Pinagbintangan ng Isang Kostumer ang Waitress na Kumuha ng Pitaka Nito; Paano Nga Ba Lalabas ang Katotohanan?
Hindi inaasahan ni Mariz ang pagtungayaw sa kaniya ng pinagsisilbihang customer nang hindi niya sinasadyang matabig ang kopita ng tubig sa mesa nito. Si Mariz ay isang working student. Tuwing umaga, siya ay nag-aaral. Sa gabi siya nagtatrabaho bilang waitress.
“Ano ba naman iyan, miss? Tatanga-tanga ka. Ayusin mo nga trabaho mo,” sabi sa kaniya ng ginang. Posturang-postura ito at maraming alahas sa katawan. Mag-isa lamang ito at mukhang may hinihintay.”
Dahil “customer is always right” at may punto naman ito, magalang na humingi ng paumanhin si Mariz sa ginang.
“I’m so sorry po, Ma’am. Hindi ko po sinasadya,” hiyang-hiyang sabi ni Mariz. Nakatingin na sa kanila ang lahat. Nakamata na rin sa kaniya ang mga kasamahan.
“Umalis ka nga sa harap ko at baka ipatawag ko manager mo,” bastos na angil sa kaniya ng customer.
Dali-daling bumalik si Mariz sa likod na bahagi ng restaurant na katabi ng kanilang kitchen kung saan inihahanda ang mga pagkain.
“Ano ba kasing nangyari?” dalo sa kaniya ni Jona, kasamahan niya, na nakasaksi ng mga pangyayari.
“Kasalanan ko naman talaga. Hindi ako nag-iingat eh,” paliwanag ni Mariz.
“Okay ka lang ba? Masama ba pakiramdam mo?” nag-aalalang tanong ni Jona.
“Hindi naman. Puyat lang siguro kasi exam week na. Pero ayos lang ako huwag kang mag-alala,” sabi ni Mariz.
“Oh sige ha… balik na ako sa trabaho,” sabi ni Jona. Kinuha nito ang mop upang maglinis na.
Kumukuha ng kursong BS Office Administration si Mariz sa isang state university. Irregular student siya dahil nga sa kaniyang pagtatrabaho sa gabi. Exam week na kasi kaya minsan, isinisingit niya ang pag-aaral kaya nawawalan na siya ng panahon para magkaroon ng sapat na tulog.
Maya-maya, narinig ni Mariz ang tinig ng ginang na natabigan niya ng tubig sa mesa. Nasa counter ito at tila may inaaway.
“Nasaan yung waitress kanina na tatanga-tanga? Nawawala ang pitaka ko! Siya lang naman ang lumapit sa akin kanina eh,” galit na galit na sabi nito. Kausap na nito ang kanilang manager, na kahit nasa gitna ng eskandalo ay nananatili pa ring kalmado.
“Ma’am, kalma lang po kayo. Tatawagin ko po siya…”
“Manager, narito na po ako. Ano pong atin, Ma’am?” mahinahong tanong ni Mariz.
Tila nanghahamon ng away, hinarap ng ginang si Mariz at dinuro ito sa mukha.
“Ilabas mo ang pitaka ko. Nawawala. Ikaw lang naman ang lumapit sa akin kanina! Siguro modus mo ang kunwari matatabig ang baso ng biktima mo, para nga naman malingat at magawa mo ang pakay mo!”
“Ma’am, mawalang-galang na po… pero hindi ko po magagawa ang ibinibintang ninyo. Hindi po ako magnanakaw,” mahinahong paliwanag ni Mariz.
“Hoy… unang kita ko pa lang sa iyo mabigat na ang dugo ko sa iyo. Sa hitsura mo pa lang alam kong kailangang-kailangan mo ng pera. Kung gusto mo ng tulong o limos, sabihin mo lang sa akin, hindi iyong nanakawin mo ang pitaka ko,” bulyaw sa kaniya ng ginang. Sinasadya nitong iparinig sa lahat ang kaniyang mga sinasabi. Nagsisimula nang magbulungan ang iba pang mga customer.
Namagitan na ang kanilang manager.
“Ma’am, excuse me po… pero Mariz is one of our staff na honest and responsible. Siguro po, may pagkakamali siya kanina sa inyo, but it doesn’t guarantee na siya po ang kumuha ng wallet ninyo. Hanggang wala pong ebidensiya, at hindi po napapatunayan, my staff is innocent and not guilty. Pero I’m very sorry to hear na nawawalan kayo ng valuable thing.” mahinahong paliwanag ng manager.
“Ah ganoon? So ibig sabihin, walang safety and security dito sa restaurant ninyo? Aba, so hindi na dapat pala pinupuntahan ang restaurant na ito dahil hindi ninyo kayang i-secure ang mga gamit—“
Nahinto ang ginang sa pagsasalita nang dumating ang isang matandang lalaking mukhang driver nito, hawak ang isang malaking pitaka.
“Ma’am, wallet po ninyo, naiwan po yata ninyo sa kotse.”
Tinakasan ng kulay ang ginang.
“N-nasa kotse?” nauutal na pagkukumpirma nito sa driver.
“Opo Ma’am, nasa lapag po. Baka po nalaglag ninyo kanina na hindi namamalayan.”
Kitang-kita ng ginang ang pagpigil ng tawa ng mga customers na nakasaksi sa kaniyang pagmamaldita. Isang babaeng matanda ang biglang nagsalita.
“Bago ka mambintang tiyakin mo munang tama. Wala kang breeding, ale.”
Pahiyang-pahiya ang ginang. Subalit hindi ito humingi ng paumanhin kay Mariz. Sa halip, lumabas na lamang ito ng restaurant at ibinunton ang galit sa driver niya, dahil sa ginawa nito: napahiya tuloy siya.
“Salamat po, manager…” naiiyak na pagpapasalamat ni Mariz sa kanilang mabait na manager.
“Wala iyon… mas naniniwala ako sa iyo, sa inyo. Ako na ang humihingi ng paumanhin sa ginawa ng babaeng iyon. Minsan, the customer is not always right,” tugon ng kanilang manager.
Kinabukasan, naging viral sa social media ang naturang ginang dahil may mga nakakuha pala ng video sa isa sa mga customer sa restaurant. Umani ng maraming galit na reaksyon mula sa mga netizens ang naturang matapobreng ginang.
Si Mariz naman ay patuloy lamang sa kaniyang ginagawa bilang working student. Walang dahilan upang maging malungkot dahil naniniwala sa kaniyang kakayahan at kredibilidad ang kaniyang mga kasamahan. Balang araw, magiging matagumpay rin siya at hindi niya gagawin ang pangmamata o panghahamak sa kapwa, kapag mayaman na rin siya.
Kaya naman hindi maganda ang maidudulot ng panghuhusga at pambibintang sa ating kapwa. Bago mo punahin ang putik ng iba, punasan mo muna ang sariling putik sa iyong mukha.