Inday TrendingInday Trending
Palaging Inaapi ang Magkapatid noong Sila’y Bata pa; Naging Inspirasyon iyon ng Tagumpay nila

Palaging Inaapi ang Magkapatid noong Sila’y Bata pa; Naging Inspirasyon iyon ng Tagumpay nila

Umaga na naman. Tahimik na nag-almusal ang magkapatid na Nelia at Buboy upang agad na nilang maumpisahan ang kanilang mga gawain.

Labing pitong taong gulang na noon si Nelia habang si Buboy naman ay labing anim. Pareho silang tapos na ng highschool at nayon ay nag-aaral ng vocational courses upang sa pagtapak nila sa tamang edad ay makakuha na sila nang maayos-ayos na trabaho.

Maituturing na ulilang lubos na ang dalawang magkapatid simula nang iwan sila ng kanilang ina at hindi na magpakita pang muli, dalawang taon na ang nakalilipas. Ang ama naman nila ay matagal nang pumanaw dahil sa sakit sa bato na noon ay hindi agad nila naagapan dahil sa kanilang kakapusan sa pera.

Simula noon ay silang magkapatid na lang ang naging magkatuwang upang pareho silang mabuhay. Nagsilbing malaking tulong sa kanila ang pagtatanim ng gulay sa kanilang bakuran upang kahit papaano ay magkaroon sila ng pagkakakitaan na ipinangtutustos nila sa pang-araw-araw nilang pangangailangan sa pamamagitan ng paglako ng mga gulay na iyon sa daan.

Bitbit nila ang kanilang mga baldeng tubigan. Ngayon ay balak nilang mag-igib ng tubig upang ipangdilig sa kanilang mga pananim at maligo na rin sa posong iyon na kalapit lang din naman ng kanilang bahay.

Nasa ganoon silang gawain nang biglang mapadaan ang kanilang tiyahing si Milan…

“Aba’y tingnan mo nga naman. Maliligo na ang dalawang gusgusin!” hiyaw nito kasabay ng nakaiinsultong mga ngisi. “Pagkatapos n’yo diyan, pumunta kayo sa amin. Bibigyan ko kayo ng mga damit. Marami na kaming hindi ginagamit na basahan doon, iyon ang isuot n’yo!” Humalakhak pa ito na animo nakakatawa ang binitiwan nitong biro. Nagtawanan din ang iba pa nilang mga kamag-anak, maging ang mga tiyuhin nilang umagang-umaga’y alak na agad ang inaalmusal.

Napailing na lamang si Nelia at nakaramdam ng awa para sa kanilang mga sarili, lalong-lalo na sa kapatid niyang si Buboy.

“Buboy, bilisan mo r’yan at nang tayo’y makapagtrabaho na. Papasok pa tayo sa eskuwela para tayo’y hindi matulad sa mga taong walang pinag-aralan kaya’t walang alam sa buhay kundi manlait at makialam sa buhay ng kapwa,” hindi nakapagpigil na pasaring naman ni Nelia sa tiyahin. Kapatid ito ng kaniyang ama ngunit kailan man ay hindi sila nito itinuring na kamag-anak.

“Aba’t ako ba ang tinutukoy mong bata ka?” nanggagalaiting sigaw ng kanilang Tiya Milan.

“Bakit ho, tiyang? Tinamaan ho ba kayo?” sagot naman ni Nelia sa matapang na tono.

Akmang sasaktan siya ng kaniyang tiya Milan nang mabilis siyang nagsalita:

“Sige ho, tiya, saktan n’yo ho kami ng kapatid ko at irereklamo ko na ho kayo. Kayo ho ang naunang mang-insulto. Kung ayaw ho pala ninyong gawin sa inyo, huwag ho ninyong gawin sa iba!” ani Milan at hinila na pauwi ang kaniyang kapatid na si Buboy.

Alam ni Nelia na mali ang ginawa niya sa kaniyang tiya ngunit talagang hindi na niya matiis ang ginagawa nito sa kanila. Minsan, ang matatanda rin naman ang dahilan kung bakit hindi na sila kayang igalang pa ng mas nakababata.

Simula noon, ipinangako ni Nelia at Buboy sa kanilang mga sarili na gagawin nila ang lahat upang umasenso sa buhay… nagsilbing inspirasyon sa kanila ang mga pang-aaping kanilang naranasan sa kanilang mga kaanak kaya naman lalong tumindi ang determinasyon nilang magtagumpay.

Naging masipag sa trabaho ang magkapatid. Bukod doon ay pareho nilang inisip na magkaroon muna ng magandang buhay bago sila mag-asawa kaya naman talagang nag-focus sila sa pagtatrabaho.

Naging masinop din sila. Maliit man ang kanilang kinikita noong una ay unti-unti silang nakapag-ipon upang magkaroon ng kaptal sa negosyo na nang umpisahan nila ay agad na pumatok sa unang taon pa lamang nito!

Mabilis na gumanda ang buhay ng magkapatid at dahil doon ay naipaayos nila ang kanilang bahay.

Ipinagiba nila ang dating bahay na gawa lamang sa pinagtagpi-tagping retaso ng mga materyales. Muli silang nagpatayo ng bahay na hinati nila sa dalawa upang magkaroon sila parehas ng sariling tirahan sa lupa ng kanilang ama.

Inggit na inggit ang noo’y hirap na hirap sa buhay nilang mga tiyahin at tiyuhin na makailang ulit nang lumapit sa kanila upang maambunan nila ng grasya…

Ngunit ang mas nakatutuwa ay ang pagiging mabuting tao ng dalawang magkapatid sa kanila.

Hindi nila direktang binigyan ng pera ang kanilang mga naghihirap na kaanak, ngunit itinuro nila ang kanilang mga nalalaman.

Tinuruan ng magkapatid ang mga ito upang maipasok sila sa trabaho at nang sa ganoon ay magkaroon sila ng pagkakakitaan galing mismo sa sarili nilang pawis.

Iyon kasi ang turo ng kanilang ama noong ito ay nabubuhay pa:

“Huwag mo silang bigyan ng isda. Bagkus ay turuan mo sila kung paano mangisda.”

Advertisement