Parang Aso at Pusa ang Magkapatid Noong mga Bata Pa Sila at Nagsilbing Tagapamagitan Nila ang mga Magulang; Sa Kanilang Paglaki, Tila Naiba ang Sitwasyon
“Mama, mama si Ate ohhh… kinukuha na naman niya toys ko,” umiiyak na sumbong ng bunsong si Tenten, 5 taong gulang. Ang kaniyang ate naman ay si Lenlen, na mas matanda lamang sa kaniya ng isang taon.
“Ano na naman ba iyan? Lenlen, Tenten? Bakit na naman ba kayo nag-aaway? Kayo talaga…” pananaway ni Leticia sa kaniyang mga anak. Binitiwan nito ang sandok. Nagluluto kasi siya.
“Eh kasi akin naman talaga iyan eh, binigay lang nila sa ‘yo,” humihikbing sabi naman ni Lenlen.
Pinag-aawayan ng magkapatid ang mga dating laruan ni Lenlen na napunta na kay Tenten. Ganoon naman talaga: ang mga gamit ng panganay ay napupunta sa bunso.
Nilapitan ni Leticia si Lenlen at pinagsabihan ito.
“Ate, halika rito. Huwag ka na magtampo, anak. Ganoon talaga. Share your things with your baby brother. Huwag mo na awayin si Tenten, okay” sabi ni Leticia sa panganay na anak.
“Eh kasi lahat ng toys ko napupunta na sa kaniya…” palahaw ni Lenlen.
“Ate naman eh… huwag ka mag-alala, bibilhan ka na lang namin ni Daddy ng bagong toys mo kapag nagpunta tayo sa mall,” pangako ni Leticia.
Iyan ang mga kadalasang pinag-aawayan nina Lenlen at Tenten noong mga bata pa sila: laruan, damit, at atensyon mula sa kanilang mga magulang. Subalit matiyaga naman silang pinagbabati at pinag-aayos ng kanilang Mommy at Daddy na nakaalalay lamang sa kanila.
Matuling lumipas ang panahon. Pareho nang nasa kolehiyo sina Lenlen at Tenten. Kung noong sila ay mga musmos pa lamang, lagi silang nag-aaway, nabaligtad na ngayon. Mas nagkasundo silang dalawa. Naging takbuhan ni Tenten ang kaniyang Ate Lenlen kapag may mga usaping puso siyang nais isangguni.
Hindi na sila naging problema ng kanilang mga magulang. Nabaligtad naman. Sila naman ngayon ang namroblema sa kanilang Mommy at Daddy, dahil napapadalas ang pag-aaway ng mga ito.
“Ate, anong gagawin natin kina Mom and Dad? Kagabi, I heard na umiiyak na naman si Mommy. Hindi na naman daw umuwi si Daddy kagabi,” tanong ni Tenten.
“Oo nga eh. Nalaman ko rin kay Mommy. Alam mo Ten, we have to do something about it. Kailangang makaisip tayo nang paraan kung paano sila mapagbabati. Hindi puwedeng wala tayong gawin,” sabi naman ni Lenlen.
“Pero may naiisip ka ba na plan para mapagsama natin silang pareho?” tanong ni Tenten sa kaniyang ate.
“May naiisip ako pero kailangan nating pagplanuhang maigi para hindi nila mahalata,” sabi ni Lenlen.
Isang plano ang naisipan nila. Si Lenlen ang bahala sa kanilang Mommy at si Tenten naman ang bahala sa kanilang Daddy. Kinuntsaba ni Lenlen ang kaniyang kaibigan na nagmamay-ari ang pamilya ng isang restaurant para sa isang reservation. Palihim nilang pinlano at inayos ang lahat.
Kunwari ay magkahiwalay na aayain ng dalawang anak ang mga magulang na nakatoka sa kanila, at dadalhin sa restaurant na iyon na may full set-up. Nakahanda na ang lahat: magmula sa pagkain, dekorasyon, at may music band pa. Naging matagumpay naman sila sa kani-kanilang mga plano.
“W-What’s this?” nagtatakang tanong ni Leticia sa kaniyang mga anak.
“Mom, Dad… naisipan po namin ni Tenten na ise-up ito para makapag-usap kayo. We are very aware that your relationship is on the rocks. Gusto namin magkaayos kayong dalawa,” paliwanag ni Lenlen.
“Yes Mom, Dad. Remember the old days na kami ni Ate Lenlen ang pinagbabati ninyo kapag nag-aaway kayo? Sa mga simpleng tampuhan namin, lagi kayong nariyan sa tabi namin. Ngayong malalaki na kami at kayo naman ang nagkakatampuhan for some strange reasons, hayaan naman ninyo na kami naman ang magbati sa inyong dalawa,” emosyunal na segundang paliwanag ni Tenten.
“Thank you mga anak,” nasabi ni Horacio, ang kanilang Daddy. “Ganoon lang talaga ang buhay mag-asawa. May ups and downs. Nagkakatampuhan. Pero maniwala kayo sa amin, okay kami ng Mommy ninyo. Mahal pa rin namin ang isa’t isa.
“Yes mga anak, that’s true. Minsan lang talaga hindi nagkakasundo pero don’t worry, naayos na namin ang lahat. Huwag na kayong mag-aalala sa amin,” nakangiting sabi naman ni Leticia sa kaniyang mga anak.
Masayang-masaya sina Lenlen at Tenten dahil hindi pa man nagsisimula ang kanilang sorpesa para sa mga magulang ay nagkaayos na ang mga ito. Masayang-masaya sila sa muling pagkakasundo ng kanilang mga magulang.
Pinagsalu-saluhan nila ang masasarap na pagkain at nagsilbing bonding moment para sa mag-anak ang set-up na iyon, na inihanda ng magkapatid para sa pagbabati ng kanilang mga magulang. Sabi nga, hindi matitiis ng magulang ang mga anak, subalit may mga anak ding hindi kayang nasasaktan ang kanilang mga magulang.