Palaging Itinataboy ng May-ari ng Pwesto sa Palengke ang Isang Dalagang Nangungulit sa Kaniya; Ito ang Ginawa sa Kaniya ng Dalaga
“Lumayas ka nga rito, Selya, at naaalibadbaran ako sa’yo! Sinabi nang wala ngang trabaho para sa iyo dito!” galit na sigaw ni Aling Guada sa dalaga.
“Parang-awa niyo na po, Aling Guada, kahit taga-kaliskis lang po ng isda, ayos lang po sa akin. Para lang po may makain kami ng kapatid ko,” sambit ng dalagang si Selya.
“Tigilan mo ako, Selya. Umalis ka na rito at minamalas ang tindahan ko sa’yo!” saad pa ng ginang.
“Baka p’wede na lang po makahingi kahit isang isda. Para lang may mailaman-tiyan ako para sa kapatid ko,” muling pagmamakaawa ng dalaga.
“Tigilan mo ako! Lumayas ka sa harapan ng tindahan ko!” galit na sigaw muli ni Aling Guada.
Araw-araw ay nagtutungo sa palengke ang kinse anyos na dalagang si Selya upang makahanap sana ng trabaho. Minsan ay nagbubuhat na lamang ito ng mga pinamili kapalit ang kaunting barya. Minsan naman ay naghihintay ito ng mga itatapong pabulok nang gulay at mga isdang hindi p’wedeng pakinabangan. Hindi niya inaalintana ang lahat ng kaniyang ginagawa sa palengke para lamang may maipakain sa nag-iisang kapatid na pitong taong gulang.
Maaga kasing naulila ang magkapatid. Hindi na nila nakilala pa ang kanilang ama at sa lansangan na ang naging tirahan nila ng kaniyang ina. Nang pumanaw ang kanilang ina dahil sa isang aksidente ay siya na ang tumaguyod sa kaniyang kapatid. Kaya ganoon na lamang katindi ang pagnanais niyang makahanap ng ikabubuhay.
“Guada, bakit ba hindi mo pa pagtrabahuhin ang batang iyon sa pwesto mo? Kawawa naman. Mukha namang masipag,” tanong ng isang tindera malapit sa pwesto ng ginang.
“Hay naku, wala akong katiwa-tiwala sa mga kagaya niya. Hindi ko maipagkakatiwala sa kaniya ang tindahan ko. Baka mamaya pagtalikod ko ay hindi ko alam, limas na pala ang kinita ko. Basta kahit kulitin niya ako ay wala siyang mahihita sa akin. Alam ko ang karakas ng mga kagaya niyang taga-lansangan,” pahayag ni Aling Guada.
“Ikaw naman kung makapagsalita ka. Mukha namang mabait ‘yung bata. Tamo nga at naghahanap ng trabaho para sa kaniyang kapatid. Tapos ay pag-iisipan mo ng ganiyan.” sambit pa ng tindera.
“Ganiyan ang laging sinasabi ng mga kagaya niya. Mga nagpapaawa. Pero ang totoo ay nanakawan ka lang niyan kapag naibigay mo na ang tiwala mo. Kung naaawa ka pala ay bakit hindi ikaw ang kumuha sa kaniya? Pinagsisiksikan mo sa akin!” naiinis na sambit ng ginang.
“Kung p’wede lang, Guada. Kung sa akin lang ang tindahan na ito ay matagal ko na talagang kinuha ‘yang si Selya. Kaso anong magagawa ko? Tindera lang ako at napakahigpit pa ng amo ko. Parang ikaw! Walang ginawa kung hindi sumimangot!” pabirong wika pa ng ginang.
Kinabukasan ay naroon na naman si Selya upang kulitin ang ale. Kahit na madalas na siyang pagtabuyan ng mga tindera sa palengke ay tuloy pa rin ang kaniyang pangungulit. Naisip kasi niya baka isang araw ay mapilit niya ang isa sa mga ito at tuluyan na siyang magkaroon ng permanenteng trabaho. Sa ganon, ay hindi na niya iiisipin pa kung saan siya kukuha ng ipapakain sa kaniyang kapatid.
“Kahit na pangkain na lang po sa araw-araw ang ipasweldo niyo sa akin, Aling Guada. Masipag po ako at sisipagan ko pa po, pangako!” pagmamakaawa ni Selya sa ginang.
“Tulad ng sinabi ko sa iyo sa araw-araw, Selya. Tantanan mo ako sapagkat minamalas ang tindahan ko sa iyo! Walang puwang ang katulad mo dito. Kaya kung ako ay sa’yo ay hindi na ako babalik dito sa tindahan ko dahil kahit ano pang sabihin mo ay hindi kita kukunin na kasama ko dito!” pahayag ng ale.
Malungkot na umalis si Selya. Hindi siya nalungkot dahil sa mga sinabi sa kaniya ni Aling Guada, sanay na ang damdamin niya roon. Ang kinalulungkot niya ay ang panibagong araw na hindi na naman niya alam kung paano lalamanan ang kumukulo nilang sikmura ng kaniyang nakababatang kapatid.
Maggagabi na at magsasarado na ang palengke. Isa-isa nang umuuwi ang mga may-ari ng pwesto at ilang tindera. Nang makalabas si Guada ay hindi niya napansin na nalaglag niya ang pitaka na naglalaman ng kita niya sa buong araw na iyon. Nakita ito ni Selya.
“Ate, anong gagawin mo riyan? H’wag mo nang ibalik ‘yan! Hindi ba siya ‘yung babaeng lagi ka na lang pinagsasalitaan ng masama. Makakaganti ka na sa kaniya ngayon! Saka hindi na natin poproblemahin ang pangkain natin sa matagal na panahon!” pambubuyo ng nakababatang kapatid ni Selya.
“Hindi maaari. Hindi atin ang perang ito. Kahit ano pa ang ginawa niya sa atin o sa akin ay mali na angkinin mo ang bagay na hindi naman sa’yo,” pangaral niya sa kapatid.
Ni hindi man lamang binuklat ni Selya ang pera. Hindi niya inalintana ang kanilang gutom at hindi siya nagdalawang isip. Agad niyang tinawag si Aling Guada upang ibalik ang pitaka. Hinabol niya ang ginang upang kaniya itong maibalik.
“Aling Guada, nalaglag niyo po ang pitaka ninyo,” sambit ng humahangos na si Selya.
Laking gulat naman ni Aling Guada sa nangyari. Malaking pera kasi ang mawawala sa kaniya kung hindi naibalik ang kaniyang pitaka. Dahil sa ginawang ito ni Selya ay lubos niyang pinahanga ang ginang.
“Sa kabila ng lahat ng ginawa ko sa iyo ay ito pa ang ginaganti mo?” tanong ni Guada.
“Hindi po akin ang pitaka na iyan. Mas nanaisin ko pong magutom kami ng kapatid ko kaysa kumain kami ng perang inangkin lang namin. Naiintindihan ko po kayo, Aling Guada sa lahat ng nasabi nyong masasama sa akin. Hindi po ako nagdadamdam doon. Ingatan po ninyo ang pitaka ninyo para hindi na po ulit malaglag,” wika ni Selya.
Nang tatalikod na sana si Selya ay may napagtanto si Aling Guada. Busilak nga talaga ang puso ng dalaga at naiiba siya sa sinasabi ng ginang.
“G-gusto mo bang magtrabaho pa sa tindahan ko?” tanong muli ni Aling Guada sa dalaga.
“Bukas na bukas ay pumunta ka sa pwesto ko. Tulungan mo akong magtinda. Agahan mo at marami pa tayong aayusin,” sambit muli ng ginang.
Natigilan si Selya at lubos ang kaniyang saya sa narinig kay Aling Guada.
“Saka ito, tanggapin mo ang perang ito para sa inyong magkapatid,” dagdag pa ng ginang sabay abot ng isang libong piso kay Selya.
“Napakalaking pera po nito, Aling Guada. Ngayon lang po ako nakahawak ng ganitong salapi! Maraming maraming salamat po talaga!” masayang-masayang sambit ng dalaga.
Mula noon ay kasa-kasama na ni Aling Guada si Selya sa pagtitinda niya sa palengke. Dahil ito ay hindi na problema pa ni Selya ang pantustos nilang magkapatid. Binigyan din sila ni Aling Guada ng matutuluyan upang hindi sila sa lansangan tumitira.
Napatunayan ni Selya na tama ang kaniyang ginawang pagbabalik kay Aling Guada ng pitaka nito at napatunayan din ni Aling Guada sa kaniyang sarili na tama ang kaniyang desisyon na tuluyang tanggapin ang dalaga dahil mabuti ang kalooban nito. Kahit kailan ay hindi ito gumawa ng masama laban sa kaniya.
Simula noon ay lalo pang lumakas ang kita ni Aling Guada sa palengke sa tulong ng bago niyang kasa-kasama na si Selya.