Napulot ng Kasambahay ang Relos na Matagal nang Hinahanap ng Mayamang Amo; Ito ang Kaniyang Ginawa sa Likod ng Kagipitan
“Pasensiya ka na, anak, at matitigil ka sa pag-aaral. Kahit ano kasing gawin naming pagsisikap ng tatay mo ay hindi talaga magkasiya ang kinikita namin para sa lahat ng bayarin. Kung makakahanap nga lamang ako ng trabaho na may mas mataas na sweldo ay gagawin ko para lang hindi ka na matigil sa pag-aaral,” malungkot na sambit ni Aling Glenda sa kaniyang anak na si Camille.
“Ayos lamang po, ‘nay. Naiintindihan ko po kayo ni tatay. Balak ko nga pong sumama sa kaibigan ko na si Ethel. Luluwas po kasi siya ng Maynila dahil mamamasukan po siyang kasambahay. Naghahanap pa raw po ng isa. Baka po p’wede ako. Makakatulong po ako sa inyo,” saad ng dalaga sa kaniyang ina.
“Sigurado ka ba, anak? Kung gusto mo talaga ay ayos lang sa akin. Pero h’wag mo na kaming alalahanin. Ipunin mo na lang ang pera nang sa gayon ay may pampa-aral ka,” tugon naman ni Aling Glenda.
Sunud-sunod ang mga naging dagok sa buhay nila Ethel. Nagkasakit ang kaniyang kapatid kaya nabaon sila sa utang. Pagkatapos nito ay natanggal pa sa trabaho ang kaniyang ama kaya tanging ang pag-ekstra na lamang nito sa tubuhan at ang pamamasukan ng ina sa pagawaan ng pastilyas ang kanilang naaasahan.
Kaya minabuti na lamang ni Camille na tumigil nang pag-aaral at lumuwas sa Maynila upang maging isang kasambahay kasama ang kaibigang si Ethel.
Maayos naman ang naging pamumuhay ni Camille sa piling ng kaniyang mga amo. Mabuti na nga lamang ay kasama-kasama niyang naninilbihan doon ang kaibigang si Ethel at hindi siya gaanong nangungulila sa kaniyang pamilya.
“Grabe, ang yaman talaga ng mga amo natin, ano? Kung siguro ganito din ako kayaman, kung saan-saan na ako napunta. Saka araw-araw ay magsa-shopping ako!” saad ni Ethel sa kaibigan.
“Kung ganito ako kayaman, paghuhusayan ko lalo ang pag-aaral ko kasi hindi ko na iintindihin kung saan ako kukuha ng panggastos at pangmatrikula. Ang sarap maging mayaman, ano?” tugon naman ni Camille.
“Oo, sobrang sarap ang maging mayaman. Kaya kung ako sa’yo, ‘wag na ‘yang pag-aaral ang atupagin mo. Ang kailangan natin, makapangasawa ng mayaman! Doon ay mabilis tayong aangat sa buhay,” wika pa ni Ethel.
“Ayoko nang ganon. Saka iba pa rin kapag may pinag-aralan ka. Kahit saan ka man dahil ng pagkakataon ay alam mong makakabangon ka kasi may baon kang sandata na kahit sino ay hindi makakakuha sa iyo,” sambit ni Camille.
“Bahala ka! Basta ako, mayamang lalaki ang hahanapin ko. Tingnan mo nga si Madam Helen, napakagara ng mga kasuotan niya! Napakarami niyang alahas. Lahat ng luho ay binibigay ni sir sa kaniya. Ganoon ang gusto ko!” giit pa ng kaibigan.
“Bahala ka nga riyan. O siya, magtrabaho na tayo kasi baka mamaya ay makita na naman tayo ng ibang kasambahay at isumbong tayo sa mga amo natin,” pagtatapos ni Camille.
Maya-maya ay nakatanggap ng tawag si Camille mula sa kaniyang ina sa probinsiya. Nadisgrasya raw ang kaniyang ama at kailangan nang ipagamot. Nangangailangan sila kaagad ng pera upang hindi na lumubha ang kalagayan nito.
Agad niyang ipinadala ang kaunting naipon. Ngunit dahil alam niyang hindi ito sasapat ay kinapalan niya ang kaniyang mukha na humiram sa kaniyang amo. Mabilis naman siyang pinagbigyan nito. Ngunit kailangan pa rin niya ng pera para sa tuluy-tuloy na gamutan ng kaniyang ama.
Isang araw ay napabalitaan na lamang na nawawala raw ang mamahaling relos ng kanilang amo.
“Niregalo sa akin iyon ng asawa ko. Kaya mahalaga ito sa akin. Malulungkot talaga ako kapag nawala ‘yon!” pag-aalala ni Madam Helen.
“Marahil po ay mahal ang relos na iyon. Huwag po kayong mag-alala, ma’am. Kapag nakita po namin kaagad ang relos ay agad naming ibabalik sa inyo,” wika ni Camille.
“Maraming salamat. Hindi naman sa nagbibintang ako ngunit hindi pa nangyari ito sa bahay na ito noon. Sana nga ay makita na ang relos ko,” saad muli ng among babae.
Matiyagang hinanap ni Camille ang relos. Isang araw ay nakita niyang may kumikinang sa may sulok ng sofa. Nang kunin niya ang bagay na nakasiksik ay laking tuwa niya na makita ang relos ng kaniyang amo.
“Ethel, tingnan mo! Nakita ko na ang relos ni madam!” natutuwang pahayag ng dalaga.
“Ibabalik mo ba?” agad na tanong ng kaibigan.
“Siyempre naman, Ethel. Hindi sa akin ang relos na ito!” dagling tugon ni Camille.
“At isa pa, mahalaga ito para sa amo natin. Higit pa sa presyo nito ang tunay nitong halaga para sa kaniya,” dagdag pa ng dalaga.
“Ayun nga. Malaki ang presyo niyan! Malaki na ang maitutulong niyan sa ating dalawa. Sa tingin ko ay hindi na rin iyan hinahanap ni madam. Isa pa kayang-kaya nilang bumili ng bagong relos kahit ilan pa! Hindi ba nangangailangan ang pamilya mo ng pera? Ayan na nang kasagutan!” mariing sambit ni Ethel.
“Pero hindi matutumbasan ng kahit anong salapi ang halaga nito para sa kaniya dahil regalo ito ng kaniyang asawa. Isasauli natin ang relos na ito dahil hindi ito sa atin. Hindi ko kayang ibigay sa pamilya ko ang tulong na galing sa masama,” giit ni Camille sa kaibigan.
Iniwan na lamang ng dalaga ang kaniyang kaibigan at agad na nagtungo sa silid ng kaniyang amo upang sabihin ang magandang balita.
Ang hindi nila alam ay naroon ang amo nilang babae at matagal na silang pinakikinggan.
“Madam, ako po ito. Maari po bang pumasok sa inyong silid?” wika ni Camille kay Madam Helen
“Sige lang at pumasok ka,” tugon nito.
“Madam, may maganda po akong balita sa inyo! Nahanap ko na po ang relos niyo. Nakasiksik po siya sa gilid ng sofa. Heto po!” sabay abot ng relos.
“Hindi niyo na po kailangan pang malungkot,” nakangiting sambit ni Camille.
“Maraming salamat sa iyo!” wika ng amo.
“May nais din akong sabihin sa iyo. Sana ay pumayag ka,” pagpapatuloy niya.
“A-ano po iyon, ma’am?” tanong ng dalaga.
“Alam mo ba na ang relos na ito ay walang halaga? Ang relos na ito ay binili lamang ata ng asawa ko sa isang palengke noong hindi pa kami ganitong kayaman. Mahalaga ito sa akin dahil isa itong paalala ng pagsasama namin sa hirap at sa ginhawa,” wika pa ni Helen.
“Narinig ko ang usapan niyo ng kaibigan mo. Napahanga mo ako dahil kahit na higit kang nangangailangan ay hindi mo naisip na gumawa ng hindi dapat at hindi ka nanlalamang sa iyong kapwa. Gusto ko ang ganiyang pag-uugali.
Alam mo, hindi naman kami mayaman noon ng asawa ko. Mula rin kami sa ibaba. Pero kahit ganun ay naging prinsipyo namin na maging tapat. Pinagpala kami ng Panginoon at ito na kami ngayon,” patuloy niyang sambit.
“Kaya dahil sa mabuting ugali mo ay nais ko sanang ibalik ito sa’yo. Nais ko sana na pag-aralin ka. Alam ko malayo ang mararating mo sa buhay. Gusto ko rin na makatulong ka pang higit sa pamilya mo, Camille. Ipagpatuloy mo ang maging mabuti,” saad pa ng amo.
Laking tuwa ng dalaga sa sinabi ng kaniyang amo. Ito kasi ang tangi niyang pangarap at ngayon ay posible na niya itong maabot. Samantala, dahil sa nagawa ni Ethel ay pinaalis na siya sa mansyon na iyon.
Pinagsabay ng dalaga ang kaniyang trabaho at ang pag-aaral. Dahil na rin sa hiya niya sa nagpapa-aral sa kaniya ay lubos ang kaniyang pagpupursige. At makalipas nga ang apat na taon ay nakatapos na rin ng nursing si Camille at nakakuha pa siya ng karangalan.
Lubos ang pasasalamat niya kay Madam Helen at sa kabutihang ginawa nito. Tinulungan pa ng kaniyang amo si Camille para makapasok sa trabaho sa ibang bansa.
Mula noon ay nagbago ang takbo ng buhay ng dalaga at ng kaniyang pamilya. Tunay na binibiyayaan ang mga taong tapat at mabuti ang kalooban.