si Mila sa nangyari. Sobrang lakas ng kalabog ng kaniyang dibdib at hindi siya mapakali sa paghihintay ng balita mula sa mga doktor na dumalo sa kaniyang inang ngayon ay naroon na sa emergency room.

Lihim siyang napadasal sa Diyos habang lumuluha, na sana ay huwag munang kunin sa kanila ang kaniyang ina dahil kailangan niya pa ng oras upang humingi rito ng tawad at bumawi sa kaniyang mga kasalanan.

Mabuti na lang at tila dininig naman ng langit ang kaniyang mga dasal dahil naging maayos naman agad ang lagay ng kaniyang ina. Ngayon, ay hindi na mag-aaksaya pa ng oras si Mila upang iparamdam dito kung gaano siya nagsisisi sa mga naging kasalanan niya.

Advertisement