Inday TrendingInday Trending
Hindi Pagkakaunawaan ang Magiging Mitsa ng Kanilang Buhay; Isang Misteryo ang Magliligtas sa Kanila sa Kapahamakan

Hindi Pagkakaunawaan ang Magiging Mitsa ng Kanilang Buhay; Isang Misteryo ang Magliligtas sa Kanila sa Kapahamakan

Kasabay ng masigabong buhos ng ulan ay ang manaka-nakang pagliliwanag ng langit dahil sa pagkidlat na may nakabibinging kulog.

Mabilis ang pagpapatakbo ni Rommel ng sasakyan, tila hindi alintana ang daan na halos hindi na maaninag sa dilim at sa lakas ng ulan.

“Love, dahan-dahanin mo naman ang pagpapatakbo’t baka madisgrasya tayo,” mabining saway ni Josie sa kasintahan.

“Love, alam mo, masyado ka talagang matatakutin. ‘Wag kang mag-alala, hahayaan ko ba naman na may mangyaring masama sa’yo?” saglit na nilingon ni Rommel ang babae na alumpihit sa kinauupuan nito.

“Alam ko naman na hindi ka gagawa ng ikapapahamak natin, pero mabuti na ‘yung maingat lalo na at hindi kagandahan ang panahon,” pangangaral ni Josie sa kasintahan.

“Oo na po, babagalan na po.”

Walang nagawa si Rommel kung hindi magpatianod sa kagustuhan ng kasintahan. Alam kasi ng lalaki na hindi titigil si Josie hangga’t hindi siya sumusunod sa gusto nito.

Ngunit ilang sandali lamang ang lumipas ay napansin ni Josie na muli na namang bumalik ang kasintahan sa dati nitong bilis.

Inis na napabuntong hininga si Josie. Napakatigas talaga ng ulo ni Rommel. Isa ito sa mga bagay na kinaiinisan niya sa lalaki.

Maririnig ang inis mula sa tinig ni Josie nang muli siyang magsalita.

“Rommel, ano ka ba naman? Bakit hindi ka nakikinig?” mataas ang boses na muling saway niya sa katipan.

“Ano na naman ba ‘yun? Pagod na pagod na ako at gusto ko nang makauwi, pwede bang mag-chill ka na lang muna diyan?” inis na ring sagot ng lalaki.

“Ang sa akin lang naman ay mag-ingat ka naman! Wala namang kaso sa akin ang matulin mong pagpapatakbo kung regular na araw lang, kaso hindi mo ba nakita ang panahon? Baka maaksidente tayo!” pilit na pagapaunawa ni Josie sa kasintahan.

“Ganyan ka na lang lagi, gusto mo, ikaw lagi ang nasusunod! E ‘di sana ikaw na lang ang nagmaneho kung maya’t maya mo naman pala akong didiktahan!” galit na panunumbat na lalaki.

Tigagal si Josie. Hindi niya inaasahan na ang simpleng pananaway niya sa kasintahan ay mamasamain nito.

Nagpatuloy ang malakas na sigawan ng magkasintahan sa loob ng kotse, habang hindi nila alintana ang naghihimagsik na panahon.

Walang handang magparaya sa dalawa.

“E ‘di ako na ang magmamaneho! Ihinto mo ang sasakyan!” matigas na utos ni Josie sa kasintahan.

“Hindi! Magsasayang pa tayo ng oras para lang sa kapritso mo!” maanghang na sagot ni Rommel.

Sagad na sagad na ang pasensiya ni Josie. Ang sumunod na lumabas sa kaniyang bibig ay ang mga salitang parehong hindi nila inasahan.

“Kung ganito lang din naman tayo! Ayoko na sa’yo! Hindi na ako magpapakasal sa’yo!” galit na sigaw ni Josie.

Nagimbal si Rommel sa sinabi ng babae.

“A-nong sinasabi mo? Makikipaghiwalay ka sa akin–”

Hindi na nito natapos ang nais sabihin dahil sa liwanag na nagmumula sa kasalubong nilang sasakyan.

Nagimbal ang magkasintahan dahil babangga sila sa isang sasakyan. Isang sasakyang may bulaklak sa harapan ang kasalubong nila.

Ngunit mas nanlaki ang mata ng magkasintahan nang masipat ang dalawang taong nakasakay sa sasakyan.

Ang lalaki sa likod ng manibela ay nakasuot na barong na pangkasal – ngunit kakila kilabot ang itsura nito dahil sa mukha nitong halos hindi na makilala dahil ang mukha nito ay balot ng sugat at dugo. Makikita rin sa suot nito ang mga mga patak ng likidong nagmantsa sa suot nitong barong na kulay krema.

Kalunos lunos din ang itsura ng babaeng nakasuot ng traje de boda. Makikita sa mukha nito ang sakit na iniinda mula sa kung anong nakatusok sa bandang dibdid nito. Ang dapat sana ay puting daming pangkasal ay nagkulay pula dahil sa masaganang dugo na bumubulwak sa dibdib nito.

Napatili si Josie sa nasaksihan habang saglit na natigagal si Rommel sa nakitang tagpo.

Mabuti na lamang at bago sila tuluyang bumangga sa kasalubong na sasakyan ay naikabig ni Rommel ang manibela pakaliwa dahilan upang tumama sila sa isang puno.

Dahil hindi gaanong malakas ang impact ng pagtama ng kanilang sasakyan sa puno, wala sa magkasintahang Josie at Rommel ang malubhang nasaktan. Kaunting galos at sugat lamang ang kanilang tinamo.

Nang tuluyang makalabas sa sasakyan ang agad nilang iginala ang paningin upang hanapin ang isa pang sasakyan na sangkot sa malubhang aksidente subalit hindi na nila muli pang nakita ang sasakyan.

Nang rumesponde ang mga pulis at ambulansiya ay inusisa ng magkasintahan kung mayroon pang ibang aksidenteng naiulat sa ‘di kalayuan.

“Wala ho, bakit ho, may nabangga ho ba kayong ibang sasakyan?” kunot noong tanong ng pulis.

“Kasi ho muntik na kaming bumangga sa isang sasakyan ng isang ikakasal. May bulaklak sa harapan ng sasakyan. May nakasakay na lalaking nakabarong at babaeng naka-traje de boda. Pareho silang duguan at lubhang sugatan,” paglalahad ni Josie. Nangilabot pa siya nang muling maalala ang tagpo.

“Naku, multo na ho iyong nakita niyo,” umiiling na wika ng pulis.

Nanlaki ang mata ng magkasintahan. “Ho?”

“Dalawang taon na ang nakalilipas nang maaksidente ang bagong kasal na sina Mr. at Mrs. Santisima. Lumalabas sa ulat na nag-aaway ang mag-asawa kaya hindi nila napansin ang kasalubong na truck. Bumangga sila sa truck.”

“Agad na nasawi sa ang mag-asawa, yung lalaki, malaki ang pinsala sa ulo na humampas at naipit sa manibela. Yung babae naman, natusok ng bakal na dumiretso sa puso,” pagkukwento na pulis. Tila sariwa pa sa isip nito ang malagim na aksidente.

Tigagal ang magkasintahan. Akmang-akma kasi ang kwento ng pulis sa itsura ng dalawang taong nakita nila kanina.

“Mabuti na lamang at walang lubhang nasaktan. Sa susunod ho ay triple na ang pag-iingat lalo na kung ganito ang panahon, takaw-aksidente. Siguro ho ay nailigtas pa kayo nung mag-asawang multo mula sa mas malalang aksidente,” payo ng pulis.

Nang makauwi sa bahay ay saka lamang nahimasmasan ang magkasintahan. Humingi sila ng tawad sa isa’t isa dahil ang kanilang hindi pagkakaunawaan ay muntik pang maging mitsa ng kanilang buhay.

Nag-alay sila ng panalangin sa mag-asawang yumao dalawang taon na ang nakararaan. Kasabay ng panalangin ay ang kanilang pasasalamat ng magkasintahan sa itinuturing nilang pangalawang buhay, at ang pangakong mas uunawain na nila ang isa’t isa.

Advertisement