May Maituturing na Perpektong Pamilya ang Bata Hanggang sa Isang Trahedya ang Nangyari; Paano Nito Mababago ang Kaniyang Buhay?
Kapag nalulungkot si Chef Kevin, sinasariwa niya ang mga panahong buong pamilya silang nakaharap sa mesa sa kusina, at naghahanda ng kanilang pananghalian o hapunan.
Pangungunahan ito ng kanilang amang si Mang Eddie, pagkatapos ang kaniyang mabait na inang si Aling Diana ay lagi namang nakaalalay. Mas alam niya kasi kung saan nakatago ang mga kagamitan sa kusina.
Siya naman, si Kevin, na noon ay sampung taong gulang, ay masayang pagmamasdan at panonoorin ang paghihiwa ng mga rekados ni Mang Eddie. Masarap magluto ang kanilang ama. Lahat yata ng klaseng putahe ay niluluto nito. Ang kaniyang kapatid naman na si Leila ay tagakuha ng larawan.
Masasabing maalwan at masaya ang simpleng pamumuhay nila. Subalit nagbago ang lahat nang bigla na lamang silang atakihin ng mga akyat-bahay, isang gabing mahimbing na silang natutulog. Kinuha ang lahat ng mga alahas ng kaniyang ina, lahat ng cash na nakatago sa kanilang mga vault. Hindi pa sila doon nakuntento: binawian din nila ng buhay ang kaniyang ama, ina, at maging ang kapatid na Leila, na bago pasl*ngin ay pinagsamantalahan muna. Masuwerteng nakaligtas si Kevin dahil nagtago siya sa isang malaking cabinet.
Sising-sisi si Kevin kung bakit nangibabaw sa kaniya ang takot ng mga sandaling iyon. Hindi man lamang niya naipagtanggol ang kaniyang mga magulang. Bata pa kasi siya noon. Hindi na niya matandaan kung paano naiburol at nailibing ang kaniyang mga mahal sa buhay. Ang natatandaan lamang niya, naglayas siya dahil pilit siyang isinasama ng kaniyang Tita Delia patungong Australia.
Simula noon ay naging lagalag si Kevin. Hindi niya alam kung may humahanap ba sa kaniya o wala. Ayaw niya sa ibang bansa. Ang gusto niya, dito lamang sa Pilipinas dahil narito ang kanilang bahay na naging dambana ng kaniyang mga matatamis na alaala kasama ang pamilya. Sa isang iglap, nagbago ang takbo ng buhay ni Kevin. Nawalan siya ng direksyon. Hindi niya alam ang gagawin.
Minabuti ni Kevin na sumama sa mga batang siga-siga, na kagaya rin niya ay naglalagalag at tumakas sa kani-kanilang mga pamilya; iba-iba ang kanilang mga kuwento, iba-iba ang mga pinagdaanan. Natuto at nasanay si Kevin na magnakaw at mandugas para lamang mabuhay. Hanggang sa natutuhan niya ring gumamit ng rugby at solvent na madalas niyang nakikitang ginagamit ng kaniyang mga kasama.
Hanggang isang araw, nanghablot ng cellphone si Kevin. Dali-dali siyang nagtatatakbo. Sa kaniyang pagtakbo at pag-iwas na masukol ng may-ari nito, hindi niya namalayang nasa kalsada na siya. Huli na ang lahat. Hindi siya nakaiwas sa humahagibis na kotse. Tumilapon siya at nagdilim ang lahat sa kaniya.
Pagkagising niya, isang babaeng nasa katanghaliang-tapat na ang edad ang dumalo sa kaniya.
“Mabuti na lamang at nagising ka na, ‘Toy. Patawarin mo ako. Sino ba ang mga magulang mo para mapuntahan natin at maisauli na kita?” Kailangang maipagbigay-alam natin ang nangyari sa iyo,” saad nito.
Umiling lamang si Kevin.
“Wala ka nabang mga magulang?”
“Wala na… wala na silang lahat. Ako na lang mag-isa…”
Naawa ang babae at ipinasya nitong iuwi na lamang siya sa bahay. Mag-isa lamang pala ito sa buhay, subalit napakayaman nito.
“Simula ngayon, ako na ang kikilalanin mong nanay, ayos lamang ba iyon?” sabi ng babaeng nakasagasa sa kaniya, na nagngangalang Esmeralda.
Subalit tila naging bato ang puso ni Kevin. Nagpasaway siya kay Esmeralda. Puro sakit ng ulo ang ibinigay niya. Hanggang isang araw ay magkasakit na si Esmeralda dahil sa pangungunsumi kay Kevin.
Dahil nakonsensya, sinubukan ni Kevin na gawan ng sopas si Esmeralda. Naalala niya, ito ang niluluto ng kaniyang amang si Mang Eddie kapag masama ang pakiramdam ng kanilang ina.
Laking-gulat ni Esmeralda sa naging akto ni Kevin. Subalit mas nagulat siya dahil sa napakasarap na sopas na inihanda nito.
“Ang sarap mo naman magluto. Bata ka pa pero ang sarap ng pagkakaluto mo. Saan mo natutunan ito?” tanong ni Esmeralda.
At nahihiya man at hindi pa masyadong kampante, isinalaysay ni Kevin kay Esmeralda ang mga nangyari sa kaniya. Tahimik lamang na nakikinig si Esmeralda.
“Anak… nalulungkot ako sa mga nangyari sa iyo. I’m sorry. Pero may pag-asa pa. May pag-asa pa para itama mo ang lahat.”
Magmula noon, unti-unting napalapit ang loob ni Kevin kay Esmeralda. Pinag-aral niya ito. Subalit hindi lamang iyon, nagtayo ng isang restaurant si Esmeralda, at ginawa niyang pinakabatang chef si Kevin. Si Kevin ang gumagawa ng timpla sa lahat ng mga menu na inihahain sa naturang restaurant. Hanggang sa maging sikat si Kevin dahil sa kaniyang gulang, siya ang tinaguriang “pinakabatang chef.”
Hanggang sa kolehiyo, kumuha ng Culinary Arts si Kevin upang mas mapag-igi pa ang kaniyang kasanayan sa pagluluto. Pinag-aral din siya ni Esmeralda sa ibang bansa upang matutuhan pa ang iba’t ibang putaheng dayuhan. Dumating ang sandaling si Kevin na ang namamahala sa mga branches ng kanilang restaurant na ipinagkatiwala ni Esmeralda sa kaniya.
“Chef, okay na po ang lahat…” basag sa pagmumuni-muni ni Kevin ng isa sa kaniyang mga assistant.
“Oo, talagang okay na ang lahat…” wala sa loob na nasabi ni Kevin.
“Sir? Ano po iyon?” nagtatakang tanong ng assistant.
“Ay… ibig kong sabihin, sige… pupunta na ako sa kusina,” sagot ni Kevin sa assistant chef, na ang tinutukoy pala ay ang mga rekados na ipinahanda niya upang tumuklas ng panibagong resipi sa kanilang restaurant.
Masaya si Kevin dahil sa tuwing nakakaluto siya ng mga putaheng mula sa resipi ng kaniyang ama, pakiramdam niya ay nariyan lamang ang kaniyang pamilya sa tabi, ginagabayan siya sa buhay upang maging maayos na ang lahat.