Inday TrendingInday Trending
Naiinggit ang Lalaki sa Kanilang Kapitbahay na De-Kotse na Madalas ay Pumaparada sa Harap ng Kanilang Bahay; Hindi Niya Inasahang Matutulungan Pala Sila Nito

Naiinggit ang Lalaki sa Kanilang Kapitbahay na De-Kotse na Madalas ay Pumaparada sa Harap ng Kanilang Bahay; Hindi Niya Inasahang Matutulungan Pala Sila Nito

“Naiinis na ako rito sa kapitbahay natin. Lagi na lang nagpapark dito sa harapan ng bahay natin,” nanggagalaiti na naman si Mark dahil sa kanilang kapitbahay na may kotse.

Nakatira sa isang mala-subdivision ang mag-asawang Mark at Alma, at dahil estilong town house ang mga bahay roon, magkakadikit ang mga bahay at maliit lamang ang espasyo para sa mga kalsada.

Sinilip ni Alma ang bintana. Hindi naman talaga direkta sa kanila ang kotse. Naiurong lang nang bahagya ang bandang likuran, na nasa tapat na nga naman ng kanilang bahay.

“Masyado kang high blood! Hindi naman, mahal. Huwag ka na masyadong mainit ang ulo sa kanila,” saway ni Alma sa mister. Si Alma ay kagampan na sa kanilang panganay na anak ni Mark.

“Eh kasi ang yabang-yabang nila eh. Dapat magpark sila mismo sa tapat ng bahay nila hindi iyang nasa tabing-tabi mismo natin,” sabi ni Mark. Pakiramdam niya, mayabang at matapobre ang mga ito, lalo na ang padre de pamilya na siyang nagmamaneho ng naturang kotse.

Masuyong nilapitan ni Alma ang mister at hinaplos-haplos ito sa dibdib.

“Ang puso… ikaw talaga. Balang araw magkakaroon din tayo ng sarili nating kotse, mahal. Huwag kang mag-aalala. Huwag ka na mainggit sa kanila,” sabi ni Alma.

Natahimik si Mark. Iyon naman talaga ang pinagngingitngit ng kaniyang kalooban: naiingit siya dahil may kotse ang kanilang kapitbahay. Kilalang-kilala talaga siya ni Alma. Sa pitong taon nilang pagsasama bilang karelasyon, alam na alam na nito ang tunay niyang nararamdaman. Kaya mahal na mahal niya ang misis dahil kilalang-kilala na siya nito.

“Kapag nakabili ako ng kotse, mas malaki at mas maganda pa sa kotse nila. Tandaan mo iyan, Alma,” nasabi na lamang ni Mark.

“Ay oo naman naniniwala ako riyan. Kayang-kaya iyan ng mister ko,” sabi ni Alma.

“Mahal, pasensiya ka na kung may mga bagay akong hindi naibibigay sa iyo. Nagsisikap naman akong maibigay ang mga pangangailangan mo eh, at nang magiging anak natin…” maya-maya ay turan ni Mark.

“Parang papunta na tayo sa drama, mahal… kotse lang pinag-uusapan natin eh,” biro ni Alma. “Pero isantabi natin ang biro, huwag ka masyadong magpa-pressure mahal. Kaya natin ‘to. Saka na tayo bumili ng kotse kapag nasettle na natin itong bagong bahay na nabili natin. Balang araw, magkakaroon din tayo niyan,” sabi ni Alma. Niyakap siya ni Mark mula sa likuran at hinawakan ang sinapupunan ng misis.

Isang gabi, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan si Alma. Pumutok ang kaniyang panubigan, hudyat na anumang oras ay magsisilang na siya. Bagama’t nakahanda na ang mga kagamitan at pera, nataranta pa rin si Mark dahil hindi sila handa na ngayong araw magaganap ito. Gabi pa naman. Nagkataong naubusan siya ng load at hindi makakonekta sa internet upang kumuha ng Grab.

Narinig ng kanilang kapitbahay na may kotse ang kaguluhan sa loob ng kanilang bahay, kaya sumilip ito sa kanila.

“Kailangan ninyo ba ng tulong? Puwede ko kayong ihatid sa ospital,” sabi ng padre de pamilya.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Mark. Pinaunlakan niya ang alok ng kapitbahay na may kotse na ni hindi niya alam ang pangalan. Itinakbo nila si Alma sa hospital. Nagsilang naman nang maayos ang misis: isang malusog na baby boy.

“Congratulations, kapitbahay!” pagbati ng kapitbahay ni Mark na ang ngalan pala ay Mang Cedric. Nagkamayan silang dalawa.

“Maraming salamat, kapitbahay. Kung hindi dahil sa iyo, malamang sa bahay na nanganak si misis. Iba pa rin talaga kapag may sasakyan, may magagamit ka kapag may emergency,” sabi ni Mark.

“Wala iyon, kapitbahay. Sino-sino rin ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo rin naman? Basta kapag kailangan mo ng sasakyan, sabihan mo lang ako, basta kung available naman ako at wala ako sa trabaho,” nakangiting sabi nito.

Agad din namang nakauwi sa bahay si Alma, at ang ginamit na sasakyan pa rin ay sa kanilang kapitbahay.

“Nahihiya ako sa mga inasal ko, mahal. Mababait pala ang kapitbahay natin,” nakokonsensyang sabi ni Mark kay Alma.

“Kaya nga mahal. O kita mo na. Paano kaya tayo makakabawi sa kanila? Ayaw naman magpabayad ng renta sa kotse nila?” tanong ni Alma.

Kinabukasan, makikitang kumakatok si Mark sa pinto ng kapitbahay. Iniabot niya rito ang espesyal na nilutong kare-kare bilang pasasalamat sa kanilang mabuti at matulunging kapitbahay. Iyon na ang simula ng kanilang magandang samahan at pagkakaibigan.

Kaya naman, ang pagkakaroon ng mabuting kapitbahay ay maituturing na biyaya sa ating buhay!

Advertisement