Madalas Siyang Mag-aksaya ng Pagkain; Isang Tagpong Sumampal sa Kaniya ang Tunay na Magpapabago ng Kaniyang Pag-uugali
Tanghalian. Sabay na kumakain ang magkakaibigang Lizzie at Celine sa kantina ng kanilang pinagtatrabahuhang kompanya.
Masayang nagkukwentuhan ang magkaibigan nang mapansin ni Celine na hindi pa nangangalahati ang pagkain ng kaibigang si Lizzie.
“Liz, ano ba ‘yan, magtatatlong minuto na tayo kumakain, halos hindi mo pa napapangalahati ‘yang pagkain mo? Mamaya ma-late tayo niyan, ha?” pabirong puna ni Celine sa kaibigan.
“‘Wag kang mag-alala, tapos na akong kumain,” sagot ni Lizzie sa kaibigan.
“Ha? Ang dami pa ng pagkain mo, hindi ka ba nanghihinanayang?” kunot noong tanong ni Celine sa kaibigan.
“Hindi naman big deal ‘yun, Celine. Ako naman ‘yung bumili nung pagkain,” natatawang paliwanag ni Lizzie.
“May point ka naman, Liz. Nanghihinayang lang ako kasi napakaraming taong nagugutom ngayon, tayong mga may kakayahang bumili ng makakain ay hindi dapat nagsasayang ng biyaya,” seryosong pangaral ni Celine sa kaibigan.
Bahagya namang napahiya si Lizzie. Napagtanto na may katotohanan ang sinabi ng kaibigan.
“Oo na, sis. Masyado ka naman seryoso diyan.” Dinaan na lang ng dalaga sa pagak na pagtawa ang nadamang pagkapahiya.
Sabay na naglakad pabalik ng opisina ang magkaibigan nang matapos ang isang oras nilang lunch break.
Dahil madalas mapuna ng kaibigan na nagsasayang ng pagkain si Lizzie, palihim niya na lang na itinatapon sa ilalim ng lamesa ang mga pagkaing hindi niya na gusto pang kainin.
Isang araw, naubusan ng pagkain ang kantina sa gitna ng katanghalian kaya naman walang nagawa ang dalawa kundi ang lumabas ng opisina.
“Dun na lang tayo sa karinderya sa tapat, para hindi naman tayo nagmamadali bumalik,” suhestiyon ni Celine.
“Sige.” Pagsang-ayon ni Lizzie sa gusto ng kaibigan.
Ilang sandali pa ay narating na ng magkaibigan ang kainan. Mukha namang maayos at malinis doon kaya nakahinga nang maluwag ang magkaibigan.
Nasa gitna ng pagkain ang dalawa nang bulabugin sila ng malakas na sigaw ng may-ari ng karinderya.
“Mga bwisit kayong mga palaboy kayo! Nakakadiri kayo, umalis kayo dito kung wala kayong pambili. Mga malas!”
Nakita pa nila ang pagtatakbuhan ng mga batang palaboy palabas sa takot na mahampas ng hawak-hawak na pamalo ng masungit na babae.
“Pasensiya na ho, ituloy niyo lang ho ang pagkain,” kapagkuwan ay sabi nito sa mga naabalang kumakain.
“Kita mo ‘yun, ‘yun ang mga sinasabi ko sa’yong mga batang nagugutom, kaya ‘wag kang nag-aaksaya ng pagkain,” kastigo ni Celine sa natigagal na si Lizzie.
Pabirong umirap si Lizzie sa kaibigan. “Oo na, nakikita mo pa akong nag-aaksaya ng pagkain, hindi na nga, ‘di ba?”
Misteryosong ngiti na may pag-iling lamang ang isinagot ni Celine sa kaibigan.
Alam kasi nito na palihim pa rin itong nagtatapon ng pagkain, akala siguro nito ay hindi niya napapansin.
Ayaw niya naman paulit-ulit sabihan ang kaibigan dahil ayaw niya rin naman masaktan ang kalooban nito. Pero hinihiling niya pa rin na matuto ang kaibigan ng mahalagang leksiyon ukol sa pagsasayang ng mga bagay na salat ang iba.
“Magbabanyo lang ako. Tapusin mo na ‘yang kinakain mo,” maya-maya ay paalam ni Celine sa kaibigan.
Noon nakahanap ng pagkakataon si Celine na gawin ang planong pagtatapon ng natitira niyang pagkain.
Dahil katabi ng bintana, inilawit lamang Lizzie ang kamay sa bintana. Akmang itatapon niya na ang pagkain nang mapasigaw siya sa gulat.
Mayroon kasing humawak nang kamay niya. Nang sumilip siya ay nakita niya ang mga batang nakatingala at tila naghihintay ng biyaya. Hawak-hawak ng isa sa mga ito ang plato niya na naglalaman ng tira-tirang pagkain.
“Ate, ‘wag mo na po itapon, ibigay mo na lang po sa amin,” pakikiusap ng isa mga bata.
Napamulagat naman si Lizzie. Hindi malaman ang isasagot sa bata.
“Sige na po, ate, hindi pa po kami kumakain simula kagabi,” sabad naman ng isa pa sa mga bata.
Tila may sumakal sa puso ni Lizzie nang masdan ang mga batang marurusing na nakikiusap para sa tira tirang pagkain.
Noon niya tuluyang napagtanto ang pagkakamali. Madalas siya nag-aaksaya ng pagkain gayong napakaraming batang hindi man lang nakakakain ng tatlong beses isang araw.
Pinapasok ni Lizzie ang mga bata sa karinderya upang pakainin ng tanghalian. May masasayang ngiti sa labi ng mga bata habang maganang kumakain.
Si Celine naman, nang makita ang kaibigang si Lizzie na nakikipagkulitan sa mga batang kumakain, ay napangiti nang maluwag. Alam niya kasi na totoo nang natuto ang kaibigan.
Simula noon ay hindi na muli pang nag-aksaya ng pagkain si Lizzie. Alam niya kasi na biyaya ang bawat butil ng kanin na nasa pinggan niya.
Higit pa roon, ginawa niyang misyon na maglunsad ng feeding program para sa mga batang palaboy.