Inday TrendingInday Trending
Hindi Maunawaan ng Anak kung Bakit Kailangang Magtungo sa “Probinsiya” ang Kaniyang Ina; Saka Lamang Niya Naunawaan ang Lahat

Hindi Maunawaan ng Anak kung Bakit Kailangang Magtungo sa “Probinsiya” ang Kaniyang Ina; Saka Lamang Niya Naunawaan ang Lahat

Masayang-masaya si Biboy dahil maaga silang gumising ng inang si Inocencia at inaya siya nitong maglakad-lakad sila patungo sa parke. 4:00 pa lamang ng madaling-araw iyon, tahimik na tahimik pa ang kanilang lugar.

“Sssshhhh huwag ka maingay Biboy… nahihimbing pa ang mga tao,” sabi sa kaniya ng ina. Sinunod naman ito ni Biboy. Kunwari ay zinipper niya ang kaniyang bibig, at pabungisngis na tumalon-talon ding kagaya ng ina.

Labis na namiss ni Biboy ang ina na halos anim na buwan ding nawalay sa kanila. Sabi ng ama niya, nagbakasyon lamang daw ang ina sa kamag-anak nito.

“Puwede po ba natin siyang tawagan o i-video call?” tanong ng 5 taong gulang na si Biboy sa kaniyang ama. Umiiyak siya kapag namimiss ang ina.

“Hindi puwede, anak. Probinsiya kasi iyon. Mahina ang signal. Hintayin na lang natin ang Mama mo kapag umuwi na siya rito.”

Papahirin naman ng kaniyang tiyahin ang kaniyang mga luha, si Tiya Isa, na kapatid ng kaniyang ina.

Anim na buwan ang tiniis ni Biboy. Miss na miss na niya ang kaniyang ina. Noon, lagi siya nitong pinaghehele at tinitimplahan ng gatas. Hindi siya maaaring matulog hangga’t hindi siya nakakainom nito.

Tuwing hapon, nagtutungo sila sa parke na matatagpuan sa dulong bahagi ng kanilang subdivision. Doon, walang humpay silang maghahabulan. Kapag nasukol siya nito, pinupupog siya ng napakaraming halik. Tuwang-tuwa naman si Biboy. Bago kumagat ang dilim, mahihiga sila sa damuhan at tatanawin ang langit, na noon ay magkukulay-kahel.

At ngayon, dumating na nga ang kaniyang ina, subalit napansin ni Biboy na lumalim pang lalo ang mga mata nito, tila namayat ang ina, at tila may sumisilip na lungkot sa mga mata.

Pagdating sa parke, katulad ng kanilang ginagawa ay naghabulan ang mag-ina; kapag nasusukol ulit siya, pinupupog siya ng halik at kiliti, at kapag nakawala naman siya ay maghahabulan ulit. Paulit-ulit. Nang magsawa, sila naman ay naglaro ng tagu-taguan. Laging ang ina ang taya at siya ang magtatago. Kapag nagsawa ulit sa taguan, “langit-lupa” naman ang kanilang lalaruin.

Nang mapagod sa paglalaro, gaya ng dating gawi ay nahiga sa damuhan ang mag-ina. Medyo basa pa ng hamog ang damuhan subalit tila walang pakialam si Inocencia. Kahit ang mga paa nito ay nakasadsad na sa putikan, hindi niya ito alintana.

“Mama, na-miss kita. Maganda po ba sa probinsiya?” untag ni Biboy sa ina.

Hindi sumagot si Inocencia. Sa halip, kumanta-kanta lamang ito ng paborito nitong awitin, na hindi naman maunawaan ni Biboy.

“Mama, babalik ka pa ba sa probinsiya?” muling tanong ni Biboy.

Huminto sa pag-awit ang ina. Humarap sa kaniya. Kung kanina ay masaya ito, bigla itong sumeryoso.

“Biboy, hindi na ako babalik doon. Hindi na. Tandaan mo iyan. Miss na miss kita anak… miss na miss kita! Kinailangan ko lang umalis at magpunta sa lugar na iyon, pero hindi kita iiwan anak! Hinding-hindi na kita iiwan! Hindi na kailanman!”

At sa pagkagulat ni Biboy ay biglang pumalahaw ng iyak ang ina. Bigla rin siyang niyakap. Gumanti naman ng yakap si Biboy. Takang-taka siya kung bakit bigla na lamang itong umiyak gayong masayang-masaya ito kani-kanina lamang.

“Mama, isama mo ako sa probinsiya…” kapagkuwan ay sambit ni Biboy.

Huminto sa pag-iyak si Inocencia. Masuyong tiningnan ang mukha ng anak.

“Hindi puwede, anak. Hindi ka puwede roon…” sagot ni Inocencia.

“Bakit po hindi puwede? Gusto ko pong makilala si Lola,” giit ni Biboy.

“Hindi nga puwede anak. Hindi puwede,” mariing sabi ni Inocencia.

“Eh bakit po hindi puwede?” makulit na tanong ni Biboy.

“Sinabi ko ngang hindi puwede, hindi puwede, hindi puwede! Bakit ba ang kulit-kulit mong bata ka?! Kapag sinabi kong hindi puwede, hindi puwede!” bigla’y nagalit naman si Inocencia at pinaghahampas sa puwitan si Biboy. Si Biboy naman ang pumalahaw ng iyak.

Iyon ang eksenang naabutan naman ni Lito, ang ama ni Biboy at mister ni Inocencia. Dali-dali niyang pinuntahan ang kaniyang mag-ina. Kaagad niyang kinarga si Biboy na noon ay gulat na gulat kung bakit naging marahas ang kaniyang ina sa kaniya.

Umuwi na sila sa kanilang bahay, at narinig ni Biboy ang naging usapan.

“Ano ka ba naman, Inocencia… hindi ka pa lubusang magaling? Gusto mo bang bumalik sa loob?” tanong ni Lito sa asawa.

“S-sorry Biboy, s-sorry… sorry…” paghingi ng paumanhin ni Inocencia. Halos maglupasay ito sa sahig.

“M-mukhang kailangan mo ulit bumalik sa probinsiya, Inocencia,” malungkot na sabi ni Lito.

Kinabukasan, nakita ulit ni Biboy ang isang puting van na sumundo noon sa ina at naghatid ulit dito sa kanila. Hindi maunawaan ni Biboy kung ano ang nangyayari. Ang alam niya, babalik sa probinsiya ang kaniyang ina, subalit tumatak sa kaniya ang mga pahayag na “Hindi pa siya magaling” at “Dadalawin kita” na sinambit ng kaniyang ama.

Matuling lumipas ang panahon.

Ngayon, nasa hustong edad na si Biboy para maunawaan, na may seryosong kondisyon sa pag-iisip ang kaniyang ina. Nauunawaan na niya ang lahat. Naunawaan na ni Biboy na ang tawag sa kondisyon ng ina ay pagiging bipolar. Gusto niyang gumaling ang ina. Gusto niyang mapagaling nang lubusan ang ina. Kaya naman ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo ay Behavioral Science.

Sa ngayon, maayos na ang kondisyon ni Inocencia, sa tulong na rin ni Biboy, na isa nang ganap na Psychiatrist. Pangako niya sa kaniyang sarili, hinding-hindi niya pababayaan ang ina na magtungo sa isang masalimuot na mundong nasa kaniyang isipan.

Advertisement