Pinaghinalaan nang Masama ang Isang Propesor Dahil Puro Magagandang Estudyante ang Pumapasok sa Kwarto Nito; May Katotohanan Kaya Ito?
Dali-daling nagtungo ang college instructor na si Ms. Tupaz sa kaniyang mga kaibigang sina Ms. Romualdez at Mr. Bayao. May nasagap na naman siyang tsismis kaya hindi maaaring hindi niya kaagad ipamalita sa kaniyang kaibigan.
“Makinig kayo… nakita ko na naman na maraming mga babaeng estudyante natin ang pumapasok isa-isa sa faculty room ni Mr. Dimaculangan. Mukhang lumalakas ang hinala ko na may kababalaghang ginagawa iyan sa mga estudyante niya. Ang gaganda at ang kikinis, parang wala akong nakitang lalaki,” balita ni Ms. Tumpaz. Si Ms. Tupaz ay nagtuturo ng Psychology.
“Na naman? Naku… oo nga… hindi na bago ang mga ganiyan dito sa university natin. May mga natanggal na dati na nahuling may ginagawang milagro sa faculty room,” saad naman ni Mr. Bayao na nagtuturo naman ng Humanities.
“Kayo naman… huwag kayong judgmental! Baka naman nagkataon lang iyan. Huwag kayong mambintang sa kapwa ninyo at baka mamaya eh hindi naman totoo. Mapapahamak pa tayo niyan eh,” saway naman ni Ms. Romualdez sa kaniyang mga kaibigan.
“Eh kasi naman, hindi ba’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapapunta ng estudyante sa faculty room lalo na kung opposite sex? Malay ba natin kung sino ba iyang Mr. Dimaculangan na iyan. Eh bago lang iyan. Baka may ginagawang milagro, nakakatakot naman na mapulaan ang ating paaralan,” giit ni Ms. Tupaz.
“Naku Ms. Tupaz tiyakin mo muna na tama ang hinala mo bago ka magsalita ng mga ganiyan at baka may makarinig sa iyo. Mabuti pa ay alamin muna natin ang lahat,” paalala naman ni Mr. Bayao.
Subalit hindi pa man natatapos ang sasabihin ni Mr. Bayao ay lumabas na ang isang babaeng estudyante na pawis na pawis at lukot-lukot ang suot na uniporme. Kitang-kita nila mula sa faculty room na kinalalagyan nila na inayos-ayos ng estudyante ang nalilis na palda nito, kinuha ang panyo sa bag, at pinunasan ang mukhang basang-basa sa pawis.
“Nakita n’yo iyon? Siya yung nakita kong pumasok na estudyante kanina. Kanina hindi naman iyan pawis na pawis. Bakit ngayon, tumatagaktak ang pawis niya, at gusot-gusot na ang uniporme? I think something is going on. Anong gagawin natin?” nababahalang sabi ni Ms. Tupaz. Hindi rin makapagsalita ang dalawang kasamahan.
“B-Baka naman mainit sa loob ng faculty room ni Mr. Dimaculangan. Ikaw talaga…” pat*y-malisyang sabi ni Ms. Romualdez, pero hindi niya maiwasang magtaka rin sa hitsura ng kanilang estudyante.
“Paanong mainit eh may aircon lahat ng faculty room dito. Halina at isumbong natin iyan sa Dean,” aya ni Ms. Tupaz.
Nagtungo ang tatlo sa tanggapan ng dekana subalit wala ito dahil may pinanonood daw na audition para sa isang dulaan na gagawin ng kanilang paaralan.
“Ang mabuti pa, magtungo na tayo sa faculty room ni Dimaculangan at hulihin natin sa akto!” mungkahi ni Mr. Bayao.
“O, akala ko ba huwag muna manghusga? Bakit ikaw ngayon ang atat na malaman ang totoo?” tanong ni Ms. Tupaz.
“Eh… nacurious na rin ako sa nakita ko eh. Tara na!” aya ni Mr. Bayao.
Ilang saglit lamang at nasa tapat na sila ng pinto ng faculty room ni Mr. Dimaculangan.
“Biglain mo… buksan mo kaagad ang pinto at huwag nang kumatok para mahuli natin sa akto,” mungkahi ni Ms. Tupaz.
Gayon nga ang ginawa nila. Subalit pagpihit ni Mr. Bayao sa seradura ng pinto, naka-lock ito. Ilang beses niya itong pilit buksan subalit naka-lock talaga.
“Naloko na… naka-lock! Mukhang may katarantaduhan ngang ginagawa ang hayop na ito ah…” bulong ni Mr. Bayao.
Lalo silang nataranta nang marinig nila ang pagsigaw ng isang batang estudyante ng “Huwag po! Huwag po! Maawa po kayo sa akin!” na tila ba umiiyak.
“Katukin mo na… katukin mo na!” utos naman ni Ms. Romualdez. Sunod-sunod na katok ang ginawa nina Mr. Bayao at Ms. Tupaz sa pinto na tila ba mawawasak na ito.
Bumukas ang pinto. Tumambad si Mr. Dimaculangan.
“Anong nangyayari dito? Anong ginagawa mo sa mga bata? Napakasama naman ng ugali mo at dito mo pa ginagawa ang kababuyan…”
Napahinto si Ms. Tupaz sa pagsasalita at napamaang. Nakatingin sa kanila ang maraming mga estudyante, na hindi lamang mga babae kundi mga lalaki rin, gayundin ang ilan nilang mga kapwa-propesor kabilang na ang Dean.
“What’s going on here?” tanong ng Dean.
“A-akala n-namin kung a-ano na pong… nangyayari sa loob…” pahiyang-pahiyang tugon ni Ms. Tupaz. Gusto nilang lamunin na lamang ng lupa sa mga sandaling iyon.
“Would you like to join us? Nag-screen kami ng mga auditionees for our play na gagawin sa Foundation Week Celebration natin. Since Mr. Dimaculangan is our Speech and Theater Arts instructor, sinasamahan ko siya to screen them and say my final recommendations,” nakangiting sabi ng Dean.
Kaya pala may mga tumitili-tili at sumisigaw-sigaw dahil ang role pala na hinahanap nila ay si Sisa mula sa nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal.
Nang matapos ang audition, humingi ng paumanhin ang tatlong propesor sa Dean, lalo na kay Mr. Dimaculangan na napag-isipan nila nang masama. Hiyang-hiya sila sa mga nangyari.
“I commend you all dahil ipinakikita ninyo na vigilant kayo sa mga nangyayari sa loob ng campus. Walang masama riyan. I think tama lang na maging observant kayo sa mga nangyayari, pero ang hindi ko gusto, nagbigay kaagad kayo ng judgment, na hindi pa ninyo inaalam ang totoo,” sabi ni Dean sa kanilang tatlo.
Pinatawad naman ni Mr. Dimaculangan ang tatlong kasamahan. Ipinangako ng tatlo na hindi na mauulit pa ang kanilang ginawa.