Inday TrendingInday Trending
Itinaguyod ng Matanda ang Batang Kaniyang Napulot Malapit sa Riles ng Tren; Pagkalipas ng Panahon ay Ito ang Naging Ganti ng Dalaga

Itinaguyod ng Matanda ang Batang Kaniyang Napulot Malapit sa Riles ng Tren; Pagkalipas ng Panahon ay Ito ang Naging Ganti ng Dalaga

Nagsisimula nang lumalim ang gabi ngunit pauwi pa lamang si Aling Lisang sa kaniyang barung-barong malapit sa riles ng tren. Buhat ang kaniyang mga kalakal ay mag-isa niyang tinatahak ang daan pauwi.

Mag-isa na lamang sa buhay ang matanda sapagkat maagang yumao ang kaniyang asawa. Sa kasamaang palad ay hindi sila biniyayaan ng anak. Simula noon ay hindi na inalintana ng matanda ang mamuhay na ang tanging inaasahan lamang ay ang kaniyang sarili.

Habang binabagtas niya ang riles ng tren ay may narinig siyang iyak ng isang bata. Nang kaniyang tuntunin ay hindi siya nagkamali. May isang batang babae nga na pilit nagtatago sa tambak na mga basura.

“Iha, ano ang ginagawa mo sa lugar na ito sa ganitong dis-oras ng gabi? Nawawala ka ba? Nasaan ang mga magulang mo?” walang tigil sa kakatanong si Aling Lisang sa bata.

“W-wala na po akong nanay. Ibinenta po ako ng tatay ko sa masasamang tao. Tumakas lang po ako. Parang awa niyo na po, h’wag niyo po akong ibigay sa kanila,” pagtangis ng bata.

“Ano ba ang pangalan mo, bata?” muling tanong ng matanda.

“Ging-ging po. Ale, parang awa niyo na po. Tulungan po ninyo ako!” patuloy sa pag-iyak ang bata.

“Tumahan ka na, Ging-ging. Ligtas ka sa akin. Sumama ka muna sa bahay ko. Pangako ay hindi ka na muli pang matatagpuan ng mga taong iyon,” wika ni Aling Lisang.

Isinama ni Aling Lisang ang bata patungo sa kaniyang tinitirahan. Doon ay pilit niyang pinatahan ang bata. Nilinis niya ito at pinakain. Hindi siya makapaniwala sa mga kwento nito. Kaya pala ng isang magulang na gumawa ng ganoon sa sarili niyang anak.

Dahil wala nang mapupuntahan ang bata ay nagpasya si Aling Lisang na kupkupin na lang ito. Kahit na hirap ay pilit niya itong itinaguyod.

“Gusto mong mag-aral?” tanong ng matanda.

“May kakilala kasi ako sa eskwelahan na mabait na guro. Naikwento kita sa kaniya. Ang sabi niya ay matutulungan daw niya ako na makapasok ka ngayong taon sa eskwela,” dagdag pa ng lola.

“Opo, Lola Lisang! Gustong-gusto ko pong mag-aral! Pangako ko po sa inyo gagalingan ko nang sa gayon ay maibalik ko naman ang kabutihang ipinapakita ninyo sa akin! Maraming salamat po, lola!” walang mapaglagyan ang tuwa ni Ging-ging sa sinabi ni Aling Lisang.

Tinupad ng bata ang kaniyang sinabi sa matanda. Unang araw pa lamang niya sa klase ay nagpakitang gilas agad ito. Nang matapos ang taon ay tinanghal itong pinakamagaling sa kanilang klase. Taas-noo na umakyat sa entablado si Aling Lisang habang sinasabit niya ang medalya sa kaniyang apo.

Ayaw ni Aling Lisang na mahinto sa pag-aaral ang apo. Kaya maaga pa lamang ay nagbabanat na siya ng buto para makaipon. Hindi niya alintana ang tirik na araw at minsa’y malakas na ulan. Ang nais niya ay bago man lamang siya mamaalam sa mundo’y alam niyang may nagawa siyang kabutihan sa batang ito.

“Kanina ka pa nag-aaral d’yan, apo. Tama na muna ‘yan at kumain ka muna ng hapunan. Tara at saluhan mo na ako dito,” paanyaya ng lola.

“Sige po, ‘la. Patapos na rin po ako sa proyekto ko,” tugon ni Ging-ging.

“Ano ba ang ginagawa mo at kanina ka pa abala? Baka naman mapabayaan mo na ang sarili mo kakaaral. Hinay-hinay lang, apo,” paalala ni Aling Lisang.

“Gusto ko po kasing galingan sa pag-aaral, lola. Gusto ko po maging isang arkitekto. Isang magaling na magaling na arkitekto. Idedesenyo ko po ang pinakamagandang bahay para sa inyo. Tapos ipapagawa ko po iyon. Nang sa gayon ay hindi na tayo titira sa bahay na yari sa yero. Pangako po, lola, tutuparin ko po ‘yan,” pahayag ng bata.

“Ikaw talaga, apo. Naniniwala ako na matutupad mo ang pangarap mo dahil mabait at matalino kang bata,” saad ng matanda.

Hindi naglaon ay nakatapos na si Ging-ging sa elementarya at hayskul. Nagdadalawang-isip siya kung tutuloy pa ba siya sa kolehiyo dahil alam niyang malaki ang kinakailangang pera para sa kursong nais niya.

“Magtrabaho na lang muna kaya ako, lola? Nang sa gayon ay may makatulong din po kayo sa mga gastusin. Saka para hindi niyo na rin po intindihin pa ang pangkolehiyo ko,” sambit ng dalagang si Ging-ging.

“Tumigil ka nga riyan. Ngayon ka pa ba susuko sa pangarap mo? Saka sayang ang nakuha mong iskolarsyip!” saad ng kaniyang Lola Lisang.

“Heto ang pera, apo,” wika muli ng matanda habang iniaabot ang isang supot ng pera sa kaniyang apo.

“Pinag-ipunan ko talaga ang sandaling ito. Hindi man malaki ‘yan ay alam kong malayu-layo na rin ang mararating ng perang iyan. Gamitin mo ‘yan, Ging-ging, para matupad mo ang pangarap mong maging isang arkitekto,” pagpapatuloy ni Aling Lisang.

Napayakap at napa-iyak ang dalaga sa tinuran ng kaniyang lola.

“Maraming salamat po, lola. Hinding-hindi ko kayo bibiguin,” saad ni Ging-ging.

Pinagbuti ng dalaga ang kaniyang pag-aaral. Hindi siya nagbarkada at itinuon lamang ang kaniyang atensiyon at oras sa pag-abot ng pangarap. Tinulungan din niya ang matanda. Sa tuwing may bakanteng oras siya ay nagtatrabaho rin siya upang hindi na pasanin ng kaniyang Lola Lisang ang lahat ng bayarin sa kaniyang eskwela.

Makalipas ang ilang taon ay nakapagtapos din si Ging-ging nang may karangalan. Naging ganap na siyang arkitekto at dahil sa kaniyang husay at galing maraming kumpanya ang kumuha sa kaniya.

Inialis na rin niya sa riles nang tren ang kaniyang lola. Nangupahan siya sa isang maliit ngunit maaliwalas na bahay. Isang araw ay nakatanggap siya ng trabaho sa ibang bansa at dahil mas malaki ang kaniyang kikitain ay nagdesisyon siyang tanggapin ito.

“Lola, sigurado po ba kayo na kaya niyong mag-isa dito?” wika ni Ging-ging na hindi mapalagay na iwan ang matanda.

“Oo naman, apo. Kayang-kaya ko. H’wag mo akong alalahanin. Ang isipin mo ay ang sarili mo. Wala ako roon para alagaan ka,” sambit ng matanda.

“Madalas po akong tatawag, lola. Ingatan po ninyo ang sarili niyo,” pahayag muli ng dalaga.

Lumipad patungong ibang bansa si Ging-ging at naiwang mag-isa ang kaniyang Lola Lisang. Ilang taon na ay hindi pa rin ito umuuwi. Kahit na madalas magkausap ay hindi maitanggi ni Aling Lisang ang pangungulila sa kinupkop na apo.

“Ano, Lisang, nakalimutan ka na ng apu-apuhan mo? Hindi ka na binalikan kasi maganda na ang buhay niya doon sa ibang bansa,” saad ng isang kapitbahay.

“Wala sa akin kung babalikan niya ako o hindi. Basta ang nais ko ay maging maayos ang kaniyang buhay,” tugon naman ng matanda.

Laking gulat niya nang makita si Ging-ging sa kaniyang harapan. Sa labis na tuwa ay hindi na niya napigilan pang maluha at tumakbo upang yakapin ang apo.

“Kay tagal kong hinintay ang pagbabalik mo, apo,” wika ni Aling Lisang.

“Ako rin po, lola. Miss na miss ko po kayo. H’wag na kayong umiyak dahil hindi na po ako aalis pa. Dito na lang po ako sa tabi niyo,” saad ng dalaga.

“Saka, lola. Sumama po kayo sa akin at may nais po akong regalo sa inyo,” dagdag pa ni Ging-ging.

Sumakay ang dalawa sa taxi. Manghang-mangha naman si Aling Lisang sa lugar na kanilang pinuntahan. Tumigil sila sa isang magarang bahay.

“Anong ginagawa natin dito, apo? May kliyente ka ba dito?” tanong ng matanda.

“Lola, natatandaan po ba ninyo ang pangako ko sa inyo noong bata pa ako?” tanong ng dalaga.

“Ito na po ang pangako ko sa inyo,” dagdag pa nito sabay abot ng susi sa kaniyang lola.

“Sa inyo po ang bahay na ito lola. Simula ngayon ay dito na kayo titira. Kaya po matagal akong hindi umuwi ay dahil nag-ipon ako ng labis para maipagawa at maibigay ko sa inyo ito. Pasasalamat po para sa pagmamahal na ibinuhos ninyo sa akin.

Kahit hindi po ninyo ako tunay na kadugo ay higit pa pong kalinga at pagmamahal ang naramdaman ko mula sa inyo. Kung hindi po dahil sa inyo’y baka wala na po ako sa mundong ito. Maraming maraming salamat po at mahal na mahal ko kayo, lola,” hindi na napigilan pa ni Ging-ging ang maiyak.

Naalala niya ang lahat ng masasaklap na nakaraan at kung paanong ang matandang si Aling Lisang ang naging susi upang makawala siya sa masamang pangyayaring iyon.

Niyakap ni Aling Lisang ang dalaga.

“Hindi mo lang alam kung gaano mo pinasaya at binigyan ng kulay at kahulugan ang buhay ko. Simula nang dumating ka sa akin ay nagkaroon na ako ng dahilan para harapin ang bukas nang may ngiti. Ikaw ang dahilan kung bakit ako lumalaban pa sa buhay, apo. Hindi ko pinagsisisihan ang araw na natagpuan kita at iniuwi sa bahay,” saad naman ng matanda.

Lubusang kaligayan ang naramdaman ng mag-lola. Simula noon ay doon na sila tumira sa malaking bahay na idinisenyo at ipinagawa ni Ging-ging.

Hindi akalain ng dalawa na isang araw ay bigla na lamang magbabago pareho ang kanilang mga buhay.

Advertisement