Inday TrendingInday Trending
Sinariwa ng Misis ang Kaniyang mga Alaala Kung Paano Sila Nagkakilala ng Kaniyang Mister Subalit Ni Isang Salita ay Wala Itong Reaksyon sa Kaniyang mga Salaysay; Bakit Kaya?

Sinariwa ng Misis ang Kaniyang mga Alaala Kung Paano Sila Nagkakilala ng Kaniyang Mister Subalit Ni Isang Salita ay Wala Itong Reaksyon sa Kaniyang mga Salaysay; Bakit Kaya?

“Mahal kong Mauro, nagluto ako ng paborito mong champorado. Bumangon ka na riyan sa higaan mo…”

Inilapag ni Carlotta ang dala-dalang tray na kinalalagyan ng nilutong champorado. Hindi nagbigay ng kahit na anong reaksyon ang mister na si Mauro. Nakaunat lamang ito sa kama.

“Mauro mahal, gising na. Nag-ihaw pa ako ng tuyo para mai-partner mo sa champorado. Nilagyan ko na rin ng gatas. Bangon na…”

Dahil wala pa ring reaksyon ang mister, inalalayan na niya itong bumangon at ipinaupo ito sa upuan. Mabigat man, hindi ito alintana ni Carlotta. Inihain niya sa harap nito ang paborito nitong champorado.

“Alam mo mahal… matagal-tagal na rin nating hindi nagagawa ang pagkain nang sabay. Simula nang maging abala ka sa negosyo, doon na lang lagi ang pokus mo. Nakalimutan mong may asawa ka. Nakalimutan mo na ako,” tila maiiyak na sabi ni Carlotta.

Wala pa ring reaksyon si Mauro. Nanatili pa rin itong nakapikit.

“Magsalita ka naman, mahal… nagustuhan mo ba ang champorado ko? Anong gusto mong lutuin ko mamaya sa pananghalian? Bumili ako ng tenderloin kanina. Gagawa ako ng steak. Gusto mo ‘yon, hindi ba?”

Wala pa ring reaksyon si Mauro. Nanatili pa rin itong nakapikit.

“Naalala mo ba noong una tayong magkakilala, mahal? Sa Tagaytay iyon… hindi natin inasahang magki-click tayo. Gusto nating parehong sumakay noon sa ferris wheel, eh hindi tayo pinayagan kasi mag-isa lang tayo pareho. Kaya ang ginawa natin, kahit hindi tayo magkakilala, sumakay na lang tayo doon sa natitira. At doon tayo unang nagkakilala. Simula noon, naging close na tayo. Lagi na tayong lumalabas,” salaysay ni Carlotta.

Wala pa ring reaksyon si Mauro. Nanatili pa rin itong nakapikit.

“Tapos nanligaw ka sa akin, at hindi na ako nagpakipot. Sinagot na kaagad kita. May nangyari kaagad sa atin. Nabuntis mo ako… kaya nagpakasal na kaagad tayo. Civil wedding. Ayaw sa akin ng mga magulang mo kasi ayaw nila sa babaeng naglalagay ng itim na lipstick sa mga labi. Lalo na nang malaman nilang ang nanay ko, nabaliw at ngayon ay nasa loob ng mental hospital. Baka raw mahawa ang magiging anak natin,” unti-unti ay napalitan ng pagiging seryoso ang mukha ni Carlotta.

Wala pa ring reaksyon si Mauro. Nanatili pa rin itong nakapikit.

“Hayop iyang Mama mo, Mauro… ngayon sana malaki na ang anak natin… pero anong nangyari? Sinampal niya ako. Napaupo ako sa sahig dahil sa lakas. Dinugo ako. At nalaglag ang anak natin… nalaglag ang anak natin dahil sa kagagawan ng Mama mo! At ikaw… simula nang mawala ang anak natin naghanap ka ng iba! Naghanap ka ng ibang kandungan! Pero wais ako, mahal. Hindi ako papayag na malalamangan ako. Ginawan ko nang paraan. Nawala na sa landas natin ang malanding si Marga at si Tina.”

“Si Marga, pinuntahan ko sa bahay nila at kinompronta. Nagkainitan kami. Kaya pinukpok ko ang mukha niya. Maingay na babae eh. Nang mawalan nang malay, inilagay ko sa loob ng bakanteng drum sa CR niya. Tamang-tama may nakita akong semento. Binuhusan ko siya ng semento para hindi na siya magkamalay. Si Tina naman, ganoon din ang ginawa ko. Maharot siya eh. May malaki siyang freezer sa bahay. Doon ko na lang inilagay sa ilalim ang bangk*y niya. Tinabunan ko ng mga hilaw na manok, baboy at tosino na paninda niya,” walang kagatol-gatol na sabi ni Carlotta.

Wala pa ring reaksyon si Mauro. Nanatili pa rin itong nakapikit.

“Hindi ka ba magsasalita, ha? Ano ba? Kanina pa ako nagkukuwento rito, Mahal! Ano, ganiyan na lang ba tayo lagi? Lagi mo na lang akong binabalewala? Laging hindi pinapansin? Ano bang gusto mong gawin ko para patunayan sa iyo na hindi totoo ang bintang sa akin ng mga magulang mo? Ano pa ba?” galit na sabi ni Carlotta.

Naputol ang pagsasalita ni Carlotta nang biglang bumukas ang pinto at bumungad ang mga pulis, gayundin ang mga magulang ni Mauro. Agad na nagtakip ng ilong ang lahat dahil sa masangsang at nabubulok na amoy.

“Saan ninyo ako dadalhin? Saan ninyo dadalhin si Mauro? Huwag ninyong ilayo ang asawa ko? Mula buhay hanggang kamatayan ay magsasama kami!” umiiyak at pumapalag si Carlotta nang damputin ng mga pulis.

Umigkas ang kanang kamay ng ina ni Mauro sa pisngi ni Carlotta.

“Hayop ka ,Carlotta! Anong ginawa mo sa anak ko? Isa kang baliw! Sira ang ulo mo! Isang malamig na bangk*y na si Mauro, kinakausap mo pa rin? Kukunin ko ang anak ko at bibigyan nang maayos na libing!” umiiyak na sabi nito.

Dinala sa ospital ng mga baliw si Carlotta at kapag gumaling na siya, patong-patong na kaso ang naghihintay sa kaniya dahil sa kaniyang mga ginawa kina Marga, Tina, at maging sa mister na si Mauro.

Tatlong buwan na palang naaagnas ang bangk*y ni Mauro subalit hindi ito inilibing ni Carlotta at kinakausap pa ring parang buhay. Itinago niya ito sa isang rest house na sila lamang ang nakakaalam. Kaya pala wala na itong reaksyon sa mga pinagsasasabi ni Carlotta. Kalansay na pala ito.

Ang pamilya ni Mauro ang naglibing sa bangkay nito na kung tutuusin ay isa nang kalansay at pilit nilang kinalimutan ang madilim na yugtong iyon ng kanilang buhay.

Advertisement