Bata Pa Lamang ay Bantad na ang Anak sa Trabaho ng Ama Bilang Sepulturero; Susundan Kaya ng Anak ang Yapak Nito?
Bata pa lamang ay napapanood na ni Tinoy kung paano maging isang sepulturero dahil sa kaniyang amang si Mang Ipe. Ito na umano ang namanang hanapbuhay ng ama sa kanilang mga kanunu-nunuan. Balang araw, si Tinoy raw ang magmamana ng gawaing ito. Subalit para kay Mang Ipe, ayaw niyang matulad ang anak sa kaniya.
“Anak, wala naman masamang maging sepulturero. Marangal na trabaho ito. Walang may gustong maglibing sa mga bangkay kundi kaming mga sepulturero lamang. Kaya sana, huwag na huwag mong ikahihiya sa mga kaklase mo sa paaralan na isang sepulturero ang Itay mo,” laging pinapaalala ni Mang Ipe sa kaniyang unico hijo.
“Opo, Itay. Alam ninyo po ba, takot na takot ang mga kaklase ko kapag napag-uusapan na ang mga multo. Pero ako, sinasabi ko sa kanila na kailanman, hindi tayo matatakot kasi kasama natin sila, lalo na rito sa bahay,” pagbibida ni Tinoy sa ama.
Totoo naman iyon sapagkat sa compound ng sementeryo nakatira ang mag-ama. Sa katunayan, ang kanilang bahay na tinutuluyan ay museleo na matagal nang hindi dinadalaw ng mga kaanak. Ang nagsisilbing higaan ng mag-ama ay ang puntod. Iyon na rin ang kanilang mesa kung saan sila kumakain at nag-aaral si Tinoy kapag may mga takdang-aralin.
“Pero anak, ang gusto sana ng Itay, huwag mong sundan ang yapak ko. Oo isinasama kita sa tuwing naglilibing ako o nag-aayos ng mga puntod, pero ayokong gawin mo rin ang mga ginagawa ko. Mataas ang pangarap ko para sa iyo, anak, Gusto ko makatapos ka ng pag-aaral. Gusto ko maging titulado ka. Gusto ko makatapos ka ng kolehiyo,” laging pinapaalala sa kaniya nito.
“Eh Itay… paano po ang pagsesepulturero ng lahi natin? Hindi po ba kuwento ninyo mga sepulturero po ang mga lolo ko? Kung mapuputol po sa akin, paano na po iyon? Baka multuhin po nila tayo,” biro ni Tinoy sa kaniyang ama.
“Basta anak ko… hindi masama ang pagiging sepulturero, pero dapat, magkaroon ka rin ng sarili mong pangarap,” paalala ni Mang Ipe.
Dahil sa kagustuhan ni Tinoy na matuto pa, hindi niya pinalalagpas kapag may libing na kailangang asikasuhin ang kaniyang ama. Inoobserbahan niyang maigi kapag gumagawa ito ng puntod. Alam na alam na niya ang gagawin. Minsan, hinayaan siya ni Mang Ipe na siya ang gumawa ng puntod.
“Sige anak, aalalayan lang kita. Tingnan ko nga kung kaya mo na,” sabi ni Mang Ipe.
At hindi nga binigo ni Tinoy ang ama. Humanga naman si Mang Ipe sa husay ng anak sa paggawa ng puntod. Iyon ang kauna-unahang puntod na ginawa ni Tinoy.
“Nasa dugo talaga natin ang pagiging sepulturero. Mukhang hindi na nga iyan mawawala sa lahi natin. Puwedeng-puwede mo na akong palitan, anak. Maaari na akong magretiro,” sambit ni Mang Ipe.
“Itay naman… kayo pa rin ang pinakamahusay na sepulturero dito sa bayan natin!” pagmamalaki ni Tinoy.
Iyon ang unang “obra” ni Tinoy. Napagtanto ni Mang Ipe na maaari nang sumalang si Tinoy, subalit kapag naiisip niyang baka hindi na ito mag-aral at tumulad na lamang sa kaniya, iyon ang labis na pinag-aalala niya.
Masayang-masaya si Tinoy sa kaniyang nagawa sa araw na iyon.
“Itay, sana po turuan naman ninyo akong maglibing talaga, yung ako lang po…” pakiusap ni Tinoy sa kaniyang ama.
“Oo ba… sige ba… para matuto ka na. Ikaw na ang papalit sa titulo ko. Tara na matulog na tayo,” sabi ni Mang Ipe sa kaniyang anak. Hinalikan niya ito sa noo na hindi naman niya madalas na ginagawa.
Kinabukasan, natupad ang pinangarap ni Tinoy. Hindi sa ibang tao, kundi para mismo sa kaniyang ama. Hindi na ito nagising pa.
Hindi makapaniwala si Tinoy na siya mismo ang maglilibing sa kaniyang sariling amang binangungot. Sa tulong ng mga kasamahang sepulturero, maayos na nailibing ito sa mismong puntod na ginawa ni Tinoy. Labis na paghihinagpis ang naramdaman ni Tinoy. Hindi siya makapaniwalang nangyari ang mga bagay na iyon sa isang iglap lamang.
“Ipinapangako ko, Itay… ako ang magpapatuloy sa mga nasimulan mo…” pangako ni Tinoy sa kaniyang ama.
Ipinagpatuloy nga ni Tinoy ang pagiging sepulturero. Inaalalayan niya ang mga kasamahang sepulturero ng kaniyang ama. Subalit naisip ni Tinoy, hindi ito ang nais sa kaniya ng ama. Naalala niya ang madalas na bukambibig nito sa kaniya.
“Pero anak, ang gusto sana ng Itay, huwag mong sundan ang yapak ko… Mataas ang pangarap ko para sa iyo, anak, Gusto ko makatapos ka ng pag-aaral. Gusto ko maging titulado ka. Gusto ko makatapos ka ng kolehiyo.”
Ginamit ni Tinoy ang pagiging sepulturero upang masustentuhan ang sarili. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral hanggang makatapos ng high school. Nag-aplay siya ng scholarship sa kolehiyo upang makadagdag sa kaniyang allowance. Nang mga panahong iyon, itinigil na ni Tinoy ang pagiging sepulturero at nag-aplay bilang service crew sa isang fast food chain upang mas lumaki-laki ang kita, at maagdungan ang mga pangangailangan sa pag-aaral.
Makalipas ang apat na taon, napagtagumpayan ni Tinoy ang pag-aaral. Nakahanap siya nang magandang trabaho, nakaipon, at nagkaroon ng sariling pamilya.
Tinupad niya ang kagustuhan at pangarap ng kaniyang ama para sa kaniya. Utang niya ang lahat sa minanang “propesyon,” kaya naman, nagtayo siya ng negosyo na isang punerarya na alam niyang may kaugnayan din sa gawain nila ng ama. Pakiramdam niya, masayang-masaya si Mang Ipe habang tinatanaw siya mula sa langit.