Inday TrendingInday Trending
Uutang Ngunit Saka na Lamang Daw Babayaran ng Lalaking Ito, Bato Lang pala ang Gigising sa Kaniyang Bisyo

Uutang Ngunit Saka na Lamang Daw Babayaran ng Lalaking Ito, Bato Lang pala ang Gigising sa Kaniyang Bisyo

“Anak, mukhang bago na naman ang telepono mo? Saan mo kinuha ang pera?” tanong ni Aling Dandan, nanay ng binata.

“Nag-loan ako sa SM, ma, tapos binenta ko na ‘yung luma. Hindi na kasi maganda, hindi na ako makapaglaro ng maayos, sasali ako sa paligsahan ng Mobile Legends,” sagot ni Junel, ang anak ale habang nilalaro ang bagong telepono nito.

“Anak, ang dami mo pang utang hindi ba? Bakit umutang ka na naman?” baling ng ale sa kaniya.

“Ano ba yan, ‘ma! Ito na nga lang libangan ko, nagtratrabaho naman ako kaya makakabayad ako! Huwag kayong mag-alala!” baling din ni Junel sa kaniyang nanay at saka ito lumabas. Napailing na lang si Aling Dandan sa kaniyang anak.

Kaliwa’t kanan ang utang ni Junel simula nung nagkatrabaho ito. Ayos naman sana noong una na nasa call center pa ito pumapasok ngunit ngayon ay natanggal ang lalaki at nagtrabaho na lang sa malapit na pabrika na sa kanila ay sobrang lumiit ang kinikita nito. Ang motor at iba pang mga binibili ng anak niya ay nagmula sa utang o hulugan na siyang pinangangambahan ngayon ng ale dahil nagpapataong-patong na at hindi na rin nakakatulong ang binata sa mga gastusin nila sa bahay o kahit sa pagkain man lang.

“Pareng Junel, baka naman makakapagbayad ka na sa akin ngayon? Hinahanap na kasi ni misis at kailangan daw namin,” wika ni Balong, kapitbahay at barkada ng binata.

“Naku, pasensiya ka na, Balong, sakto lang ang kinita ko ngayon sa pabrika. E binigyan ko pa si mama pang-upa ng bahay at pangbayad ng kuryente, baka naman pwedeng sa susunod na kayo,” sabi ni Junel habang abala sa kaniyang bagong telepono kahit kasinungalingan lamang ang lahat ng iyon.

“Naku, baka naman kami ang maputulan ng kuryente niyan. Kasi sabi mo ngayon ka magbabayad, saka mukhang bago ‘yang telepono mo, pare,” sagot ni Balong sa kaniya sabay titig sa ginagamit ng lalaki.

“Walang basagan ng trip, p’re,” natatawang sabi nito.

“Pareng Junel, huwag mo sana akong pinagloloko dahil kami nagpapahiram ng pera sa mga nangangailangan pero hindi sa mga abusado,” sagot ni Balong muli sa kaniya.

“Balong, para kang g*go, lasing ka na naman yata at ako ang pinag-iinitan mo! Ako na bahala magsabi kay kumare bukas para sa utang ko tutal siya naman ang may pera sa inyo,” naiinis na sinabi ni Junel sa kaibigan.

“G*go ka rin talaga, Junel!” gigil na sagot sa kaniya ni Balong saka mabilis na nahablot ang telepono niya.

“T*ng ina akin na ‘yan! Put*ng*na naman, Balong! Para kang tang*, babayaran ka nga! Akin na ‘yan!” baling ni Junel at mabilis na hinabol ang lalaki.

“Saka muna kuhanin ito kapag bayad ka na, huwag ako, Junel, t*ng ina mo rin!” sagot ni Balong saka niya mabilis na tinalikuran ang binata at binulsa ang telepono..

“T*ng ina, Balong, akin na ‘yan!” sigaw ni Junel at mabilis na sinundan ang lalaki saka ito nakipag-agawan. Naramdaman kaagad ni Junel na nagmumukha na siyang tanga sa pakikipag-agawan ng telepono kay Balong kaya naman sa sobrang inis niya ay kumuha siya ng bato at ipinukpok ng malakas sa ulo nito. Saglit na napahinto si Balong at hinawakan ang ulo niya saka umagos ang dugo at nagsigawan ang mga tao. Hindi pa rin tinigilan ni Junel ang pagpukpok sa kaibigan hanggang sa nawalan ito ng malay.

Mabilis na nagkagulo at hindi na rin namalayan ni Junel ang mga sumunod na nangyari basta ang naalala niya ay walang tigil niyang binanatan ang kaibigan at sunod-sunod na ipinukpok ang bato sa lalaki. Inaresto siya kaagad ng pulis at kaagad na nakulong sa salang pagpat*y kay Balong.

“Pare, ano, tutuloy ba tayo sa pagkuha ng bagong cellphone? Nakatulog ka na naman! Kahit kailan ka talaga! ” gising ni Waldo, katrabaho ng lalaki.

“Bakit pawis na pawis ka?! ‘Wag mong sabihin sa aking naglil*bog ka sa panaginip mo!” natatawang biro pa nito sa kaniya.

“T*ng ina, buti panaginip lang! Hindi na ako kukuha ng telepono, marami pa akong utang!” bulalas ni Junel saka ito mabilis na tumayo at umuwi sa kanila.

Simula noon ay hindi na siya umutang pang muli at mas minabuting matapos muna ang mga pinagkakautangan niya dahil sa takot na magkatotoo ang panaginip niya. Sa tuwing babalakin kasi niya na umutang muli ay mananaginip na naman siya ng masama kaya naman natuto na siya. Ito na nga raw siguro ang senyelas na binibigay sa kaniya ng Diyos na wala siyang mapapala sa pangungutang para sa luho niya.

Advertisement