Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ang Isang Matandang Babae ng Kumikinang na Bato sa Dalampasigan; Nagulat Siya nang Malaman ang Halaga Nito

Nakapulot ang Isang Matandang Babae ng Kumikinang na Bato sa Dalampasigan; Nagulat Siya nang Malaman ang Halaga Nito

“Ano ang nangyari sa asawa ko? Hindi ito totoo! Hindi ito maaari!” patangis ni Aling Ester nang makita niyang buhat ng mga mangingisda ang katawan ng kaniyang asawa.

“Isko! Isko! Gumising ka! Isko! H’wag mo naman akong iwanan ng ganito!” walang tigil sa pagsigaw ang matanda.

Mahirap ang lagay ng pamumuhay ni Aling Ester at ng kaniyang asawang si Mang Isko. Kahit na may lima nga silang anak ay maaga naman ang mga ito na nagsipag-asawa. Wala na ngang maasahan sa mga anak ay madalas sila pa ang nagbibigay sa mga ito. Kaya kahit may katandaan na ay wala pa ring tigil ang dalawa sa paghahanap-buhay.

Mangingisda si Mang Isko at umaani naman ng talaba at tahong si Aling Ester. Sa loob ng isang araw na kita ay sapat lamang ang kanilang iniuuwi para pambili ng bigas at kanilang paggastos. Lalo silang nagigipit kung may anak silang lalapit sa kanila at kailangan ng tulong.

Ngunit sa hindi inaasahang tagpo, habang nasa laot si Mang Isko ay inatake ito sa puso. Dahil mabilis ang mga pangyayari ay hindi na naisalba pa ng mga kapwa mangingisda ang buhay ng kanilang kasamahan. Ibinalik na lamang nila ang katawan ng matanda sa pampang ng wala nang buhay.

Lubos ang pighati ni Aling Ester sa nangyari. Hindi niya akalain na sa ganito lamang magwawakas ang kanilang matagal nang pagsasama.

“Kulang ang bahay kapag wala ka, Isko,” sambit niya sa larawan ng asawa habang tinitirikan niya ng kandila.

“Kakayanin ko ang hirap ng buhay pero ang mabuhay ng wala ka ay napakahirap,” unti-unti nang tumutulo ang kaniyang mga luha.

“Tila nawawalan na ako ng pag-asa. Gusto ko na lamang sumama sa iyo,” dagdag pa niya.

Kahit na ipinananalangin ng matanda na sana ay hindi na lamang siya magising upang hindi na niya maramdaman ang sakit, sa tuwing mumulat ang kaniyang mata sa umaga ay pilit pa rin niyang pinagtatagumpayan ang araw. Ngunit mababanaag mo sa kaniyang ang labis na kalungkutan.

Ang hindi alam ni Ester ay hindi lamang doon natatapos ang kaniyang paghihirap nang isang araw ay napabalitaan na lamang niyang nakikipaglaban ang anak sa matinding karamdaman.

Doon niya naisip na hindi nga lamang pala siya asawa kung hindi isa din siyang ina. Agad niyang pinuntahan ang anak upang alagaan.

Hindi pa siya nakakabangon mula sa pagsubok na ito ay nariyan na naman ang isa pang problema nang bigla na lamang lumindol at nagkaroon ng isang malakas na daluyong. Kailangan nilang likasin ang kaniyang lugar sapagkat delikado na para sa kanilang manirahan pa dito.

Tinangay ng daluyong ang lahat ng ari-arian ng matanda. Napaluhod na lamang siya nang makita niyang wala na ang kaniyang bahay sa kinatitirikan nito.

“Isko, hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung paano magsisimula sa ganitong dagok sa akin. Hindi naman siguro ako masamang tao para parusahan ng ganito. Isa pa, ang ating anak. Kailangan ko ng malaking halaga para maipagamot siya. Isko, tulungan mo kami ng mga anak mo,” panaghoy ng ginang.

Habang nasa dalampasigan si Aling Ester at namumulot ng mga pwedeng pakinabangan ay nais na lamang ng matanda na bigla na lamang siyang tangayin ng malakas na agos nang sa gayon ay matapos na ang kaniyang paghihirap.

Ngunit nakita niya ang sumbrero ng kaniyang asawa nang kaniyang pupulutin ay bigla na lamang nakuha ang kaniyang atensiyon ng isang kumikinang na bato. Dahan-dahan niya itong pinulot at kaniyang pinakatitigan.

Doon ay bigla na lamang siyang natauhan na mali ang kaniyang ginagawa. Dahil hindi siya siguro sa kaniyang natagpuan ay isinilid na lamang niya ito sa bulsa ng kaniyang daster at nagpatuloy sa paghahanap ng mga bagay na maaari pang pakinabangan. Ngunit nabigo siya.

Pansamantala muna siyang nanuluyan sa kaniyang anak na may sakit upang ito rin ay maalagaan.

Sa hirap na dinaranas ng anak ay parang binibiyak din ang katawan at puso ni Aling Ester.

“Kung maaari ko lang kunin ang sakit ay gagawin ko. Tutal gusto ko na rin naman sumama sa tatay niyo,” saad niya sa anak.

“‘Nay,” nahihirapan man ay pilit na nagsalita ang kaniyang anak.

“Napakaganda ng buhay, iyan lagi ang sinasabi ni tatay. Kailangan nating pahalagahan ang bawat araw sapagkat biyaya ito. Alam kong malungkot ang mawalan. Ngunit pilitin niyong lumaban, hindi lang para sa sarili niyo at para sa aming mga anak niyo, kung hindi para kay tatay na nais pang masilayan ang buhay ngunit ubos na ang pagkakataon,” wika ng anak.

“Patawad, anak. Sana ay bigla na lang akong bigyan ng Maykapal ng paraan para maipasuri ka. Alam kong lumalaban ka kaya gusto ko ay samahan ka sa laban mo. Patawarin mo ako at mahirap lang tayo,” nalulungkot na wika ni Aling Ester.

Hinagkan ng anak ang ang kamay ng kaniyang ina, “Sapat na po na narito kayo, ‘nay,” wika pa ng anak.

Habang nakatingin sa malayo ay naalala ni Aling Ester ang bato na kaniyang napulot. Kinabukasan ay maaga siyang nagtungo sa baryo upang ipasuri sa kilalang mang-aalahas ang bato.

“Saan mo napulot ito, Ester?” tanong ng alahero.

“Sa dalampasigan. Hindi ko alam kung ano ba ang bagay na iyan. Pero kailangang-kailangan ko talag ng pera ngayon para ipapasuri ko ang anak ko. Kung walang halaga iyan ay maaari mo na lang bang bilhin kahit sa murang halaga?” pagmamakaawa ng matanda.

“Murang halaga? H’wag mong sasabihin ‘yan sa kahit sino, Ester. Itong bato na hawak mo ay ginto. Napakalaki ng halaga nito, Ester. Kung nais mo ay sasamahan kita upang maibenta mo ito ng tama. Nang sa gayon ay maipagamot mo na ang iyong anak,” saad pa ng ginoo.

Laking gulat ni Aling Ester. Hindi niya akalain na maaaring ang bato na pala na kaniyang napulot ang sagot sa lahat ng kaniyang problema.

Nang maibenta nila ang tipak ng ginto ay hindi akalain ni Aling Ester ang dami ng pera na kaniyang makukuha. Dahil dito ay napasuri na niya sa wakas ang kaniyang anak at nabigyan ito ng wastong atensyong medikal.

Naipagawa na rin niya ang kaniyang tahanan at naisaayos ang buhay ng kaniyang mga anak.

“Ito ang pangarap mo para sa buhay natin, Isko. Sayang lamang ay wala ka na rito para maranasan mo ang lahat ng ginhawang natatamasa namin ngayon. H’wag kang mag-alala at hindi magtatagal ay magkakasama rin tayo,” wika niya habang nakatingin sa mga ulap.

Laking pasalamat ni Aling Ester sa asawa dahil kung hindi niya nakita ang sumbrero nito ay malamang ay nagpadala na lamang siya sa mga alon sa dagat. Alam niya sa kaniyang puso na kahit wala na ang asawa ay gumagawa pa rin ito ng paraan upang gabayan sila.

Nagbago man ang takbo ng kanilang buhay ay hindi pa rin matutumbasan ng kahit anong salapi ang kaniyang pangungulila sa kaniyang kabiyak.

Advertisement