Nilait ng Babaeng Ito ang Kapwa Makeup Vlogger dahil sa Kakaibang Hitsura Nito; Sa Huli ay Siya Pala ang Pakakainin Nito ng Alikabok

Napangiwi si Sarah nang makasabay sa pagpasok ang isang kapwa niya makeup vlogger na nagsisimula pa lamang sa industriyang pareho nilang kinabibilangan. Mayroon kasi silang dinaluhang event na para sa mga katulad nilang ‘makeup guru’ kung tawagin. Layon kasi ng mga nagpasimula ng nasabing event na ’yon na magkaroon sila ng mapayapang komunidad kaya naman nais din nilang sila ay magsama-sama.

Ngunit ngayon pa lamang ay halata na kay Sarah na hindi ‘kapayapaan’ ang dahilan kung bakit siya dadalo sa naturang event. Sa mga damit pa lamang na suot niya ngayon, pati na rin ang mga aksesorya, sapatos at bag niyang halatang may kamahalan, na talaga namang sinadya niyang suotin sa gabing ito, ay talagang nagsusumigaw na ’yon ng ‘pakikipagpasosyalan’ at hindi pakikipagkaibigan.

Patunay pa roon ang nanunuya niyang mga tingin mula ulo hanggang paa sa kapwa makeup guru na kaniya ngang nakasabay sa entrance ng venue na paggaganapan ng naturang event. Sa totoo lang ay gusto pa nga niyang humagalpak ng tawa nang makita niyang tadtad ng taghiyawat sa mukha ang nasabing babae, na napag-alaman niyang nagngangalang Beauty. Palibahasa’y makinis ang kutis niya at napakaganda ng kaniyang mukha, sa tulong ng kaniyang mga ‘derma’ ay inam na kung lait-laitin niya ito sa isip pa lamang niya.

Umupo si Sarah katabi ang iba pang makeup guru na alam niya namang may ‘kaya’ sa buhay. Ayaw niya kasing mahanay sa mga katulad ng babaeng nakasabay niya kanina na kung tawagin niya ay ‘cheapipay.’

“Grabe, ano? Ang kapal ng mukha ng Beauty na ’yan na um-attend sa sosyalang event na ito, samantalang pipitsugin lamang naman siya. Ang lakas din niyang pasukin ang industriya ng pagme-makeup na ganoong klaseng mukha ang tinataglay niya—ang pangit! Hindi nga bagay sa kaniya ang pangalan niya, e!” humahalakhak na panlalait pa ni Sarah sa nasabing kapwa vlogger na agad namang sinang-ayunan ng mga kasama niya sa mesa.

Walang pakundangan si Sarah kung laitin si Beauty, gayong nasa likod lamang naman ito ng kinauupuan niya! Alam niyang naririnig siya ng nasabing babae, ngunit wala pa ring preno ang marumi at masamang bibig ni Sarah.

Samantala, minabuti na lamang ni Beauty na umalis na lamang sa event na ’yon kung saan ginugulo siya ng presensiya ni Sarah. Hindi niya alam kung ano ang problema nito at tila yata mainit ang dugo nito sa kaniya. Dahil doon, kailan man ay hindi na lamang um-attend muli sa mga ganitong klaseng pagtitipon-tipon si Beauty. Mas pinagtuunan na lamang niya ng pansin ang pagtatrabaho at paggawa ng mga makeup videos na talaga namang agad na tinangkilik ng mga tao dahil sa galing na taglay niya!

Ilang buwan lamang ang lumipas at mabilis na lumobo ang bilang ng mga tagasuporta ni Beauty. Kahit pa nga marami siyang taghiyawat sa mukha ay mas tinangkilik pa siya ng mga tao dahil marami pala ang nakaka-relate sa kalagayan niyang ito. Dahil nga lumaki na rin ang impluwensiya ni Beauty sa napakaraming tao ay dumami rin ang mga oportunidad na dumating para sa kaniya. Ilan sa mga iyon ay ang pagkakaroon niya ng mas malaking kita na naging dahilan upang makapag-umpisa siya ng sariling negosyo na matagal na niyang pinapangarap—ang pagtatayo ng isang cosmetics line, na agad din namang pumatok sa madla!

Advertisement

Sa isang iglap ay naungusan ni Beauty ang mayabang at mapanlait na si Sarah. Tila nga bigla na lamang itong naetsapwera at ngayon ay hindi na napapansin ng mga tao lalo pa at ang gusto nang panuorin ng mga ito ay siya! Pinakain niya ng alikabok ang taong dati ay nang-aalipusta sa kaniya at mabilis na namayagpag ang pangalan ni Beauty sa industriya!

Lalo pa ngang nasira sa madla si Sarah nang isang araw ay bigla na lang may naglabas ng video niya na nilalait si Beauty noon sa isang event na pareho nilang dinaluhan. Hindi niya akalaing may isa pala sa kaniyang mga kasama na inis na inis na sa ginagawa niya nang mga sandaling ’yon kaya naman naisipan nitong kuhanan ang kaniyang pagmamaldita at ngayon ay isiniwalat na nito iyon sa madla.

Bumagsak nang tuluyan si Sarah dahil na rin sa sarili niyang kagagawan. Dahil doon ay nawalan tuloy siya ng permanenteng kita kaya hindi na rin kaya pa ng bulsa niyang tustusan ang palagian niyang pagbisita sa kaniyang mga derma. Ngayon ay lumabas na tuloy ang totoong kulay niya.