Inalipusta ng Babae at ng Guwardiya ang Binata; Ito pala ang Nawawalang Anak ng Kanilang Amo
Nang araw na iyon ay nagpasyang mamalengke si John. Kakukuha niya lang kasi ng suweldo sa kaniyang pinagtatrabahuhang fastfood chain.
Bumili siya ng isda, kaunting manok at gulay na naisipan niyang ilagay sa pinaglumaang mini refrigerator na ibinigay sa kaniya ng katrabaho niya noong isang araw. Natutuwa nga siya dahil naging napakabuti ng mga katrabaho sa kaniya kahit pa ang alam ng mga ito ay mahirap lamang siya.
Pagkatapos mamili sa palengke ay naisipan ni John na pumunta sa bilihan ng sapatos. Balak na niyang palitan ang luma niyang sapin sa paa. Ngunit sa hindi sinasadyang pagkakataon ay may nabunggo siyang nagmamadaling babae.
“M-Miss, ayos ka lang?” nahihiyang aniya.
“Pasensiya? Malilinis ba ng pasensiya mo ang dumi at lansa ng isda na natapon sa damit ko?” maarteng sagot ng babae kay John. Nakataas ang isang kilay nito at halata ang galit sa tinig.
“Miss, hindi ko sinasadya pero kung gusto mo bibilhan na lamang kita ng bago.” Inirapan lamang siya ng babae.
“Sa itsura mong iyan makakabili ka ng ganitong klaseng damit?” Turo nito sa sarili. “Damit mo nga mukhang pampulubi!” pang-iinsulto pa ng babae ngunit naging mapagpasensiya lamang ang binata.
“Miss, hindi ko talaga sinsadyang matapon sa ’yo ang mga binili ko,” mahinahon niyang saad.
“Hindi ka kasi tumitingi sa dinadaanan mo!”
“Miss, sobra ka na.” Isang lalaki sa edad apatnapu ang nagsalita.
“Kasalanan mo naman talaga dahil ikaw ang nagmamadaling tumatakbo at hindi siya.” Turo ng matanda kay John.
“Ewan ko sa inyo! Bahala na nga kayo diyan!” Tinalikuran ng babae ang dalawang lalaki at saka umalis.
“Marami pong salamat sa pagtatanggol,” pasasalamat naman ni John sa lalaking tumulong sa kaniya.
Pareho silang napailing na lamang sa ugaling ipinamalas ng babae.
—
“Sir, pakiusap, sumama na kayo sa amin. Wag n’yo na kaming pahirapan.” Naglumuhod ang isang gwardiya matapos mamataan si John na naglalakad pauwi.
“Nagkakamali ka yata, mister. ” Nagpatuloy si John sa paglalakad ngunit hindi siya tinigilan ng gwardiya.
“Sir, mag-iisang taon na rin ho kayong ipinahahanap ng papa n’yo. Talaga hong nag-aalala na siya sa inyo at naaapektuhan na rin ang kaniyang kalusugan,” nangongonsyensyang anang guwardiya sa kaniya.
Napatigil si John at naisip ang nag-iisang pamilya niya… ang kaniyang ama.
Nagkaroon sila ng maliit na alitan nito dahil lamang sa kagustuhan niyang maranasan ang simple at normal na buhay ng kaniyang ina sa kinalakhan nitong probinsya na hindi naman gaanong kalayuan sa Maynila. Ngunit ayaw siya nitong payagang magbakasyon. Katuwiran kasi ng kaniyang ama ay hindi naman niya kailangan iyon. Nasa kanila na raw ang lahat. Masiyado siyang ikinukulong nito sa buhay ng mga mayayaman ngunit masiyado na siyang naririndi dahil doon.
Kaya naman tinakasan niya ito at ilang buwan ding tinaguan.
Ngunit panahon na siguro upang bumalik siya sa kaniyang responsibilidad. Nag-aalala na rin naman siya sa ama.
Suot ang kupas na pantalon at asul na pang-itaas ay bumalik siya sa kanilang mansyon. Hindi agad siya pinapasok ng mukhang kaha-hire pa lamang na gwardiya. Halata kasing hindi siya kilala nito.
“Hoy, pulubi! Umalis ka rito! Wala akong pambigay.” Walang habas na itnulak siya ng gwardiya upang umalis.
“Maaari bang makausap si Don Javier?” magalang na tanong ni John.
“Sino ka ba? Bakit kilala mo ang amo ko?” nakakunot na tanong nito.
Maya-maya ay dumating ang personal bodyguard ng kaniyang ama na si Ysmael. Ito ang nakiusap upang bumalik siya sa mansyon.
“Sir…” Yumuko si Ysmael bilang paggalang. “Hinihintay na po kayo ng papa n’yo,” dagdag pa nito.
“S-sir?” Hindi makapaniwala ang gwardiyang nagtaboy sa kaniya kani-kanina lang.
“Tuloy kayo. Maligayang pagbabalik.” Nginitian siya ni John bilang pasasalamat.
Tuwang-tuwa si Don Javier sa pagbabalik ng anak. Hindi nito inakala na magpapakita pang muli ang anak na matagal din siyang tiniis.
“Pasensiya sa katigasan ng ulo ko, ‘pa.” Tumango-tango si Don Javier at inunawa ang anak.
“Hala, sige, kumain ka nang marami.” Nagpahanda ng maraming pagkain si Don Javier.
Ngunit ang nagulat si John nang makilala ang babaeng naghahain sa kaniya ng pagkain ngayon.
“Sandali, ano’ng pangalan mo?” Napatingin ang katulong sa kaniya at hindi mawari ang kilig nang mapansin siya ng amo.
“Angelica po.”
“Hindi mo ba ako natatandaan?” Kunot noong umiling ang katulong.
“Tanda mo ba ’yong lalaking nakatapon sa ‘yo ng isda noong isang linggo?” Nanlaki ang mata ni Angelica sa tanong ng amo.
Hindi nasagot si Angelica bagkus ay tila naestatwa na. Malakas ang kalabog ng kaniyang dibdib at natatakot siyang tanggalin na ng binata sa trabaho.
Samantala, ganoon din ang nararamdaman ng guwardiya na nang-alipusta kay John kanina. Bukod kasi sa natatakot siyang matanggal ay baka ipakulong pa siya ng amo!
Ngunit likas na mabuti ang puso ni John… pinatawad niya ang mga ito sa kondisyong hindi na muli nila uulitin ang pang-aalipusta kahit kanino.