Inday TrendingInday Trending
Taliwas sa Pangarap ng Nobyo ang Nais ng Nobya na Mamuhay sila nang Solo kapag Nagpakasal; Hindi Akalin ng Dalaga na Ito ang Gagawin ng Kasintahan

Taliwas sa Pangarap ng Nobyo ang Nais ng Nobya na Mamuhay sila nang Solo kapag Nagpakasal; Hindi Akalin ng Dalaga na Ito ang Gagawin ng Kasintahan

“Sa wakas, mahal, malapit nang matapos ang bahay na pinapagawa natin. Hindi ako makapaghintay na makalipat na tayo doon,” masayang sambit ni Liz sa kaniyang kasintahan at mapapangasawang si Jake.

“Ako rin. Kay tagal yata nating hinihintay ang pagkakataon na iyon. Tamang-tama, pagkatapos ng ating kasal ay tiyak makakalipat na rin tayo,” saad naman ng binata.

“Sa wakas din ay matutupad na ang pangarap natin na magsama na tayo lang at salamat din dahil sang-ayon ka sa ideya ko na magsarili tayo pagkatapos ang kasal. Gusto ko kasi, mahal, ako ang reyna ng tahanan natin! Ano kaya ang pakiramdam na tuluyan na tayong magkasama sa iisang bubong, ano?” pahayag ng nobya.

“Siyempre naman. Payag ako. Naiintindihan kasi kita. Saka dapat naman na bumukod talaga tayo sa mga magulang natin dahil magsisimula na tayo ng sarili naman nating pamilya. Malalaman natin kung ano ang pakiramdam kapag nandon na tayo. Malapit naman na,” saad naman ni Jake sa dalaga.

Matagal inihanda nila Jake at Liz ang kanilang mga sarili para sa kanilang pag-iisang dibdib. Inabot din ng ilang taon sapagkat lubos na nag-ipon ang magkasintahan para makabili ng sariling lupa na pagtatayuan nila ng kanilang bahay. Sang-ayon kasi si Jake sa gusto ng nobya na humiwalay sila sa kani-kanilang magulang upang malaman ang tunay na pakiramdam sa pagbuo ng isang pamilya.

“Pakiramdam ko ay mahirap talaga kung may iba tayong kamag-anak na kasama sa bahay. Alam mo, mahal, ‘yung isang kasamahan ko sa trabaho gusto na niyang layasan ang asawa niya. Wala raw kasing ginawa ang biyenan niya kung hindi manghimasok sa kanila. Mahirap ata ang ganon. Paano ang pagdedesisyon ng mag-asawa, hindi ba?” wika ni Liz sa nobyo.

“Dapat ay ipakita ng lalaki na nakapanig siya sa kaniyang asawa lalo na kung wala naman itong ginagawang masama. Sa tingin ko marami kasing mga magulang ang hindi mapakawalan ang kanilang mga anak. Malalaman natin ‘yan kapag tayo naman ang naging magulang,” pahayag ng binata.

“Siguro ay tama ka. Naiinggit nga raw siya sa atin kasi ikakasal pa lang tayo ay may sarili na tayong bahay. Ang sabi ko naman ay talagang pinaglaan natin iyon. Maswerte lang tayo at kahit paano’y may naipon,” sambit pa ng dalaga.

Talagang buo ang loob ng magkasintahan na hindi sila makikipisan sa kanilang mga magulang. Lalo pa at marami silang naririnig na mga problema tungkol sa mga biyenan.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay sumakabilang buhay ang ama ni Jake dahil sa atake sa puso. Napakabilis ng mga pangyayari. Hanggang sa ikalimang araw ng pagkawala ng ama ay tuluyan na itong inilibing.

“Paano kayo dito, ma, kapag ikinasal na ako at lumipat na ng bahay?” tanong ni Jake.

“Huwag mo akong alalahanin, anak. Kaya ko ang sarili ko. Ituon mo na lang ang sarili mo sa pagbuo mo ng sarili mong pamilya,” malumanay na tugon ng kaniyang ina.

Ngunit kahit ganito ang sinabi ng ina ni Jake ay may kung anong kumukurot sa kaniyang damdamin. Mag-isa lamang siyang anak ng kaniyang mga magulang. At isa pa ay sanay na sanay ang kaniyang mga magulang na palaging magkasama.

Ngayong wala na ang ama ni Jake ay alam niyang nalulungkot masyado ang kaniyang ina. Madalas nga ay nakikita pa rin niya itong lumuluha. Ngunit sa isang banda ay hindi niya alam kung paano sasabihin sa kaniyang nobya na sana ay nais niyang makasama ang ina sa ginagawang bahay nila.

Palaging kumukuha ng tiyempo si Jake ngunit palaging napapangunahan siya ni Liz at ang pagkasabik nito na mamuhay sila nang sila lang.

Nalalapit na ang kanilang kasal ngunit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nakakahanap ng tamang pagkakataon ang binata upang sabihin sa kasintahan ang kaniyang binabalak.

Nang araw ng kanilang kasal ay abala ang lahat. Ngunit kahit nag-uumapaw ang saya ni Jake at Liz dahil sa kanilang pag-iisang dibdib ay hindi pa rin magawa ng binatang mag-alala para sa kaniyang ina. Lalo pa sa tuwing matatanaw niya ang mukha nito.

Hanggang kinagabihan at uuwi na sila sa kanilang ipinatayong bahay ay nakapagdesisyon na ni Jake na tuluyang sabihin kay Liz na nais niyang kupkupin ang ina.

Ngunit laking gulat niya nang pagbukas ng pinto ng kanilang bahay ay naroon na ang kaniyang ina.

“M-ma, a-ano pong ginagawa niyo rito?” nagtatakang sambit ni Jake sa ina.

“Dito na titira si mama, mahal, kasama natin,” sambit ni Liz.

“N-ngunit ano ang nangyari sa pangarap mo na bumukod tayo sa mga magulang natin?” tanong pa ng mister.

“Alam ko na mabigat sa dibdib mo na iwan ang mama mo ngayon lalo na at nag-iisa na lamang siya dahil sa pagkawala ng papa mo. Mahal kita at mahal ko rin kung sino ang mahal mo. At dahil ayoko na nalulungkot ka rin, napagdesisyunan kong ayain si mama na dito na lang tumira kasama natin,” saad ni Liz.

“Kinulit ko pa nga siya dahil sa totoo lang ay nahihiya raw siya sa atin,” dagdag pa ng misis.

Napayakap na lamang nang mahigpit si Jake sa asawa. Hindi niya alam kung paano siya magpapasalamat kay Liz dahil sa kabutihan ng loob nito. Sa wakas ay hindi na niya aalalahanin pa ang kaniyang ina.

“Tama nga talaga ang taong pinakasalan ko. Walang mapaglagyan ang kaligayahan ko sapagkat kasama ko ang dalawang babaeng minamahal ko sa buhay ko,” sambit pa ni Jake.

Maayos at payapa na namuhay sina Jake at Liz kasama ang kanilang ina. Hindi naman nakialam ang biyenan sa kahit anong desisyon sa buhay ng mag-asawa. Minsan lamang ay nagbibigay ito ng payo ngunit wala silang naging problema sa kanilang pagsasama.

Advertisement