Inday TrendingInday Trending
Pinangarap ng Lalaki na Manirahan sa Mall o Magkaroon Man Lamang ng Bahay na Kasinlaki at Kasinlawak Nito; Makamit Kaya Niya Ito?

Pinangarap ng Lalaki na Manirahan sa Mall o Magkaroon Man Lamang ng Bahay na Kasinlaki at Kasinlawak Nito; Makamit Kaya Niya Ito?

Bata pa lamang si Edgar, alam na niya sa sarili niya ang nais niyang makamit.

“Hindi pa rin ba nababago ang pangarap mo, Edgar? Gusto mo pa ring tumira sa mall?” natatawang tanong sa kaniya ni Patty, ang kaniyang ina.

“Opo, Nanay. Pakiramdam ko po kasi lahat ng kailangan ko, naroon na.”

Masasabing “laking mall” si Edgar dahil bata pa lamang ay lagi na siyang ipinapasyal ng kaniyang Nanay at Tatay sa mga mall. Tuwang-tuwa si Edgar kapag nasisilayan na niya ang malaking entrance ng mall. Gustong-gusto niya ang lamig na yumayakap sa kaniya, sa labas pa lamang. Nakangiti niyang aapiran ang mga security guards na mangangapkap at magsisiyasat sa laman ng bag ng mga pumapasok.

Pagpasok sa loob ng mall, magpapadausdos na siya sa puti at madulas na tiles. Sasawayin naman siya ng kaniyang Nanay. Baka raw madapa siya at mabagok ang kaniyang ulo. Paborito niyang puntahan ang itaas na bahagi ng mall kung saan naroon ang amusement center. Doon, hahayaan siya ng kaniyang Tatay na maglaro nang maglaro ng arcades. Iniipon nila ang mga ticket na lumalabas mula sa mga makina at ipinapalit nila sa mga collectible items.

Pagkatapos maglaro, kakain na sila sa kahit na saang maibigan nilang restaurant o fast food chain, o kaya naman ay manonood ng sine kapag may magandang pelikula.

Kaya naman naisip ni Edgar. balang araw, magpapatayo siya ng isang mall. Doon siya titira sa kaniyang pagtanda. Lagi siyang pinagtatawanan ng kaniyang mga kaklase, at maging mga guro, sa tuwing ito ang binabanggit niya kapag tinatanong kung ano ang pangarap nila sa kanilang pagtanda.

Ngunit sa batang puso ni Edgar ay seryoso siya. Gusto niya talagang tumira sa isang mall, o magpatayo ng isang bahay na kasinlaki ng mall upang tirhan.

“Masama bang mangarap na magkaroon ng bahay na kasinlaki ng mall, o kaya tumira mismo sa mall, ‘Nay?” tanong ni Edgar sa kaniyang Nanay.

“Hindi naman, ‘nak. Kung iyan talaga ang gusto mo, sundin mo ang isinisigaw ng puso mo. Walang makakaawat sa iyo kung kasinlaki ng mall ang pangarap mo.”

Kaya naman nagsumikap sa kaniyang pag-aaral si Edgar. Tiniyak niyang magiging honor student siya kada taon. Hindi niya binigo ang kaniyang mga magulang. Siya ang nagkamit ng pinakamataas na karangalan nang magtapos siya sa Senior High School.

“Anak, anong gusto mong kuning kurso sa kolehiyo?” tanong ng kaniyang Tatay.

“Gusto ko pong maging Engineer para magawa ko po ang pangarap kong bahay na kasinlaki ng mall,” walang kagato-gatol na sagot ni Edgar.

“Hindi pa rin talaga nababago ang pangarap mo ah? Sige lang anak. Suportahan ka namin sa gusto mong mangyari sa buhay mo,” sabi ng kaniyang Tatay.

At kumuha nga siya ng kursong Engineering. Matuling lumipas ang panahon. Nakatapos siya sa kaniyang kurso, at siya pa ang ginawaran ng pagka-Summa Cum Laude. Hindi siya nahirapan sa pagkuha ng trabaho: sa katunayan, dahil sa kaniyang husay, ang mga kompanya pa ang nagkakandarapa sa pagkuha sa kaniya.

Hindi niya ginagastos ang naging suweldo niya upang makaipon ng malaking pera upang maipagawa na ang pangarap niyang bahay na mala-mall. Pursigido siya na maging kauna-unahang Pilipino, o tao sa buong mundo, na ang bahay ay tila isang malaking mall. Hanggang sa magkaroon siya ng sapat na pera at sinimulan na ang kaniyang pagpapatayo nito.

Makalipas ang tatlong taon, nabuo na rin ang pangarap niyang bahay na kasinlaki ng isang mall. Humanga ang mga tao sa kaniya, lalo na ang kaniyang mga kaibigan at kakilalang nakakaalam na talaga namang umpisa pa lamang, ito na ang nais niyang makamit. Mistula talaga itong isang mall: may elevator, may escalator, at napakalawak.

Dahil dito, sumikat si Edgar at nakilala hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong daigdig. Naitala pa siya sa “Most Amazing People in the World” at nakuha ang titulong “Kauna-unahang Taong Nagkaroon ng Isang Bahay na Mall.” Lahat ng makikita sa tipikal na mall ay makikita sa ipinagawa niyang bahay.

“Wala pong imposible sa pag-abot ng inyong pangarap basta’t gugustuhin, kahit kasinlayo pa iyan ng North Pole, o kasinlaki ng mall,” laging sinasabi ni Edgar sa mga panayam sa kaniya, at sa tuwing maiimbitahan siyang maging tagapagsalita sa mga pormal na events kagaya ng graduation ceremony sa mga paaralan.

Hindi naglaon, nakakilala si Edgar ng babaeng nagpatibok sa kaniyang pusong may malaking pagmamahal at malaking pangarap. Bumuo sila ng sarili nilang pamilya na pupuno sa lawak ng bahay na mall.

Advertisement