Inday TrendingInday Trending
Maagang Nag-asawa at Nagpabuntis ang Babaeng Ito; Dadanasin din pala Niya ang Hirap na Ipinaranas Niya Noon sa Kaniyang Magulang

Maagang Nag-asawa at Nagpabuntis ang Babaeng Ito; Dadanasin din pala Niya ang Hirap na Ipinaranas Niya Noon sa Kaniyang Magulang

Panay na naman ang pag-ismid ni Wela habang sinesermunan siya ng kaniyang ina. Inis na inis na siya at kanina pa siya naririndi sa boses nitong ‘nakakatulilig’ ng tainga, ayon na rin sa kaniya. Papaano ba namang hindi siya sisermunan nito, gayong inumaga na naman siya ng uwi. Hindi na naman siya nagpaalam sa ina, na makikitulog siya sa ibang bahay, at ang malala pa ay sa bahay pa ng kaniyang nobyo!

“Kung hindi pa kayo nakita ng kumare ko, hindi ko pa malalaman na doon ka natutulog sa tuwing inuumaga ka ng uwi? Ano ba talagang balak mo sa buhay mo, Wena? Pinag-aaral ka nang maayos, pero puro na lang pagnonobyo ang gusto mong atupagin!” galit pa ring pagpapatuloy ng kaniyang ina sa paninermon nito sa kaniya. “Hindi na ako magtataka kung isang araw ay malaman ko na lang na buntis ka na at may laman na ’yang tiyan mong babae ka! Susmariyosep, napakabata mo pa para magpamilya, Wena!” Nasapo pa ni Aling Rona—kaniyang ina—ang ulo nito dahil sa sobrang kunsumisyon sa sariling anak.

Ngunit hindi nagtagal ay tila nagkatotoo ang hulang iyon ng kaniyang ina. Isang araw ay nalaman ni Wena na siya ay nagdadalantao!

“Ano’ng gagawin natin dito, Julian? Pareho pa tayong nag-aaral at hindi pa tapos man lang ng highschool!” umiiyak na tanong niya sa kaniyang nobyo habang inaamin niya rito ang kaniyang kalagayan. Samantalang si Julian naman ay prenteng nakasandal lamang sa pader ng isa sa mga building na ’yon ng kanilang eskuwelahan. Nakapamulsa pa na akala mo’y kung sinong siga sa kanto, gayong napakapatpatin naman nito. Nakadagdag pa sa ‘angas’ nito ang kulay dilaw nitong buhok na pilit pa rin nitong inilaban kahit pa bawal iyon sa kanilang eskuwelahan.

“Madali lang ’yan. Ako’ng bahala sa inyo ng anak natin. Magsasama na tayo. Maghahanap ako ng trabaho,” kalmadong sagot pa nito kay Wena na agad namang nagpakilig sa dalagita. Akala kasi ng magnobyong ito, na pareho pang may gatas sa labi, ay madali lang ang pagbuo ng pamilya. Akala nila’y ganoon lamang iyon kasimple. Ang hindi nila alam ay may kaakibat itong hirap, na hindi nila akalaing daranasin nila sa kanilang buhay.

Hindi na nakapagtapos pa ng pag-aaral ang magnobyong Wena at Julian. Sa gatas pa lang kasi noon ng kanilang anak ay halos pareho nang mahub*d ang kanilang mga salawal sa kahahanap ng pangtustos. Mabuti nga at kahit galit sa kanila ang ina ni Wena ay hindi pa rin nito natiis ang apo’t tumulong pa rin ito sa kanila. Dahil doon ay napalaki naman nila ang bata, hindi nga lamang maayos.

Sa murang edad pa lamang ay nakitaan na agad ni Wena ng katigasan ng ulo ang anak nilang babae pa man din. Manang-mana ito sa kaniya. Suwail! Biruin niya’y trese anyos pa lamang ito, ngunit kung sino-sinong lalaki na ang nahuhuli nilang kayakap nito sa kung saan-saan! Parang nakikini-kinita tuloy nina Wena at Julian noon kung gaanong kahihiyan ang dulot ng ginagawa nila noon sa kanilang mga magulang. Ngayon nila naiintindihan na hindi pala talaga madaling magpalaki ng bata, na pagkatapos mong arugain at mahalin ay gagantihan ka pa ng pagpapasaway.

“Hindi ko na kaya, mama! Hindi ko na alam kung ano’ng gagawin ko sa anak ko!” humahagulhol na reklamo ni Wena sa kaniyang ina nang minsan ay dumalaw siya rito. “Ganito pala ang nararamdaman n’yo noong ako ang nagpapasaway sa inyo. Ganito pala kahirap. Kung alam ko lang, sana pala ay mas naging mabuting anak na lang ako para hindi ko dinaranas ngayon sa anak ko ang mga ipinaranas ko sa inyo noon. Patawarin n’yo po ako, inay!” Naluha rin namang agad si Aling Rona sa sinabi ni Wena. Hindi na siya nagsalita pa, bagkus ay niyakap na lamang ang anak at hinagkan ang ulo nito.

Kinabukasan ay pinuntahan mismo ni Aling Rona ang kaniyang apo upang pangaralan. Kinausap niya ito nang masinsinan at ipinaliwanag niya rito nang maayos ang lahat ng maaaring mangyari kung mananatili itong pasaway sa kanila. Hindi naman nabigo ang ginang at nakumbinsi naman niya ang bata. Napaluha pa nga ito nang sa wakas ay mapagtanto nitong tama ang kaniyang lola.

Mabuti na lamang at mabilis nilang naagapan ang katigasan ng ulo ng anak ni Wena. Gamit ang tamang patnubay sa tulong ni Aling Rona ay naigiya nila ito sa mas matuwid na daan, tungo sa ikauunlad ng buhay nito sa kinabukasan.

Advertisement