Pinapili ng Doktor ang Mister Kung Sino ang Ililigtas Niya Mula sa Kapahamakan, ang Manganganak na Misis o ang Isisilang na Sanggol; Sino ang Pinili Niya?
“Kailangan mong mamili, sir: ang misis mo, o ang anak mo…”
Hindi pa rin makapaniwala si Greg sa mga sinabi sa kaniya ng doktor kanina. Huli na nang malaman nila ng kaniyang misis na si Norma na delikado pala na magbuntis siya, dahil sa kalagayan ng kaniyang matres. Nabuntis niya ito. Bagama’t binalaan na sila ng doktor noon pa man, ipinasya nilang ipagpatuloy ang pagbubuntis dahil hindi nila kayang ipalaglag ito.
Noon pa man, inihanda na nina Greg at Norma ang kani-kanilang mga sarili sa mga maaaring mangyari. Subalit paano nga ba malalamang handang-handa na ang isang tao sa isang paparating na delubyo kung hindi pa ito dumarating? Napakahirap para kay Greg na magpasya.
Kapag pinili niya ang sanggol na ipinagbubuntis ng misis, malalagay naman sa alanganin si Norma. Mahal na mahal niya ang asawa niya at hinid niya maisip ang kaniyang buhay kung mawawala ito sa kaniyang tabi. Kung si Norma naman ang pipiliin niya, tiyak na magagali sa kaniya ang misis dahil noong una pa lamang ay sinabi na nito sa kaniya, na anuman ang mangyari, ang piliin ay ang sanggol.
“Huwag ako ang piliin mo, mahal… hindi ko kakayanin kapag nawala ang anak natin. Siya ang piliin mong mabuhay, huwag ako…” laging pinapaalala noon ni Norma.
“Pero mahal… ayoko namang mawala sa akin. K-kung ikaw ang pipiliin ko, puwede pa naman tayong bumuo ulit, o kaya naman mag-ampon tayo…” giit noon ni Greg.
“Sasayangin mo ang mga sakripisyo ko? Eh ‘di sana noong una pa lang, hindi na natin itinuloy ang pagbubuntis ko. Greg, kung mabubuhay man ako, hindi na tayo puwedeng magkaanak pa. Biyaya siya sa atin ng Diyos, at isusugal ko ang buhay ko para lang sa panganay natin. Huwag kang mag-alala, lalaban naman ako. Lalaban ako para sa inyo.”
At ngayon, nasa maliit na kapilya ng ospital si Greg: naninikluhod siya sa rebulto ni Inang Maria, nagsusumamong pakinggan ang kaniyang panalanging buhayin ang dalawa niyang mahal sa buhay na nasa balag ng hukay.
“Panginoon, alam ko pong hindi ako perpekto. Hindi po ako matuwid. Marami po akong pagkakamali sa buhay ko. Marami po akong pagkukulang sa inyo. Subalit nagsusumamo po ako sa Inyo… sana po pagbigyan po Ninyo ang hiling ko, na mabuhay ang aking mag-ina. Bagama’t kalooban po Ninyo ang masusunod, kung anoman po ang ipagkaloob Ninyo ay matapat ko pong susundin at igagalang…” lumuluhang panalangin ni Greg.
Paglabas niya sa kapilya, isang estrangherong matanda ang lumapit sa kaniya. Nakakatakot ang anyo nito, tila isang ermitanyo.
“Gusto mo bang mabuhay ang mag-ina mo?”
Napasulyap si Greg sa estrangherong lalaki. Hindi niya alam, subalit tila kakaiba ito. May kakaiba sa matandang ito.
“O-oo. Gusto. Gustong-gusto ko,” sagot ni Greg.
“Alam ko kung paano iyan mangyayari. May kapangyarihan ako. Kaya kong idulog sa aming kulto ang problema mo. Ipagdarasal namin sa mahal na Poon namin ang kaluluwa nila. Handa ka ba, iho?” tanong ng matanda.
“Sige. Ano ang kailangan kong gawin?” tanong ni Greg.
“Kailangan mong isanla sa diablo ang kaluluwa mo, sa aming Poon, na kapag ikaw ay nawala sa mundong ibabaw, antimanong mapapasa-kaniya ang kaluluwa mo,” sagot ng matanda.
“Ganoon ba? Sige… magsama kayo ng Poon mo! Siraulo ka ah. Ano ako sa tingin mo? Malaki ang pananampalataya ko sa Diyos, at hindi ko ipagkakatiwala ang buhay at kaluluwa ko sa demonyo. Kung ano ang kalooban Niya, iyon ang masusunod,” sabi ni Greg sabay talikod. Baliw yata ang matandang iyon.
Nilingon ulit ito ni Greg, subalit sa isang kisap-mata ay wala na ito sa kaniyang paningin. Imposibleng mangyaring sa limang segundo lamang ay mawala o makaalis na ang isang tao dahil wala naman itong ibang mapupuntahan; walang lagusan sa kabilang dulo ng pasilyo. Kinilabutan si Greg at bumalik na kaagad sa delivery room.
“Manganganak na po ang wife ninyo…” ang sabi sa kaniya ng nurse. Hindi namili si Greg. Sinabi niya sa doktor na umaasa pa rin siya himalang magaganap. Kumakapit siya sa paniniwalang kung anoman ang maging resulta ng panganganak ng misis ay kalooban Niya.
Tila napakabagal ng oras. Makalipas ang tatlong oras, lumabas ang doktor mula sa delivery room. Nilapitan nito si Greg.
“D-Dok… kumusta po?” nauumid na tanong ni Greg. Pakiramdam niya ay matutuyuan siya ng lalamunan.
Ngumiti ang doktor.
“Your wife and baby are both okay. Congratulations, sir! You made the right decision. It was indeed a miracle!”
Tumatakbo at lumuluhang nagtatatakbo si Greg sa loob. Halos lumundag ang kaniyang puso nang masilayan ang kanilang sanggol sa bisig ng kaniyang misis. Nilapitan niya ang kaniyang mag-ina at hinalikan sa mga pisngi nila. Bumabalong ang luha sa kaniyang mga pisngi sa labis na kaligayahan.
“Salamat po, Panginoon… salamat po at hindi ako nagpadaig sa kasamaan,” bulong na panalangin ni Greg.
Hindi makapaniwala ang doktor kung anong himala ang nangyari kay Norma. Hindi na mahalaga ito para sa mag-asawa. Ang mahalaga sa kanila, binigyan sila ng pagkakataon ng Diyos upang maiparamdam nila nang sabay ang kanilang pagmamahal sa kanilang supling.