Inday TrendingInday Trending
Nagbigay ng Malaking Halaga ang Ama sa mga Anak bilang Isang Pagsubok; Pagkalipas ng Isang Taon ay Malalaman Nila ang Kanilang Matatanggap na Pamana

Nagbigay ng Malaking Halaga ang Ama sa mga Anak bilang Isang Pagsubok; Pagkalipas ng Isang Taon ay Malalaman Nila ang Kanilang Matatanggap na Pamana

“Narito ka rin pala,” sambit ni Tristan sa nakababatang kapatid na si Ryan na matagal na niyang hindi nakikita.

“Nakalimutan mo na ba na dito ako nakatira?” tugon naman ng binata,

“Oo nga pala. Ang mabait na anak na kahit kailan ay hindi umalis sa tabi ng kaniyang ama. Ikaw na ang mabuting anak,” sambit pa ni Tristan.

“Kuya, ayaw kong makipag-away sa iyo kaya itigil mo na iyan. Napakatagal nating hindi nagkita at ganiyan pa rin ang pag-uugali mo. Isa pa, ikaw ang umalis dito. Walang nagpaalis sa iyo. Maiwan na kita baka mamaya ay kung saan pa mapunta muli ang usapan natin. Ayaw ko nang bigyan ng sakit ng ulo si papa,” wika ni Ryan sabay talikod sa nakatatandang kapatid.

Tatlong taon na rin ang nakakalipas nang umalis si Tristan sa kanilang bahay dahil sa pakiramdam niya ay taliwas ang lahat sa kaniyang kagustuhan. Dahil hindi rin siya matiis ng ama ay kahit umalis ang binata sa kanilang puder ay siya pa rin ang gumagastos para sa mga pangangailangan nito dahilan upang mamuhay ito nang hindi pinapahalagahan ang mga bagay na mayroon siya.

Samantala, lihim ang inggit na nararamdaman ni Ryan sa kaniyang Kuya Tristan. Tingin kasi niya ay mas mahal ito ng kaniyang ama dahil hindi man lamang ito nagalit o nagtanim ng sama ng loob sa binata kahit na tinalikuran sila nito.

Si Ryan kasi ang laging nariyan sa tabi ng ama. Siya ang laging nakakasama nito lalo na kung may kinakaharap na mabigat na pagsubok sa kanilang kumpanya. Nararamdaman niyang lahat ay kailangan niyang paghirapan para lamang makuha ang puso ng kaniyang ama samantalang si Tristan ay namumuhay ng sunod sa kaniyang luho.

Hanggang sa isang araw ay pinatawag na lamang ng ama ang magkapatid.

“Siguro ay napapanahon na para pag-usapan natin ang pamana,” bungad ng ama.

“Matanda na rin ako at marami nang nararamdaman. Nais ko sana na maging patas sa inyong dalawa. Bibigyan ko kayo ng malaking halaga ng pera. Bahala kayo kung saan ninyo ito gagamitin. Pagkalipas ng isang taon ay malalaman niyo ang pamana na iiwanan ko sa inyo,” dagdag pa ng ginoo.

Hindi man lamang natinag si Tristan sa sinabi ng ama. Agad niyang kinuha ang pera at saka umalis. Habang si Ryan naman ay lubusang nag-aalala.

“Pa, ano po ba ang sinasabi niyo riyan. Malakas pa kayo. Malayo pa ang mararating natin,” saad ng bunsong anak.

“Pagkakataon mo na Ryan para magawa mo ang gusto mo. Kunin mo na ang pera na iyan,” giit ng ama.

Habang si Tristan ay winwaldas kung saan-saan ang kaniyang salapi ay lubos na nag-iisip si Ryan sa kung para saan ba talaga ang pera na ito.

Hindi inalintana ng panganay na anak na basta na lamang niya maubos ang pera nang ganoon na lamang.

“Magbubuhay prinsipe ako kung gusto ko. Hindi naman ako matitiis ni papa. Saka, may karapatan ako sa kumpanya kahit ano pa ang mangyari. Maubos ko man ito ay alam kong bibigyan pa rin ako no’n,” sambit niya sa sarili habang walang habas ang kaniyang pagsasaya sa casino.

Samantala, napangiti na lamang si Ryan nang sa wakas ay maisip niya ang tunay niyang gusto. Matagal na kasi niyang gustong magnegosyo. Isang pintor kasi ang binata at nais nitong magdisenyo ng mga tshirt na nais niyang ibenta. Sa wakas ay masisimulan na rin niya ito.

Lahat ng kaniyang pera ay inilaan niya sa pagtatayo ng negosyong nais. Alam niyang maaaring suntok sa buwan na kumita ito at lumago pero naniniwala siya na kapag inilaan niya ang kaniyang puso at isip dito ay malaki ang tyansa na umunlad ito. At sa huli ay wala siyang pagsisisihan kung malugi man siya.

Makalipas ang isang taon ay hindi inakala ni Ryan na magtatagumpay ang kaniyang negosyo.

“Sa wakas, lahat ng natutunan ko kay papa ay nagamit ko sa aking negosyo. Sana sa pagkakataong ito ay maipagmalaki rin niya ako,” saad ng binata.

Habang si Tristan naman ay umaasa na sa puntong iyon ay ibibigay sa kaniya ng ama ang kalahati ng kanilang negosyo.

Nang ipatawag muli ang dalawa ay nakita ng ama ang kinahinatnan ng perang ibinigay niya sa dalawa.

“Nasaan ang pamana mo sa amin? Ibigay mo na sa akin ang kalahati ng kumpanya, pa. May karapatan ako doon,” saad ni Tristan.

“Pa, hindi ko na po kailangan ang inyong kumpanya dahil maganda na po ang itinatakbo ng aking negosyo. Maraming salamat po,” saad ni Ryan.

“Iyan ang nais kong pag-usapan natin,” wika ng ama. “Nais ko man hatiin sa inyo ang kumpanya ay hindi na maaari.”

“Sinabi ko na nga ba at may paborito kayo. Ibibigay niyong lahat dito sa bunso ninyo. Bakit niyo pa ako pinatawag?” inis na sambit ng panganay.

“Nagkakamali ka, Tristan,” tugon ng ama.

Nagulat ang dalawa at napangiti si Tristan. Ang akala kasi niya ay para sa kaniya na ang kumpanya. Naramdaman niyang ganoon siya kamahal ng ama na hindi talaga siya matiiis.

“Hindi ba ay binigyan ko kayo ng pera at sinabi ko na gawin ninyo ang nais niyo at sa paglipas ng isang taon ay malalaman niyo kung ano ang aking ipapamana sa inyo? Kung ano ang mayroon kayo ngayon gamit ang pera na ibinigay ko ay iyon ang pamana ko sa inyo,” saad ng ama.

“Matagal nang nalulugi ang kumpanya. At ang pera na ibinigay ko sa inyo ay ang huling pag-aari ko. Masaya ako Ryan at ginamit mo sa tama ang pera na ibinigay ko sa’yo,” sambit pa ng ginoo.

Lubusan ang galit ni Tristan.

“Kung sinabi mo na iyon na ang pamana ay hindi ko sana ito inubos ng ganoon na lamang! Wala kang kwentang ama! Saan na tuloy ako pupulutin ngayon? Hahayaan mo na lang ang anak mo na maghirap?” galit na sigaw ni Tristan.

“Kung alam mo bang mabubuhay ka habang panahon ay gagamitin mo ang buhay mo sa makabuluhang bagay? O kung mawawala ka na bukas ay saan mo gagamitin ang oras mo, anak? Matagal kitang inaruga. Kahit na tinalikuran mo kami na pamilya mo ay hindi kita pinabayaan. Kung malulugmok ka man ay ikaw na ang nagdesisyon niyan para sa iyong sarili,” pangaral ng ama.

Nagsisisi man ay galit na umalis si Tristan sa kanilang bahay. Sa ganitong paraan tinuruan ng ama ng leksyon ang panganay na anak. Lubos naman siyang natuwa kay Ryan dahil sa ginawa nito sa kaniyang mana.

“Alam ko ay malaki ang hinanakit mo sa akin, anak, dahil sa ginawa ko sa iyong kapatid. Alam ko na ganito ang gagawin mo sapagkat pinapahalagahan mo ang lahat ng mayroon ka. Pakatandaan mo na walang araw na hindi ko ipinagpasalamat na ikaw ang anak ko at ikaw ang naiwan sa aking tabi,” saad ng ama.

Sa tuluyang pamamahinga ng ama ay nabuhay si Tristan ng lubog sa utang at naging magulo ang kaniyang buhay. Samantalang si Ryan ay pinapatakbo ang kaniyang negosyo. Minsan ay nagbibigay siya ng tulong sa kaniyang kapatid ngunit ayaw niya itong pamihasain sapagkat alam niyang upang matuto ito ay kailangan niyang tumayo sa kaniyang mga sariling paa.

Advertisement