Pag-asa ng Kanilang Pamilya ang Tingin ng mga Magulang sa Kanilang Matalinong Anak; Subalit Bakit Tila Nagbago Ito Dahil Lamang sa Isang Pagkakamali?
“Si Kuya Natoy ninyo ang pag-asa ng pamilyang ito. Hindi ba, Natoy?” nakangiting sabi ni Mang Damian sa kaniyang panganay na anak na lalaki. Kasalukuyang naghahapunan ang mag-anak na Pineda. Sarap na sarap ang nilutong maasim na sinigang na hipon ng ilaw ng tahanan na si Aling Corina.
“‘Tay naman, huwag naman kayong ganiyan, nakaka-pressure naman eh!” biro ni Natoy. Si Natoy ay sadyang matalino at honor student. Isang taon na lamang at magtatapos na ito sa kursong Civil Engineering. Iskolar ng Bayan si Natoy, at malakas ang paniniwala niyang magkakaroon ng parangal bilang Magna Cum Laude.
“Paano naman po kami? Patapon?” biro naman ni Sid, ang Senior High School na pangalawang anak at mahilig sa basketball. Medyo madalas na napapatawag sa paaralan sina Mang Damian at Aling Corina dahil sa mabababang marka nito dulot na rin sa pagiging kasapi ng varsity team.
“Hindi… ang ibig kong sabihin, ga-graduate na ang Kuya Natoy ninyo at may makakatulong na kami ng Nanay ninyo para ibili ang mga gusto ninyo. Hindi ba, Natoy?” proud na proud na sabi ni Mang Damian sa panganay. Lagi niya itong ipinagmamalaki sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho. Bukambibig naman ni Aling Corina ang anak sa kanilang mga kapitbahay, kaya naman mataas ang tingin ng mga ito sa kanilang pamilya.
“Basta Kuya yung promise mo sa amin ah? Dadalhin mo kami sa ibang bansa kapag may pera ka na. Gusto ko sa Disneyland!” sabi naman ni Kate, ang bunsong kapatid na babae na nasa Grade 4.
“Oo naman. Basta pagka-graduate ko magtatrabaho na ako,” pangako naman ni Natoy.
“Basta huwag ka muna mag-aasawa, ha? Magpigil-pigil ka muna. May kasintahan ka ba ngayon?” tanong ni Mang Damian.
Muntik nang maibuga ni Natoy ang hinigop na sabaw ng sinigang na hipon sa kaniyang Tatay. Nasamid siya. Dinulutan tuloy siya ng tubig ni Aling Corina.
“Oh, nasamid… naku… may tinatago…” kantiyaw ni Sid. Pinandilatan naman siya ni Natoy.
“W-Wala po akong girlfriend, Tay, Nay. Nasamid lang po ako,” naisagot na lamang ni Natoy.
“Mainam naman kung gayon. Nagkakaintindihan tayo. Magandang lalaki ka Natoy kaya mas mainam kung magtatapos ka ng pag-aaral. Mas marami ka pang babaeng makikilala kapag may pera ka na,” bilin ni Mang Damian.
Subalit iyan ang pinakaiingat-ingatan ni Mang Natoy. Ang hindi alam ng kaniyang mga magulang. tatlong taon na sila ng kaniyang nobyang si Roselyn.
Isang araw, isang balita ang narinig niya mula kay Roselyn; isang balitang tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa.
“Be, buntis ako. Dalawang buwan na. Anong gagawin natin?” tanong ni Roselyn.
Tila natuliro si Natoy sa kaniyang mga narinig.
“P-Paano nangyari iyon? Hindi ba nag-iingat naman tayo?” namumutlang tanong ni Natoy, kahit alam naman niya ang sagot, na noong huling nagniig sila ng kasintahan ay hindi siya gumamit ng proteksyon, dahil biglaan lamang iyon.
“Magagalit ang Mommy at Daddy ko. Hindi nila matatanggap lalo na’t hindi naman nila alam na may boyfriend ako. Anong gagawin natin?” takot na takot na tanong ni Roselyn na nag-aaral din sa naturang pamantasan kung saan nag-aaral si Natoy, at kung saan sila nagkakilala. Kaya lamang, mag-isa lamang itong namumuhay sa Pilipinas dahil parehong nasa ibang bansa ang mga magulang, na matagal nang hiwalay.
“Hindi ko alam… hindi ko alam…” naguguluhang sambit ni Natoy.
Hindi makatulog ng gabing iyon si Natoy. Iniisip niya ang sitwasyon nila ni Roselyn. Parehong hindi alam ng kani-kanilang mga magulang ang kanilang relasyon. Isa pa, pareho pa silang walang trabaho at mag-aaral pa lamang. Hindi niya maaaring sabihin sa mga ito na nakabuntis siya. Ayaw niyang biguin ang mga ito sa mataas na pagtingin sa kaniya.
Kaya nagdesisyon ang magkasintahan na itutuloy nila ang ipinagbubuntis ni Roselyn. Kahit malaki na ang tiyan ay pumapasok pa rin ang nobya. Si Natoy naman ay namasukan bilang service crew upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang magiging mag-ina. Kailangan niyang paghandaan ang panganganak ni Roselyn. Itinago nila sa kani-kanilang mga magulang ang sitwasyon nila.
Kapag kinakailangang magpacheck up sa doktor si Roselyn, idinadahilan ni Natoy na kailangan lamang niyang mag-overnight sa bahay ng kaklase upang tapusin ang kanilang thesis. Subalit ang totoo niyan, sinasamahan niya lamang si Roselyn sa OB-gyne nito.
Ngunit isang araw, habang nagtitingin-tingin ang dalawa ng mga kagamitang pambata sa department store, hindi inaasahang nakita sila ni Sid.
“Ikaw ang pag-asa ng pamilyang ito, hindi ba? Ano kaya ang magiging reaksyon nina Tatay at Nanay kapag nalaman nilang ang paborito nilang anak na magsasalba sa pamilyang ito, ay nakabuntis at malapit nang maging Tatay? Na ang pinakamatino nilang anak ang may dala-dalang problema ngayon?” sumbat sa kaniya ni Sid. Kauuwi lamang niya noon.
“Sid, parang awa mo na. Kung anuman ang nakita mo, huwag mong sabihin kina Tatay at Nanay. Sasabihin ko rin naman sa kanila pero huwag sana ngayon. Ako ang magsasabi sa kanila. Hayaan mo lang ako… kapag handa na ako,” pakiusap ni Natoy kay Sid.
Subalit narinig pala ng mag-asawa ang pinag-aawayan nilang magkapatid.
“Anong problema? Renato? Anong sinasabi ni Sid?” tanong ni Mang Damian. Kilala ni Natoy ang ama. Kapag binanggit na nito ang buo niyang pangalan, seryoso at galit na ito.
“Sid, ano bang sinasabi mong problema?” untag ni Aling Corina sa pangalawang anak.
“Bakit hindi po ang magaling at matino ninyong anak ang tanungin ninyo? Mas maganda po na sa kaniya manggaling…” sagot ni Sid. Kinuha nito ang sumbrero at umalis.
“T-Tay… N-Nay… sorry po… sorry po…” umiiyak na sabi ni Natoy.
“Huwag mong sabihing nakabuntis ka?” diretsahang tanong ni Mang Damian.
Napamaang si Natoy. Unti-unti siyang tumango.
Dinaklot ni Mang Damian ang kuwelyo ng uniporme ni Natoy. Dinaluhan at inawat naman nang umiiyak na si Aling Corina ang mister. Nasa isang tabi naman si Kate at umiiyak din.
Sasapukin sana ni Mang Damian ang anak, subalit nakapagpigil ito. Dinuro niya ang mukha ng anak.
“Akala ko, iba ka. Ang taas ng tingin ko sa iyo, anak. Ikaw pa naman ang tinitingala ko na tutulong sa amin ng Nanay mo para maiahon sa kahirapan ang pamilyang ito. Ang laki ng inaasahan ko sa iyo, anak. Ang laki ng pangarap ko para sa iyo… sinayang mo lang lahat…” emosyunal na sabi ni Mang Damian.
Simula noon ay naging matabang na ang pakikitungo ni Mang Damian kay Natoy. Hanggang sa makatapos ito ng pag-aaral at makuha ang parangal na Magna Cum Laude ay hindi sumipot sa graduation ceremony ang ama.
Nakapanganak na rin si Roselyn at hindi naman ito nagpatumpik-tumpik na ipagtapat sa mga magulang ang kaniyang sitwasyon. Subalit hindi nga matitiis ng magulang ang anak. Napawi ang kanilang galit nang masilayan ang kanilang apo.
Nang magtapos, hindi sinayang ni Natoy ang kaniyang panahon. Naghanap kaagad siya ng trabaho, at pinalad naman. Ipinasya nila ni Roselyn na magsama na upang may makasama ito sa pag-aalaga sa kanilang anak. Makalipas ang tatlong taon, naging maayos naman ang pamumuhay nila.
Kahit na may sarili nang pamilya, hindi pa rin nakalilimot si Natoy na mag-abot ng pera para sa kaniyang Nanay at Tatay. Ipinapadaan niya ito kay Aling Corina.
Isang araw, ipinasya ni Natoy na dalhin at pormal na ipakilala si Roselyn at ang kanilang anak sa kaniyang Tatay at Nanay. Lumambot ang puso ni Mang Damian nang masilayan ang kaniyang apo.
“Patawarin mo ako, Tay. Hindi ko naman po ginusto na gumuho ang mga pangarap ninyo para sa akin. Sana proud ka pa rin sa akin,” paghingi ng tawad ni Natoy.
Hinawakan siya sa balikat ni Mang Damian.
“Proud pa rin ako sa iyo. Sa kabila ng mga nangyari, pinanindigan mo pa rin ang nagawa mo, at hindi ka bumitiw sa mga pangarap mo. Proud ako sa iyo, sa inyo ng mga kapatid mo,” emosyunal na sabi ni Mang Damian.
Masayang-masaya si Natoy dahil napatawad na siya ng kaniyang mga magulang. May sapat na lakas na siya ngayon upang itaguyod ang kaniyang sariling pamilya.