Inday TrendingInday Trending
Babaeng Isusugal ang Pagkakaibigan Para sa Pag-ibig, Sa Huli’y Siya Pa Pala ang Malulugi

Babaeng Isusugal ang Pagkakaibigan Para sa Pag-ibig, Sa Huli’y Siya Pa Pala ang Malulugi

“Kamusta na kayo ni Edrian? Nagbubunga na ba ang mga pagtitiis mo?” tanong ni Sherine sa kaniya.

“Minsan gusto ko na lang din umalis, minsan pakiramdam ko wala nang natitira sa akin pero paano siya? Sino ang mag aalaga sa kaniya?” buntong hininga ni Sammy sa kaibigan.

“Baka naman hindi jowa ang hanap mo, baka gusto mo lang maging nurse o ‘di kaya naman yaya,” birong sagot ni Sherine sa kaniya.

“Ikaw naman kasi, sabi ko naman sa’yo, mahirap kapag ‘yung tao hindi pa okay,” dagdag po nito.

“Siya naman ang lumapit sa akin, siya ang tumawid mula sa pagkakaibigan at biglang ganito na lang,” malungkot na sagot ni Sammy sa kaniya.

“Ga*ga, marupok ka kasi kaya ganiyan ang sitwasyon mo ngayon! Basta ako, hindi kita huhusgahan kung iiwan mo si Edrian,” ngiting wika ni Sherine sa kaniya.

Hindi na nagsalita pa si Sammy at sumandal na lamang siya sa kaibigan.

Mag-iisang taon nang nagsasama sina Edrian at Sammy sa isang bubong. Matalik na magkaibigan ang dalawa simula noong hayskul ngunit bigla na lang umuwi sa kaniya ang lalaki na umiiyak dahil sa niloko ito ng kaniyang dating nobya. Hindi na rin naintindihan ni Sammy ang mga sumunod na nangyari basta na lang silang nagsama bilang magkasintahan o pwede na rin daw tawaging mag-asawa. Hindi naman nagtanong si Sammy sa lalaki at buong puso ring tinanggap ito kahit na alam niyang sa panahong iyon ay hindi pa ito buo.

Kinabukasan ay anibersaryo na nilang dalawa. Tahimik lamang si Sammy nang makauwi ito sa kaniyang bahay.

“Hello, love, kamusta ang araw mo?” tanong ni Edrian sa kaniya.

“Ayos naman, nagkita kami ni Sherine kanina tapos nag-deliver ako ng ilang order,” nakangiting sagot ng babae.

“Mabuti naman kung ganun, ligo lang ako tapos magpapahinga na rin. Sobrang pagod ngayon,” wika pang muli ni Edrian sa kaniya at hindi naman sumagot pa ang babae. Sa loob-loob niya’y naghihintay siya na sabihin ni Edrian na bukas ang anibersaryo nila.

“Baka naman may surprise siya sa akin bukas,” kumbinse ni Sammy sa sarili saka ito napangiti na lang at tinapos na rin ang kaniyang trabaho saka tumabi sa lalaki.

Nadatnan niyang natutulog na si Edrian at hindi na niya ito inistorbo. Halos 45 minuto na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin siya nakakatulog. Biglang bumangon ang lalaki at nagkunwari pa rin siyang natutulog. Hinalikan siya ni Edrian sa noo saka ito umupo sa tabi ng kama kinuha ang telepono at inilagay ang headset niya.

Pasimple niyang sinilip anong ginagawa nito at nakita niyang pinapatugtog ni Edrian ang paboritong kanta nila ng dati niyang nobya.

Saglit na napapikit pang muli si Sammy nang marinig niyang umiyak ang lalaki. Para siyang hindi makahinga sa kanyang naririnig na tumagal na halos 10 minuto. Tumayo si Edrian upang magbanyo at iniwan niya ang telepono. Hindi napigilan ni Sammy na tingnan ito.

Doon niya nakita na tiningnan ni Edrian ang Instagram ng dating kasintahan at nakita niyang ikakasal na ang babae. Binitiwan na niya iyon at pumikit muli.

Kinaumagahan ay maaga siyang nagising at nagluto ng almusal.

“Good morning, love, ang aga mo naman, salamat sa almusal,” bati ni Edrian sa kaniya.

“Siya pa rin pala, buong akala ko, napagaling na kita. Buong akala ko, gumaling ka na sa piling ko,” mahinang sagot ni Sammy saka ito umupo sa mesa at nagsimulang haluin ang kape niya.

“Nasasaktan ka pa rin pala, hinahanap mo pa rin ba siya?” dagdag nito.

“Love,” mahinang wika ni Edrian sa kaniya.

“Alam mo ba kung anong araw ngayon, Edrian?” tanong niyang muli sa lalaki.

“Anong mayro’n ngayon? Birthday? Sinong may kaarawan, may nakalimutan ba ako?” sagot ng lalaki sa kaniya.

Natawa na lang si Sammy habang tinitingnan ang lalaki.

“Patawarin mo ako, nakita mo ba ako kagabi? Hindi ko lang talaga maiwasan, hindi lang ako makapaniwala na ikakasal na siya sa kupal na ‘yun! Sinulot lang naman siya nun sa akin pero sila pa talaga ang magkakatuluyan,” paliwanag ni Edrian sa kaniya.

“Alam mo, totoo nga talaga, na ang magkaibigan pwede maging magkasintahan pero kapag naghiwalay na sila, hindi na pwedeng maging magkaibigan ulit,” saad ng babae.

“Love, ‘wag naman ganiyan,” singit ni Edrian sa kanya.

“Pasensiya ka na, Edrian, kung akala ko maaayos kita pero hindi pala. Kasi habang inaayos mo ‘yung sarili mo sa pamamagitan ko, ako naman ‘yung nasisira. Pakiramdam ko wala na akong tinira sa sarili ko para lang subukan ‘yung konsepto ng pagiging tayo. Pasensiya ka na kung naging marupok ako at hinayaan kitang gamitin ako, pasensiya ka na, Edrian, pero hindi ko na kaya,” ani Sammy at tumayo ito.

“Aalis ako, sana pagbalik ko wala ka na rito,” dagdag pa nito saka nga umalis ang babae.

Hindi naman siya pinigilan ni Edrian at hindi na rin nagsalita pa ang lalaki. Pagbalik din niya ng bahay ay wala na nga ito.

“Wala na siya,” wika ni Sammy sa kaibigan niyang si Sherine sa telepono.

“Tama lang ang ginawa mo, hayaan mo siyang ayusin ang sarili niya dahil siya lang ang makakagawa nun. Kung babalik man siya sa’yo, ibig sabihin kayo talaga. Pero kung hindi, ‘wag mo nang sayangin ang buhay mo sa taong hindi nararapat sa pagmamahal mo,” sagot ng kaibigan niya.

Hindi na sumagot pa si Sammy at umiyak na lamang ito. Ibibigay niya muna ang gabing ito para sa kaniyang sarili upang masaktan at umiyak. Mahal na mahal man niya si Edrian ngunit tama si Sherine, hindi niya magagawang ayusin ang tao kahit anong gawin niya. Hindi man daw sila magkakakatuluyan ay may natutunan naman siya sa kanilang pagsasama at ito ang palagi niyang maalala na hindi kailanman dapat piliin ng babae ang isang sitwasyon na alam niyang talong-talo siya sa huli.

Advertisement