Inday TrendingInday Trending
Naiirita ang Dalaga sa Tuwing Magpapatulong sa Kaniya sa Paggamit ng Gadget ang Kaniyang Lola; Hanggang Mapagtanto Niyang Mali Pala Siya

Naiirita ang Dalaga sa Tuwing Magpapatulong sa Kaniya sa Paggamit ng Gadget ang Kaniyang Lola; Hanggang Mapagtanto Niyang Mali Pala Siya

“Lena, anak… turuan mo nga ako kung paano gagawin itong Pesbuk na ito, gusto ko kasi makausap ang Tito Michael mo sa abroad. Sabi niya gumawa na lang daw ako nito eh, hindi naman ako marunong…”

Kunwari ay hindi narinig ni Lena ang pakiusap ng kaniyang Lola Olon, 68 taong gulang, na noon ay tila takot na takot hawakan ang tablet nitong ipinadala ng kaniyang Tito Michael na nasa ibang bansa at naghahanapbuhay bilang OFW. Abala siya sa kaniyang pagluluto ng kare-kare dahil pupunta ang kaniyang boyfriend. Gusto niyang ma-impress sa kaniya ito.

Subalit inakala yata ni Lola Olon na hindi niya narinig ang pagtawag nito sa kaniya. Dala ang tablet, nilapitan siya nito at kinalabit pa.

“Apo, turuan mo naman akong gumawa ng Pesbuk…”

“Lola, Facebook po. Hindi Pesbuk! Hindi po ba tinuruan ko na kayo noong nakaraan?”

Kinuha ni Lena ang tablet ng lola at itinuro dito kung paano buksan ang ginawa nilang account. Kaya lang may problema…

“Apo, nakalimutan ko kung ano ang password eh,” tila nahihiyang pag-amin ni Lola Olon.

Halatang-halata sa mukha ni Lena na naiirita siya dahil sa pang-iistorbo sa kaniya ni Lola Olon. Hindi pa siya nakakaligo. Gusto niya, makaligo at makapag-ayos muna siya dahil nakakahiya naman sa boyfriend niya kung maaabutan siya nitong hulas na hulas.

“Lola. i-click lang po ninyo iyan kasi naka-automatic naman po iyan. Pakitandaan naman po, please. Lagi na lang akong paulit-ulit sa inyo. Kinalilimutan naman po kaagad ninyo eh…” sabi ni Lena. Nabuksan na nga ang account ng kaniyang lola, at bumaha ang napakaraming notifications.

“O baka naman po nakalimutan ninyong mag-check ng notifications? I-click lang po ninyo yung nasa taas na parang bell. Yung kulay pula. O hayan po may nag-like sa photo ninyo saka may nag-comment,” mahinahong sabi ni Lena bagama’t mahahalata sa kaniyang boses ang pagkairita.

“Salamat, apo… sige huwag kang mag-alala, tatandaan ko na,” tila nagtatampong sabi ng lola. Kinuha na nito ang tablet at bumalik sa kaniyang puwesto sa sala.

Si Lena naman ay tila sinundot ng konsensya dahil sa naging asal niya sa kaniyang lola. Subalit may ganoong ugali kasi talaga si Lena: ayaw niyang naiistorbo siya, lalo na ngayon at nagluluto siya ulit ng kare-kare, na gusto niyang ipatikim sa kaniyang boyfriend.

Habang naghahalo, naalala ni Lena na ang resipi niyon ay itinuro sa kaniya, walang iba kundi ni Lola Olon, ang nag-alaga sa kaniya noong bata pa lamang siya. Muling nanumbalik kay Lena ang mga panahong tinuturuan siyang magluto ni Lola Olon.

“O Lena, ganito ang gagawin mo ah… habang hinihintay mong maluto ang mga ito, dapat nakahanda na rin ang bagoong alamang. Dapat lagyan mo ng kaunting asukal, iyan ang nagpapasarap pang lalo sa kare-kare. Tapos itong mani, durugin mong maigi…”

May kung ilang beses din siyang nagkamali sa mga pagtuturo nito noon, hindi lamang sa kare-kare, kundi maging sa iba-ibang mga ulam gaya ng nilaga, sinigang, adobo, tinola, menudo, mechado, at marami pang iba. Pinagtiyagaan siyang turuan nang paulit-ulit hanggang sa makuha niya ang tamang timpla.

“Apo, kailangan mong matutuhang magluto, para kapag nag-asawa ka na, hindi mo gugutumin ang asawa at mga anak mo,” laging paalala sa kaniya ni Lola Olon.

Tila kinurot ang puso ni Lena. Noon, hindi naman nairita sa kaniya ang lola kahit lagi niyang napagpapalit-palit ang mga rekados ng menudo, mechado, afritada, o kaya naman ay kapag nasusunog ang kaniyang pagpiprito ng isda. Kapag minsan, malata ang sinaing.

Binitiwan ni Lena ang hawak na sandok. Lumapit siya kay Lola Olon, na noon ay hindi na magkandatuto kung ano ang pipindutin sa Messenger dahil tumatawag na si Tito Michael niya.

Niyakap ni Lena ang kaniyang lola. Mula sa likuran, kinuha ang tablet nito.

“Lola, pindutin po ninyo yung green button na parang symbol ng phone, iyan po ang pagsagot. Kapag end call na po, yung kulay-red,” masuyong sabi ni Lena.

“Thank you, apo…” nakangiting pasasalamat ni Lola Olon.

“Hindi, lola. Thank you… sorry kanina… I love you!”

At simula nga noon, sa tuwing magpapatulong si Lola Olon hinggil sa paggamit ng mga devices at social media apps, hindi na naiinis si Lena; kung gaano rin hindi ito nainis noong tinuturuan siya ng pagluluto at kung paano maging matatag sa mga hamon ng buhay.

Advertisement